Kabanata 14

101 13 0
                                        

BINULABOG ng mga palahaw at iyak ng mga tao ang buong bayan ng Cavinti. Nagkagulo ang lahat. Nagkalat ang mga taumbayan sa kalsada, tumatangis at nagmamakaawa na amino'y nasalanta ng isang trahedya. Hindi magkamayaw ang mga guardia sibil na maya't mayang pumaparoon at pumaparito sa mga kabahayan bitbit ang mga de kalibre nilang armas. Nag-iiyakan ang mga bata sa takot habang may iilang mga lalaki naman ang nakagapos ang mga kamay at walang habas na kinakaladkad ng mga guardia sibil patungo ng opisina ng alcalde mayor.


Balewala sa mga dayuhan ang mga pagtatangis at pagmamakaawa ng mga kababaihan habang inaaresto ang mga asawa nito sa salang hindi alam kung ano ang pinag-ugatan. Nagimbal na lamang ang mga ito nang pagsikat ng araw ay biglang siniyasat ng mga guardia sibil ang mga kabahayaan nang walang paunang anunsyo. Ang akala ng lahat ay parte lamang ito ng lumalaganap ng pag-iimbestiga sa nangyaring barilan sa plaza ngunit nagulat ang mga ito nang mahagilap ng mga guardia sibil ang ilang mga armas sa kanilang mga gamit. Alam ng mga mamamayan na hindi nila ito pagmamay-ari sapagkat walang kakayahang bumili o mag-angkin ang mga indio ng kahit na anong klase ng armas.


Hinuli ang lahat ng mga lalaki sa pamilyang nahanapan ng mga baril at bala. Hindi binigyan ang mga ito ng kahit kaunting panahon upang magpaliwanag at agad na diniretso sa opisina ng alcalde mayor upang litisin. Sumatutal, pitong mga kalalakihan mula sa iba't ibang pamilya sa Cavinti ang inakusahang nag-aari ng mga armas. Karamihan sa mga ito ay mga magsasaka.


Nakaluhod sa mainit na lupa habang tumatangis ang mga asawa at anak ng nahuli sa harapan ng opisina ni Don Diego, umaasang pakikinggan ng alcalde mayor ang kanilang hinaing.


Tuwang-tuwa naman si Santiago, ang pinuno ng guardia sibil sa kaniyang nakikita. Bagama't paika-ika pa ito kung maglakad dahil sa sugat na natamo sa binti sa nagdaang barilan, pinilit nito ang kaniyang sarili na pangunahan ang pagdakip sa mga taong may sala sa kaniya.


SAMANTALA, nakarating kay Agueda ang balitang ito. Naghihimutok ang dalaga sa galit sapagkat alam niyang mga inosenteng tao ang hinuli ng mga guardia sibil. Batid niya ang pagnanais ng mga dayuhan na may panagutin sa pagkamatay ng dating Gobernador-Heneral at sa nangyaring barilan sa plaza. Nahinuha niyang naiinip na ang hari ng Espanya sa mabagal na imbestigasyon kaya't marahil ay gumawa na ng paraan ang alcalde mayor upang matuldukan ang suliraning nito.


Patakbong nagtungo si Agueda kasama si Artemio sa opisina ng alcalde mayor upang tingnan ang nangyayari. Malayo pa lamang, naririnig na nila ang mga palahaw ng mga kababaihan. Puno ng mga taong nakikiusisa rin sa kaguluhan ang paligid ng lugar. Nakapalibot ang mga guardia sibil habang mahigpit na binabantayan ang mga babaeng halos maglupasay na sa kakaiyak at pagmamakaawang pakawalaan ang kanilang mga asawa.


Tahimik na humalo ang dalawa sa gitna ng mga tao upang pag-aralan ang nangyayari. Ilang sandali pa lamang lumabas sina Don Diego at ang pinuno ng guardia sibil na si Santiago. Umangat ang gilid ng labi ni Agueda nang makitang paika-ika itong naglakad. Hindi niya akalaing makakabalik agad ito sa kaniyang trabaho sa kabila ng kalagayan nito. Hawak ng alcalde mayor ang isang nakarolyong pergamino na karaniwang sinusulatan ng mga anunsyo. Pumwesto ang dalawa sa gitna ng veranda ng opisina.


"Alcalde mayor! Maawa po kayo sa amin! Walang kasalanan ang aking asawa! Isang hamak na magsasaka lamang po ang aking pamilya kaya't hindi kami kailanman makakapag-ari ng baril. Maawa po kayo! Pakawalan niyo na po ang aking asawa," iyak ng isang babae.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon