Kabanata 7

149 18 1
                                    

ISINIWALAT ni Kuwago ang lahat ng mga pangyayaring nasaksihan niya sa bayan noong hapong iyon. Hindi naniniwala si Agueda na si Waldo ang pumatay sa Gobernador-Heneral. Nakita niya nang malapitan ang lalaking nakainkwentro niya noong gabing naganap ang krimen. Kung titingnan sa pangangatawan nito, malaki ang pagkakaiba ni Waldo at sa lalaking nakita niya. Isa pa, alam niyang gumagawa ng mga ilegal na transaksyon ang kaniyang kaibigan ngunit kailanman hindi niya naisip na kaya nitong pumapatay ng tao. Tapos na ang dalawang buwan at hindi pa rin nahuhuli ng mga guardia sibil ang taong pumatay sa Gobernador-Heneral, tiyak siyang napagbintangan lamang si Waldo upang kahit papaano ay may taong mapanagot sa nangyari.


Nasa loob ng silid-pulungan sina Ka Miyong, Agueda at Artemio habang nakikinig sa kwento ng kanilang impormante. Nalaman rin nila mula kay Kuwago na ngayong gabi rin mismo isasagawa ang parusang bitay kay Waldo.


"Saan gaganapin ang pagbitay sa kaniya?" tanong ni Agueda.


Mistulang nagdalawang-isip si Kuwago. Hindi siya sigurado kung kaya niyang sabihin sa kaniyang Jefe ang karumal-dumal na balita na narinig niya sa mga tao kanina ngunit bilang impormante ng kanilang organisasyon, tungkulin niyang ilahad ang lahat sa kaniyang lider.


"Jefe, alam kong magugulat kayo sa aking sasabihin ngunit ayon sa aking narinig. Isasagawa ang pagbibitay ngayong gabi sa plaza upang magsilbing leksyon sa lahat ng mga Pilipinong sasalungat sa pamumuno ng mga Espanyol."


Naikuyom ng dalaga ang kaniyang mga palad.


"Hindi man lamang gagawa ng aksyon ang ating mga lider na nasa posisyon upang ipagtanggol ang kanilang mamamayan," gigil na saad niya.


"Maaaring wala nang gagawing hakbang ang ating mga lider, Jefe. Marahil ay kinikita rin nila na maaaring maibalik ang nasirang relasyon ng Pilipinas at Espanya oras na may mapanagot sa nangyari sa Gobernador-Heneral," dagdag ni Kuwago.


Bumuntong hininga na lamang si Ka Miyong. Pagkauwa'y napailing rin siya sapagkat hindi na bago sa kaniyang tenga ang mga narinig.


"Ano pa bang aasahan natin sa lider ng bansang ito? Wala silang ibang ginawa kundi ang makipagmabutihan sa mga dayuhan upang maiwasan ang digmaan. Anong silbi ng kapayapaan kung wala namang kalayaan?"


"Isang buhay ng inosenteng tao na naman ang mawawala ngayong gabi," saad ni Artemio.


"Minadali ang pagbitay sa kaniya. Halata naman na hindi ito ang pumatay sa Gobernador-Heneral."


"Anong ibig mong sabihin, Kapitan Vibora," naguguluhang tanong ni Kuwago. "Kilala mo ba ang tunay na salarin?"


Umangat ang sulok ng labi ng binata sa biglaang tanong ni Kuwago. Napatingin siya sa katabi nitong dalaga at hindi na siya nagtaka pa nang isang matalim na tingin ang bumungad sa kaniya. Tumikhim siya at umayos ng tayo.


"Hindi iyan ang ibig kong sabihin, Kuwago," ngiti niya. "Ang nais kong ipahiwatig ay halata namang hindi si Waldo ang may pakana ng krimen sapagkat kilala ko siya. Isa siyang matulungin at mabuting tao. Malabong siya ang pumatay sa Gobernador-Heneral."

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon