SINALUBONG ni Simeon ng isang malawak na ngiti ang taong aligagang kumakatok sa pinto habang tinatawag ang kaniyang pangalan. Bumungad sa kaniya ang pinuno ng guardia sibil kasama ang dalawa pa nitong alagad sa likuran. Dala ng mga ito ang isang Spanish M93 riple na siyang opisyal na armas na ginagamit ng mga guardia sibil. Umangat ang gilid ng labi ng binata nang mapansin ang mga balisang mukha ng mga ito ngunit agad namang naglaho nang mapansin ang kaniyang ayos.
Walang saplot sa itaas si Simeon at isang manipis na pantalon lamang ang suot niya sa baba. Bahagyang magulo pa ang buhok nito na animo'y kababangon lamang sa kama.
Tumayo ang lalaki sa hamba ng pinto at itinukod ang kanyang siko sa gilid nito upang pigilan ang pagpasok ng kaniyang mga panauhin sa gabi.
"Buenas noches, Señorito Simeon," bati ni Santiago. "Paumanhin kung nagambala namin ang iyong mahimbing na pagtulog."
"Ano ang inyong pakay sa akin ngayong dis oras na ng gabi, Santiago? Nakakaabala kayo sa aking ginagawa. Hindi ba maaring ipagpabukas iyan?"
Tumikhim si Santiago nang mahimigan ang galit sa boses ng kausap.
"Ipagpaumanhin niyo sana ang aking kapangahasan, Señorito Simeon. Ngunit, nais lamang naming alamin ang iyong kalagayan sapagkat habang nagroronda ang aking pulutong, isang walang malay na guardia sibil ang kanilang namataan sa madilim na bahagi na malapit rito sa palacio ng Gobernador-Heneral. Inusisa namin ito nang siya'y magising at napag-alaman kong inatake siya ng isang lalaking nakasuot ng purong itim," mahabang paliwanag ni Santiago.
"Isang lalaki?" tanong ng binata.
"Sí, Señorito. Kaya't kung inyong mamarapatin, sana'y pahintulutan mo kaming pumasok sa iyong silid upang magsiyasat."
Gustong matawa ni Simeon sa kaniyang narinig. Hindi niya akalaing marami rin palang tao ang nagoyo ng kaniyang kaibigan. Pagkuwa'y nilawakan ng binata ang nakabukas na pintuan ng silid dahilan upang masilip ng mga lalaki ang looban nito. Tumambad sa kanila ang isang babaeng nakaupo sa dulo ng kama. Nakabalot ang buong katawan nito ng puting kumot, nakatalikod at sinusuklay ang kaniyang mahabang buhok.
Tumikhim nang malakas si Simeon nang mapansin niyang halos hindi na kumukurap ang mga mata ng tatlong lalaki habang pinagmamasdan ang dalaga sa loob. Napaayos naman ng tayo si Santiago at dagling iniwas ang mga mata.
"Sapat na ang inyong nakita. Walang ibang lalaki sa silid na ito maliban sa akin."
Tumangu-tango ang matanda. "Hindi ko akalaing mahilig ka pala sa mga babae. Kabago-bago mo lamang rito ngunit may nabingwit ka na."
"Paminsan-minsan lang," ngiti ng binata. "Ngayon kung inyong mararapatin, nais ko na sanang ipagpatuloy ang kung anumang bagay ang aming ginagawa. Ikakagalak ko kung kayo'y aalis na."
"Sa aking sapantaha ay ngayon mo lamang nakilala ang babaeng iyan, hindi na ako magugulat kung siya'y isang alipin lamang. Bakit hindi ka pumuli ng babaeng kapareho mo ng antas?"
"Kapareho ko ng antas? Sinong binibini naman ang iyong tinutukoy, Santiago?"
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...