Kabanata 26

67 13 0
                                    

MABIBILIS ang mga yapak ng isang dalaga habang mag-isang tinatahak ang madilim na eskineta palayo sa mansiong kaniyang pinanggalingan. Inayos niya pa ang pagkakasuot sa kaniyang itim na sombrero nang bahagya itong tumabingi nang tumalon siya mula sa mataas na pader ng kanilang mansion. Sinigurado niyang walang kahit isang hibla ng kaniyang buhok ang umalpas mula sa suot niyang sombrero. Lumingon siya sa kaniyang likuran bago muling sinimulan ang paglalakad. Pasado alas diyes pa lamang ng gabi ngunit kapansin-pansin na ang tahimik na paligid. Maliban sa kaniya, wala nang ibang taong nasa labas. Hula niya ay nasa kaniya-kaniyang tahanan na ang mga ito sapagkat umiiral pa rin ang kurpyo sa bayan. Takot ang mga tao sa maaari nilang danasin oras na sila'y mahuli.


Ngunit, hindi takot ang nararamdaman ni Agueda ngayon habang naglalakad sa gilid ng lansangan. Nag-aalala siyang lumipas ang araw na ito nang hindi niya nakikita ang lalaking iyon. Bagama't hindi araw ng Biyernes ngayon ngunit may mahalagang bagay siyang nais na itanong rito. Dapit-hapon na nang bumababa sila ng bundok mula sa isang pagpupulong ngunit hinayaan muna ni Agueda na umidlip ang Kapitan upang hindi nito mamalayan ang kaniyang paglabas ng mansion. Batid niyang isang kasalanan na naman ang kaniyang ginawa ngunit hindi niya na idadamay pa ang lalaki sa gulong kaniyang pinasok. Ayaw niyang magtagpo ang landas nina Artemio at Simeon. Hangga't makakaya niya, lulutusin niya ang suliraning ito nang mag-isa.


Suot ang isang pares ng terno at kurbata na siyang binagayan naman ng itim ring sombrero, humalo ang dalaga sa madilim na paligid. Rinig na rinig sa tahimik na gabi ang kaniyang mga yapak sa tuwing naaapakan niya ang mga tuyong dahon na nagkalat sa daan. Tulad ng inaasahan, namataan niya ang isang pulutong ng mga guardia sibil sa dakong hilaga dala-dala ang mga armas nito, sensyales na mag-uumpisa na ang kanilang gagawing pagroronda sa buong bayan.


Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago lumihis ng daan papasok sa isang makitid na kalye at pansamantalang nagtago sa likuran ng isang imbakan ng mga gulay. Ilang sandali muna ang dumaan bago tuluyang makalayo ang mga dayuhan mula sa kaniya. Lumabas siya sa kaniyang pinagtataguan at pinagpatuloy ang paglalakad.


Mabilis niyang narating ang mansion ng bagong Gobernador-Heneral. Batid ni Agueda na lubhang delikado ang kaniyang pagpupuslit ngunit wala siyang ibang mapamimilian. Tinungo niya ang malaking puno ng mangga sa likod ng mansion at inakyat ito. Sumampa siya sa matibay nitong sanga at pinag-aralan ang paligid. Tanaw niya sa kaniyang puwesto ang silid ng lalaking nais niyang makita. Nakabukas pa ang gasera nito kaya't batid niyang gising pa ang binata. Sandali siyang nagmatyag. Napuna niyang hindi nagagawi ang mga guardia sibil sa bahaging ito kaya't hindi na siya nagdalawang-isip na tumalon upang tuluyang tawirin ang mataas na bakod ng bahay.


Tahimik siyang lumapag sa lupa at naglakad patungo sa pintuan papasok sa kusina ng bahay. Akmang hahakbang na sana ang dalaga papasok nang marinig niya ang boses ng isang babaeng kumakanta sa loob. Mabilis siyang gumalaw at pinilit na isiksik ang sarili sa likuran ng isang halaman. Mayamaya pa lumabas ang isang babaeng nakasuot ng lumang barot' saya habang dala-dala ang dalawang malalaking supot ng basura sa magkabilang kamay. Hindi siya nito napansin nang dumaan ito sa halamang kaniyang pinagtataguan. Nagtungo ang babae sa lilim ng puno upang simulan ang pagsisiga.


Kinuha iyong magandang pagkakataon ni Agueda upang tuluyang makapasok sa loob ng mansion. Maingat ngunit mabibilis ang kaniyang mga hakbang habang inaakyat ang mahabang hagdaan patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Bagama't pangalawang beses niya pa lamang rito ngunit sariwa pa sa kaniyang alaala ang eksaktong kwartong dapat niyang pasukan. Pangatlong pintuan mula sa hagdaan, iyon ang silid ng Simeon.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon