MALALIM na ang gabi. Dalawang araw na ang nakalipas ngunit hindi pa rin bumabalik ang Jefe at kapitan. Tulad ng nakapagkasunduan ng buong kilusan, bababa ang ilan sa kanila sa bundok upang hanapin na ang mga ito.
Abalang naglilinis si Waldo ng kaniyang sandatang dadalhin sa kanilang misyon. Wala mang maiiwang nakakatanda ang kilusan ngunit kailangan niyang bumaba ng bundok upang samahan ang kaniyang mga kasama sa paghahanap sa kanilang pinuno. Sa lahat, siya ang mas nakakaalam ng daan patungo sa mansion ng mga Ricarte. Makikipagsapalaran sila kung naroon nga ba ang kapitan.
"Hindi ba talaga ako makakasama?"
Umangat ang tingin ng binata. Hindi na siya nabigla nang makitang nakatayo sa kaniyang harapan si Alunsina. Pagkatapos nilang mag-usap noong gabing iyon, buong akala niya ay naiintindihan na siya nito ngunit hindi pa rin ito tumitigil sa pangungulit sa kaniya. Hindi na niya matandaan kung ilang beses na siya nitong kinumbinsi upang payagang sumama pababa ng bayan.
"Alunsina, kahit ano pa ang gawin mo ay hindi na magbabago ang aking desisyon. Maiwan ka na lamang rito. Kakailangan ka ng iba nating kasama," sambit ni Waldo at muling itinuon ang pansin sa riple na kasalukuyan niyang nililinis.
"Ngunit, wala naman akong ibang gagawin rito. Kaya't isama mo na lang ako. Pangako, hindi ako manggugulo. Nais kong tumulong sa paghahanap sa Jefe at kapitan."
"Hayaan mo na kami na lamang nina Kalapati at Buwitre ang lumuwas sa bayan. Sisilipin lang naman namin ang mansion ng mga Ricarte kaya't saglit lamang kami doon."
"Gayunpaman, nais ko pa ring sumama—"
"Alunsina!"
Ramdam ng dalagita ang inis sa tinig ng binata dahilan upang mapatahimik siya. Napagtanto naman ni Waldo ang pagtataas niya ng boses rito kung kaya't napayuko siya.
"Paumanhin sa aking ginawa. Hindi ko sinasadyang sigawan ka. Ngunit, kagaya ng aking sinabi sa iyo, kami na lamang nina Kalapati at Buwitre ang aalis. Maiwan ka rito."
Hindi na lamang ipinilit pa ni Alunsina ang kaniyang gusto rito. Naupo siya sa isang tabi upang panuorin ang ginawa nito. Pagkatapos linisin ang riple, pinuno niya ng lalaki ng bala ang kaniyang dadalhing rebolber saka ito itinago sa kaniyang likod. Sakto namang dumating si Manuel pagkatapos niyang maghanda.
"Kuya Waldo, naghihintay na po sina Kalapati at Buwitre sa labas," anunsyo nito.
"Susunod na ako."
Sinukbit ng binata ang riple sa kaniyang balikat at nagtungo na sa labas. Sumunod naman si Alunsina sa kaniya na hanggang ngayon ay nangingibabaw pa rin ang kagustuhan nitong sumama. Madilim na ang buong paligid nang lumabas sila, nakatulong ang mga ginawang sulo bilang tanglaw ilaw na siyang nakapalibot sa buong bahay upang maaninag nila ang paligid.
Nandatnan nilang naghihintay na sina Kalapati at Buwitre. Tulad niya, bitbit rin ng mga ito ang kani-kanilang mga armas. Naroon rin sina Manuel, Jose at Mateo upang palakasin ang kanilang mga loob.

BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...