Kabanata 10

94 15 0
                                    

TIRIK na ang araw nang magsimula ang paglalakbay ng grupo papunta sa kabilang bundok kung saan naroon ang abandonadong bahay na pagmamay-ari ng ama ni Waldo. Hinati ng Jefe ang grupo sa dalawa. Naiwan sina Kuwago, Alunsina, Benito at ang ina nito na si Josefa sa kampo ni Ka Miyong habang ang iba naman ay inutusang pansamantalang manatili sa kanilang bagong kuta. Nanguna si Waldo sa paglalakbay. Matagal nang walang tao ang lumang kuta ng kaniyang ama at walang ibang nakakaalam ng lugar na iyon maliban sa kaniya. Tama ang desisyon ng kanilang Jefe na gamitin ito sapagkat ligtas nga itong pagtaguan.


Dala ang kani-kanilang gamit pandigma, tinawid ng grupo ang isang maliit na ilog. Malayo na ang kanilang nilakbay kaya't ilan sa kanilang mga kasama ay pagod na rin. Gustuhin man nila ngunit hindi sila maaaring magpahinga. Kailangan nilang marating ang kuta bago pa man kumagat ang dilim. Masyadong mapanganib ang kakahuyan para sa mga tulad nila. Isa pa, bilin rin ng Jefe na madaliin ang kanilang paglilipat.


Samantala, abala naman sina Ka Miyong at Kuwago sa pagliligpit ng mga naiwang gamit ng kanilang grupo. Nakaalis na sina Agueda at Artemio pabalik sa mansion ng mga Ricarte habang naiwan naman ang dalawang lalaki kasama ang dalawang bata at si Josefa upang manmanan ang kanilang kampo. Malinis na ang looban ng bahay. Walang kahit sino ang maghihinala na isa itong kampo ng kilusan. Nakatago na rin ang mga armas at kasuotan sa isang baul na siyang ibinaon ng matanda sa ilalim ng lupa. Panatag ang kanilang kalooban na walang sinuman ang makakaalam ng tungkol sa kanilang kilusan.


Kasalukuyang nagsisiga sa bakuran si Ka Miyong nang matanaw niya ang isang pulutong ng guardia sibil na papalapit sa bahay. Napaayos siya ng tayo nang makita ang mga dala-dala nitong armas. Napabuntong hininga siya at itinigil ang ginagawa.


Napahinto rin sa paglalaro ng bola si Benito nang mapansin ang paparating. Tumakbo ang bata sa likuran ng kaniyang ina upang magtago. Bagama't nagulat, pinilit ni Josefa na kalmahin ang kaniyang sarili. Nakamasid naman sa may bintana si Alunsina at sinubukang itago ang kaniyang pagkasuklam sa mga dayuhan. Hindi niya pa rin nakakalimutan ang trahedyang naganap sa kaniyang pamilya dahil sa mga ito.


"Magandang hapon sa inyo," bati ni Ka Miyong. "Ano po ang inyong kailangan rito sa bundok?"


Humakbang papalapit sa kaniya ang isang guardia sibil na halatang mataas ang katungkulan. Pagkuwa'y napatingin ito sa paligid na parang nagmamasid.


"Magandang hapon rin, indio. Ako si Teniente Enrique Manahan, ang tumatayong pinuno ng guardia sibil ng Espanya habang nagpapagaling pa si Kapitan Santiago sa sugat na kaniyang natamo sa naganap na barilan kagabi."


Kumunot ang noo ni Ka Miyong.


"Barilan? Ang ibig niyo pong sabihin ay may naganap na karumal-dumal na pangyayari sa bayan kagabi?"


"Hindi ba niyo nasagap ang balita tungkol roon? Bibitayin na sana ang isang kriminal na pumatay sa dating Gobernador-Heneral ngunit may mga armadong tao ang bigla na lamang sumulpot sa kung saan at pinigilan ang paghahatol. Maraming guardia sibil ang namatay at napuruhan rin sa binti si Kapitan Santiago."


Pagkuwa'y napatakip sa kaniyang bibig si Ka Miyong dahil sa gulat.


"Aba'y sino naman kaya ang kayang gumawa ng bagay na iyon sa inyo?"


Tumaas ang kilay ng Espanyol. "Iyon rin ang nais naming malaman kaya't kasalukuyan kaming gumagawa ng imbestigasyon sa nangyari. Ang sabi ng aking pulutong ay dumaan sa bundok na ito ang mga armadong lalaki. Nais kong tinanong sa inyo kung may napansin ba kayong kahina-hinala kagabi rito."

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon