Kabanata 50

52 11 0
                                    

NAGTUNGO si Simeon sa kuta ng mga rebelde upang ipaalam sa mga ito ang magandang balitang tungkol sa pagpapalaya ng kanilang kapitan. Tulad ng kaniyang inaasahan, kahit papaano ay panandaliang namutawi ang galak sa mga mukha nito. Hindi pa rin magawang makampante ang lahat dahil sa kalagayan ng Jefe ngunit paulit-ulit na ipinangako ni Simeon sa mga ito na gagawa siya ng paraan upang mapalaya rin ang babae.


Dalawang araw pa lamang ang nakakaraan ngunit aaminin niyang nangungulila na rin siya rito.


Nasa ikalawang palapag ng bahay si Simeon nang mapadaan siya sa isang nakabukas na silid, sinilip niya ang looban nito. Kung hindi siya nagkakamali ito ang silid ni Agueda. Nabigla siya nang makita ang isang batang lalaking nakaupo sa dulo ng kama. Napangiti siya ng makilala si Benito. Hindi na siya nagdalawang-isip na lapitan ito.


"Nalulungkot ka rin ba sapagkat wala pa ang iyong Jefe?" tanong niya rito dahilan upang maagaw ang atensyon ng paslit.


Umupo si Simeon sa tabi ng bata. Ang mga malalaking mata nito ay napadako sa kaniya.


"Kailan ba siya babalik? Hindi ko pa kabisado ang mga letra sa aking pangalan kaya't nais kong magpaturo pa sa kaniya," maktol nito.


"Tinuturan ka ng Jefe na magsulat?" gulat na tanong ni Simeon.


"At magbasa," dagdag ng bata. "Hindi lang iyon. Ibinigay niya pa sa akin ang kaniyang bagong pluma at tinta."


Mabilis na kinalkal ng bata ang dala niyang maliit na supot na gawa sa pinagtagpi na lumang tela. Masayang iniharap niya ang ibinigay na pluma at tinta sa kaniya ng Jefe. Namangha naman si Simeon nang makita ang kalidad ng bagay.


"Isang mahalagang bagay itong ibinigay ng Jefe sa iyo, Benito," puna niya. "Kay ganda ng plumang ito."


Biglang nakaisip ang lalaki ng isang magandang ideya.


"Benito, maaari ko bang hiramin ang iyong pluma at tinta?"


Kumunot ang noo ng kausap. "Bakit? Marunong ka bang magsulat?"


Bahagyang napangiti si Simeon.


"Oo naman. Nais ko sanang gumawa ng isang liham para sa iyong mahal na Jefe—iyon ay kung pahihiramin mo ako ng iyong pluma at tinta."


Sandaling nag-isip ang bata. Ngunit, hindi nagtagal ay pumayag rin ito. Nakangiting inabot ni Benito ang hawak niya sa lalaki. Agad naman ring nagtungo si Simeon sa kalapit na mesa. Kumuha pa siya ng isang malinis na papel mula sa mga gamit na naiwan ng dalaga upang simulan ang kaniyang pagsusulat. Tahimik lamang ang binata habang ginagawa niya iyon. Nang matapos, kaagad niyang itinupi ang papel sa ikatlong bahagi. Muli niyang nilapitan si Benito at palihim na isinilid sa supot nito ang sinulat niyang liham.


"Nawa'y muli mong makita ang iyong Jefe nang sa gayo'y maipaabot mo sa kaniya ang aking liham," sambit ni Simeon.


Nagsalubong ang maliliit na kilay ng paslit. "Liham po? Anong liham?"


The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon