UMALINGAW-NGAW sa buong kagubatan ang mga putok ng baril. Nagambala ang lahat ng mga kasapi ng kilusan nang marinig iyon. Ang mga nagbabantay sa labas ay pawang nabuhayan ng loob at nilayasan ng antok at kaagad na umalerto.
Sabay na napalabas mula sa bahay sina Alunsina at Manuel bitbit ang kanilang mga armas sa pag-aakalang isang kaguluhan ang sumiklab. Dagling nagising naman sina Jose at Mateo upang tingnan ang kaganapan sa labas.
"Ano ang putok na iyon?" tanong ni Manuel.
"Putok iyon ng baril. Base sa lakas ng tunog nito, hinuha ko ay malapit lamang iyon rito sa ating kuta," sagot naman ng dalaga habang nakamasid sa paligid.
"Wala pang dalawang oras nang makaalis sina Kuya Waldo. Sana nama'y walang nangyaring masama sa kanila."
Marahas na napalingon sa kaniya si Alunsina. Hindi niya nagugustuhan ang nais nitong ipahiwatig.
"Huwag kang mag-isip ng masama sa ating mga kasama. Makabubuti kung ipagdarasal natin ang kanilang kaligtasan."
Bumuntong hininga si Manuel.
"Magpapasama ako sa iba nating kasapi upang suriin ang buong lugar. Nais kong makasigurong ligtas tayo rito. Hangga't hindi kami nakababalik, manatili ka na muna rito."
Tumango si Alunsina sa kaniya bilang pagsang-ayon. Gumayak naman si Manuel kasama sina Jose, Mateo at pito pa nilang mga kasamahan upang tulungan siyang matunton ang pinanggalingan ng putok ng baril. Bitbit ang mga sulo at kaniya-kaniyang armas ng mga ito, nilandas nila ang daan ng Silangan.
Halos hindi naman mapakali si Alunsina sa kaniyang kinatatayuan. Nais niyang sumama sa pagroronda ngunit hindi niya maipaliwanag ang panginginig ng kaniyang tuhod dulot ng labis na kaba. Pilit niyang kinukumbinsi ang kaniyang sarili na mali ang kaniyang mga hinala ngunit maya't maya siyang binubulabog ng kaniyang mga takot. Hindi pa nga nagtatagal nang makaalis sila Waldo, Kalapati at Buwitre. Kung tatansiyahin, hula niya ay nasa gitna pa ito ng kagubatan at naglalakbay, bagay na siyang lalong nagpapabigat ng kaniyang nararamdaman sapagkat doon nanggagaling ang putok ng baril na kaniyang narinig.
Sinubukan niyang sumandig sa kalapit na haligi upang suportahan ang kaniyang sarili. Kung hindi siya kakapit, tiyak ay mabubuwal siya sa kaniyang kinatatayuan. Halos marinig niya na ang pintig ng kaniyang puso sa lakas nito. Ayaw niyang pansinin ang kaniyang nararamdaman. Nais niyang iwaglit ang kaniyang iniisip ngunit pawang may sariling isipan ang kaniyang katawan sapagkat patuloy na nanginginig ang kaniyang mga tuhod at daliri.
Napatanaw siya sa malayo habang hinihintay ang kaniyang mga kasama.
Hatinggabi na. Biglang umihip ng malakas ngunit kataka-takang mainit ang lamyos ng hangin ngayon. Mistulang niyayakap siya nito.
Sa hindi malamang dahilan, naramdaman niya ang paglaglag ng kaniyang mga luha. Kasabay noon ay naaninag niya ang pangkat ng kaniyang mga kasama, natutop na lamang ni Alunsina ang kaniyang bibig nang mapagtantong tatlong duguang mga lalaki ang buhat-buhat ng mga ito. Tadtad ng bala ang buong katawan at wala nang buhay.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Narrativa StoricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...