ARAW ng Biyernes.
Maaliwalas ang panahon sa bayan ng Cavinti. Maaga pa lamang ay nasa hardin na ng mansion ng mga Ricarte si Agueda upang simulan ang kaniyang pagsisiga ng mga tuyong dahon at patay na halaman. Ginagawa niya ito tuwing Biyernes ng umaga. Tahimik ang buong bahay kung kaya't tanging ang mga kaluskos mula sa kaniyang ginawang maliit na apoy ang bumubuhay sa paligid. Gusto niya ang kapayapaang iyon. Sa kaniyang paglilinis ng hardin, sa ganoong paraan lamang pumapayapa ang kaniyang damdamin.
Alas otso na nang magpasya siyang muling pumanhik sa mansion upang gisingin si Artemio. Kailangan niyang tingnan muli ang sugat nito sa braso upang linisin. Bagama't daplis lamang ang tama nito ngunit maari itong pagmulan ng sakit at impeksyon kung hindi magagamot nang mabuti. Tiyak niyang magtataka ang kanilang ama kung saan nakuha ng binata ang sugat ngunit mabuti na lamang at hindi pa ito nakakauwi galing ng Maynila.
Dala ang kagamitan sa panggamot, pinihit ni Agueda ang busol ng pinto. Hindi man lang kumatok ang dalaga bago pumasok. Sanay na siyang ginagawa iyon sapagkat iyon rin naman ang ginagawa ni Artemio tuwing nagpupunta ito sa kaniyang kwarto. Hindi na siya nagulat nang tumambad sa kaniya ang tulog na binata. Nakabulagta pa ito sa kama yakap-yakap ang isang unan. Walang suot na pang-itaas si Artemio kung kaya't mabilis na dumako ang mata ni Agueda sa sugat nito sa balikat. Napabuntong hininga siya nang bumakat ang dugo nito sa gasa.
Nilapitan niya ang binata at tinapik ito sa ulo upang gisingin.
"Artemio, gumising ka na," malumanay niyang sabi.
Gumalaw lamang ang lalaki at nag-iba ng puwesto.
"Artemio, bumangon ka na riyan! Kailangan kong tingnan ang iyong sugat."
Walang nakuhang sagot si Agueda.
Bumuntong hininga siya. Inilapag niya ang kaniyang hawak na panggamot sa kama at muling nilapitan ang binata. Kakaunti lamang ang kaniyang pasensya kaya't walang pakundangang sinampal niya nang malakas sa pisngi si Artemio dahilan upang mapabalikwas ito ng bangon. Mabilis nitong kinuha ang rebolber na nakaipit sa gitna ng mga unan at tinutukan ang taong nanakit sa kaniya.
"Jefe?" takang tanong niya nang makita ang babaeng nakaupo sa gilid ng kama.
Kaagad naman niyang ibinaba ang hawak niyang baril at kunot-noo itong tingnan. Hinaplos ni Artemio ang kaniyang pisngi. Nagtatalo ang kaniyang isipan kung totoo ba ang kaniyang naramdamang sakit o bahagi lamang ito ng kaniyang panaginip. Ngunit, masyado itong masakit upang ipagpalagay na hindi iyon totoo. Gising na ang kaniyang diwa ngunit ramdam niya pa rin ang hapdi sa kaniyang mukha.
Napansin naman ni Agueda ang naguguluhang mukha ng lalaki.
Ngumisi siya. "Kailangan pa kitang saktan upang magising ka. Titingnan ko ang iyong sugat kaya't bumangon ka na riyan."
Nanatili ang binata sa kaniyang puwesto. Wala itong suot na pang-itaas kaya't malayang hinahaplos ng malamig na hangin ang kaniyang balat. Bahagya pang nagulo ang buhok nito dulot ng kaniyang pagbalikwas sa kama. Ang mga malalim nitong mata na namumugto pa ay nakatuon lamang kay Agueda habang inaayos nito ang mga kagamitan sa paggamot sa ibabaw ng mesa.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Narrativa StoricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...
