ALAS diyes ng gabi nang matunton ni Agueda ang daan papasok ng bundok Mirador. Madilim ang paligid ngunit sapat ang sinag mula sa bilog na buwan upang maaninag niya ang daan. Humupa na rin ang kaniyang kaba at napalitan ito ng pag-aalala sa iba niya pang mga kasama. Magulo ang kaniyang isip at nagtatalo ang kaniyang loob habang naglalakad. Hindi niya mawari kung tama ba ang kaniyang desisyong iwanan si Artemio sa bayan. Batid niyang magaling itong makipaglaban ngunit nag-iisa lamang ang binata. Hindi nito kakayanin ang napakaraming pulutong ng mga guardia sibil. Gayunpaman, magtitiwala siya sa lalaki. Alam niyang ginawa lamang ni Artemio ang nararapat sa sitwasyon.
"Jefe!"
Umangat ang tingin ni Agueda at mabilis na napansin ang isang grupo ng mga lalaki sa 'di kalayuan. Mabilis niya itong nakilala dahil sa mga suot nitong camisa de chino. Biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam nang mapagtanto niyang nakaligtas ang iba niya pang kasama. Nakatayo sa ilalim ng puno ang limang magigiting na miyembro ng kanilang samahan habang nakasandig naman sa malaking katawan ng puno ang lalaking iniligtas nila. Hinang-hina si Waldo at napapayakap sa sarili dahil sa lamig ng hamog.
"Kuwago, wala bang nakasunod sa inyo?" tanong ni Agueda nang tuluyan na siyang nakalapit.
"Wala, Jefe. Siniguro naming nailigaw na namin ang mga guardia sibil na tumutugis sa'min bago kami pumarito," sagot nito.
Nakangiti man ang lalaki ngunit batid ni Agueda ang hirap na dinaanan nito. Napapansin niya ang pawis nito sa mukha at dungis ng suot na damit gawa ng nagdaang barilan. Napalingon rin siya kina Alakdan, Tigre, Kalapati at Buwitre. Kita rin sa mga suot na camisa de chino ng mga lalaki ang mga talsik ng dugo mula sa kanilang mga kalaban kanina. Hindi man aminin, alam niyang iniligay niya sa alanganin ang buhay ng mga taong ito.
Bumuntong hinga ang dalaga. "Wala bang nasagutan sa inyo?"
"Walang napuruhan sa amin, Jefe," sagot ni Alakdan. "Ngunit nasugatan ng isang matalim na bagay si Buwitre sa kaniyang balikat habang kami ay tumatakbo kaya't nagdurugo ito ngayon."
Napatingin si Agueda kay Buwitre at napansin ang duguang balikat nito na bumakat sa itim na damit ng lalaki. Mabilis niya itong nilapitan at sinuri.
"Hindi gaanong malalim ang sugat ngunit kailangan pa rin itong linisan upang hindi magka-inpeksyon," saad niya.
"Naku, huwag na Jefe. Kaya ko na po ito," tanggi ni Buwitre.
"Hindi malayong magkalagnat ka kung babalewalain mo na lamang ang kahit ganito ka-simpleng sugat. Nararapat pa rin itong lapatan ng paunang lunas."
Dalawang taon pa lamang si Agueda sa medisina ngunit sapat na ang kaniyang kaalaman upang gumamot ng mga malalalim na sugat, maglapat ng mga karapat-dapat na gamot at sumuri ng iba't ibang karamdaman ng tao. Batid niyang kakailanganin ng kanilang grupo ang isang manggagamot ngunit hangga't wala pa silang nahahanap, minabuti niyang aralin nang maagi ang kaniyang kurso upang makatulong sa iba at magamit ng kanilang kilusan sa mga sitwasyong tulad nito.
"May bandana ba kayo riyan?" tanong niya sa lahat.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...