Kabanata 46

61 9 0
                                    

MAHALAGA para sa Gobernador-Heneral ang gabing ito sapagkat nakasalalay ang kaniyang pangalan at posisyon sa lahat ng mga mangyayari ngayon. Hindi siya maaaring mapahiya kaninuman. Hindi maaaring dungusan ng kung sinuman ang kaniyang pangarap na matagal na niyang binuo. Ang pagdiriwang na gaganapin ay hindi lamang pagdaraos ng kaniyang tagumpay sa pangangalap ng suporta kundi isang pagpapakitang-gilas na rin ng lahat ng kaniyang yaman, ari-arian at kapangyarihan na dapat galangin ng lahat.


Kita ang taas ng antas ng pamumuhay ni Valeriano sa gara ng salu-salong kaniyang isinagawa. Ang bawat sulok ng mansion ay pinapalamutian ng mga nagkikislapang mag aryanyang galing sa Espanya. Sa bulwagan, nagsusumigaw rin sa ganda ang lugar na siyang pinalibutan ng mga mamahaling larawan na gawa ng mga sikat na pintor. Ang mahabang hagdan naman ay inilawan at pinakintab upang magmukhang kaakit-akit. Nakahanay na rin ang mga samu't saring pagkain na isang Espanyol na tagapagluto ang gumawa. Hindi rin mabilang ang bote ng alak na nakalinya sa mahabang mesa.


Malayo sa pagdiriwang na ginanap sa mansion ng mga Ricarte ang pagdiriwang ngayon. Hindi orkestra na may malalakas na tambol at guitara ang umaalingaw-ngaw sa bawat sulok ng bahay kundi ang malumanay na musikang galing sa byolin at pyano. Dumagdag ang naririnig na tugtugin sa gara ng paligid.


Alas siyete na nang mag-umpisang magsidatingan ang mga panauhin. Tanging ang mga pamilyang inimbitahan lamang ang karapat-dapat na dumalo sa pagdiriwang. Walang sinuman rin ang kayang makapuslit sa loob ng mansion 'pagkat napapalibutan ng mga guardia sibil ang buong lugar. Bantay sarado ang mga ito sa pamumuno ni Teniente Manahan na nasa bukana ng tarangkahan ng mansion upang isa-isang salubungin ang mga bisita.


Kasama si Esteban, diretso lamang ang tingin ni Artemio nang makapasok siya sa bulwagan. Suot lamang ng lalaki ang isang amerikanong itim na siyang binagayan naman din ng kaniyang suot na sapatos na gawa sa balat ng hayop.


Imbes na mamangha sa ganda ng lugar, unang sinuyod ng binata ang itsura ng paligid. Hindi ito ang unang pagparito niya sa mansion ng Gobernador-Heneral. Gayunpaman, hindi niya pa rin kabisado ang pasikot-sikot sa loob. Malawak ang bulwagan.


Tulad ng sinabi ni Simeon, binawasan ang mga muwebles na nakapaloob rito upang bigyang espasyo sa gitna. Ang kaniyang ipinagtataka ay ang isang malaking kahon na nakalagay sa gitna na gawa sa bakal. Doon ihinuhulog ng mga dadalo ang kanilang mga supot na puno ng salapi kapag sila'y darating na.


Hindi nga nagkamali si Artemio nang makita niyang lumapit doon si Esteban at walang pagdadalawang-isip na hinulog doon ang dala nitong supot na puno ng mga mamahaling alahas. Masayang sinalubong agad ito ng Gobernador-Heneral Alonso pagkatapos gawin iyon.


Umiigting na lamang ang panga ng binata habang pinapanuod ang kaniyang ama na nakikipagmabutihan sa dayuhan. Hindi niya talaga ito mapilit na putulin ang ugnayan nito sa Gobernador-Heneral. Sumali na rin ang kapitan Santiago sa usapan ng dalawa. Nagtatawanan ang tatlo habang nag-uusap. Hindi matiis ni Artemio ang kaniyang nakikita kung kaya't ibinaling niya ang kaniyang tingin sa ibang direksyon.


Sakto namang kababa pa lamang ni Simeon ng hagdanan. Tulad niya, nakasuot ng amerikano ang lalaki na kulay puti. Nagtagpo ang kanilang mga mata at tanging mga tango lamang ang kanilang ibinigay sa isa't isa. Hindi nagpahalata ang dalawa. Nagtungo si Artemio sa kanang bahagi ng bulwagan habang tinungo naman din ni Simeon ang kaliwang bahagi.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon