Kabanata 19

104 14 0
                                    

NGUMINGITI ang Jefe habang pinagmamasdan ang batang katabi. Halos hindi na maguhit ang mukha ni Benito na nakatitig sa mga letrang nakasulat sa kaniyang papel. Hindi niya maintindihan ang mga salitang iyon ngunit ang sabi ng Jefe ay iyon daw ang kaniyang pangalan. Bagama't hindi siya marunong magbasa, madalas naman siyang nakakakita ng letra sa mga libro at lumang diyaryong nakikita niya sa lansangan. Namamangha lamang siya dahil hindi niya alam na ganito pala kagandang pagmasdan ang kaniyang pangalan kapag nakasulat sa isang papel.


"Nakakatiyak po ba kayo na ito ang aking pangalan?" Muling tanong ng bata.


Naningkit ang mga mata ni Agueda. "Pinagdududahan mo ba ang kakayahan kong magbasa at sumulat?"


Napansin ni Benito ang reaksyon sa mukha ng kaniyang Jefe. Natakot siyang pagalitan nito kaya't mabilis siyang humingi ng paumanhin.


"Patawad, Jefe. Hindi po iyon ang ibig kong sabihin. Napakaganda lamang po kasi ng pagkakasulat niyo ng mga letra sa papel kaya't nagdalawang-isip ako kung iyon nga ba talaga ang aking pangalan."


"Bakit ka naman magdududa kung maganda naman pala? Maganda ang iyong pangalan, Benito, kaya't hindi nakakapagtakang maganda rin itong tingnan kapag naisulat na. Sino bang nagbigay ng pangalan mo?"


Natigilan ang bata. Nanumbalik sa kaniyang isipan ang masalimot na pangyayari nang mawala ang isang taong hinahangaan niya ng lubos.


"Ang aking ama po."


Nahimigan ni Agueda ang lungkot sa boses nito. Bigla tuloy siyang nagsisi kung bakit pa nga ba niya iyon tinanong. Batid niya ang kwento ng buhay ni Benito at ng ina nitong si Josefa. Alam niya ring namatay ang ama nito sa kasagsagan ng digmaan.


"O, siya!" pag-iiba sa usapan ng dalaga. "Bakit hindi mo na simulang gayahin ang pagkakasulat ng iyong pangalan?"


"Gagayahin ko po?"


"Bakit? Hindi mo ba kaya?"


Umiling si Benito. "Hindi naman po sa ganoon ngunit wala po kasi akong panulat."


"Maaari mo namang gamitin ang aking pluma at tinta," saad ni Agueda.


Namilog ang mga mata ng batang lalaki at napatingin sa hawak na pluma ng Jefe. Nahuhumaling siya sa hugis ng panulat nito. Gusto niya rin ang maliit na balahibo ng ibon na nakakabit sa ulo nito. Hinuha niya ay mamahalin ang panulat at rinig niya ring hindi lahat ng tao sa bayan ay may ganitong klaseng gamit. Bigla tuloy siyang nahiya habang iniisip niyang ginagamit niya ito. Wala siyang pambayad kung sakalimang masira niya ito nang hindi sinasadya.


"Huwag na ho, Jefe. Sapat na po sa'kin ang kahit titigan lamang ang aking pangalan sa papel," sabi ni Benito sabay tuon ng pansin sa papel na nasa kaniyang harapan.


Naningkit naman ang mga mata ani Agueda habang pinagmamasdan ang kilos nito. Nakikita niya ang ningning ng saya sa mga tingin nito ngunit hindi niya mawari kung anong dahilan ng pagdadalawang-isip ng bata. Napatingin tuloy siya sa kaniyang hawak na pluma at sa malaking garapon ng tinta na kabubukas pa lamang niya. Bago ang kaniyang mga gamit ngunit sinadya niya talagang ilaan ang mga ito para sa pagtuturo kay Benito. Marahil ito ang nakakapagpabagabag sa kaniya.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon