Marso 1888
ABALA ang mga tao sa Cavinti. Binubuhay ang gabi ng mga iba't ibang kulay ng banderas na nakasabit sa magkabilang gilid ng daan. Rinig na rinig rin sa buong bayan ang mga hiyawan ng mga tao habang nakikisabay sa tugtugin ng mga tambol at lira. Puno ng mga tao ang daan. Bagama't alas siyete na ng gabi ngunit nasa labas pa rin ang lahat ng tao upang hintayin ang kagalang-galang na panauhin ng kanilang lugar. Bawat babae ay nakasuot ng magagarang baro't saya na siyang bumabagay naman sa kulay ng hawak nilang pamaymay. Ang mga kalalakihan naman ay matikas at matipunong tingnan sa suot nilang iba't ibang kulay ng camisa de chino.
Isang salu-salo ang magaganap sa tahanan ni Don Diego, ang alcalde mayor ng bayan at punong-abala rin sa pagsalubong sa bagong itinalaga na Gobernador-Heneral mula sa Espanya. Bilang pagbibigay-galang, pinatawag ang lahat ng mamamayan ng Cavinti upang batiin at salubungin ang pagdating ng Gobernador-Heneral Frederico Lubaton. Bagama't gabi ang pinili nitong oras, walang mapamimilian ang mga tao kundi sumunod sa utos at maghintay sa gilid ng daan. Gayunpaman, nais na rin nilang namnamin ang kasiyahang dala ng okasyon sapagkat minsan lamang sa isang taon sila magkakaranas ng ganitong klaseng pagdiriwang.
Pasado alas diyes na ng gabi nang matanaw ng isang guardia sibil ang pagdating ng isang karwahe kung saan lulan nito ang panauhing kanilang hinihintay. Mabilis na gumawa ng anunsyo ang guardia upang iparating sa lahat ang balita. Muling tumunog ang tambol at lira na siyang sinabayan naman ng hiyawan, palakpakan at sayawan ng mga taong nasa gilid ng daan. Ang iilang mga mayayamang personalidad na nasa loob na ng tahanan ni Don Diego ay napapatanaw sa malaking bintana upang makiusisa sa nangyayari sa labas.
Nasaksihan ng lahat ang pagdating ng pinakabagong Gobernador-Heneral kasama ang iilang mga guardia sibil na nakasunod rito sa likuran. Kumakaway-kaway pa ito nang makita ang mga tao at napapangiti habang ninanamnam ang mainit na pagtanggap ng mga tao sa kaniyang panunungkulan. Kita sa suot ng Gobernador-Heneral Lubaton ang kaginhawaan nito sa buhay. Malinis ang kaniyang pormal na damit ng puting terno at kurbata at nakasombrero pa.
Nakangiti siyang sinalubong ng alcalde mayor sa labas na siyang nagpaunlak ng pagtitipon. Nagkamayan ang dalawa at pagkatapos ng mabilis na pagbati ay niyaya na ng matanda ang panauhin sa loob. Pagkapasok ng bisita, nagpatuloy ang kasiyahan sa daan. Sinalubong naman ng mga taong imbitado sa loob ng tahanan ang Gobernador-Heneral. Isa sa mga kilalang naimbenta ay ang pamilyang Ricarte.
"Gobernador-Heneral, buenas noches!" bati ni Esteban rito.
"Buenas tardes tambien, Señor Ricarte! Kumusta ka?" sagot naman ng dayuhan at nakipagkamay.
"Ako'y nasa maayos na kalagayan. Binabati kita sa iyong pagkakatalaga bilang Gobernador-Heneral."
"Muchas gracias."
Matagal nang kilala ni Esteban si Frederico Lubaton kahit noong araw na hindi pa ito ganoon kayaman at tanyag. Naging masugid na mamimili niya ito ng alahas dahil sa pagkahumaling ng asawa nito sa ginto at diyamante. Hindi aakalain ni Esteban na matatalaga itong Gobernador-Heneral sapagkat isang ordinaryong tao lamang ito noong huli niya itong nakita sa Espanya.
"Siya nga pala," dagdag niya. "Nais kong ipakilala sa iyo ang aking unico hijo."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...