DAHAN-DAHANG iminulat ni Agueda ang kaniyang mga mata ngunit agad rin siyang napapikit nang isang matinding liwanag ang bumungad sa kaniya.
Pinakiramdaman niya ang kaniyang sarili. Malambot ang kaniyang hinihigaan ngunit kakaiba ang amoy ng paligid kaya't nakakasiguro siyang wala siya sa kaniyang silid. Bahagya niyang iginalaw ang kaniyang mga paa ngunit agad siyang napadaing dahil sa kirot mula sa kaniyang sugat. Doon na namubalik sa kaniyang alaala ang lahat. Huli niyang natatandaan ay hinahabol siya ni Santiago at nabaril siya nito.
Mabilis siyang napamulat nang maalala niya si Simeon. Tiyak siyang ito ang huli niyang nakita bago siya nawalan ng ulirat.
Hindi nga siya nagkamali nang bumungad sa kaniya ang mukha ng isang lalaking akala niya'y hindi niya na makikita.
Nakaupo ang binata sa kama at nakatitig lamang ito sa kaniya.
Kumurap si Agueda. Kinukumbinsi niya ang kaniyang sarili kung totoo ba ang kaniyang nakikita. Matagal na niyang pinutol ang ugnayan nilang dalawa ng lalaki kaya't isang malaking kabaliwan ang kanilang muling pagtatagpo.
"Gising ka na pala," rinig niyang sambit ni Simeon.
Natauhan si Agueda. Pinilit niya ang kaniyang sarili na tumayo ngunit hindi pa man siya nakakagalaw ay napangiwi na siya nang maramdaman ang sakit sa kaniyang binti.
"Hindi pa magaling ang iyong sugat. Huwag ka munang gumalaw," puna ng binata.
Lumapit sa kaniya si Simeon. Bahagya pang nagulat si Agueda nang hawakan siya nito sa kaniyang bewang upang tulungan siyang isandal sa ulunan ng kama. Napakapit na lamang siya sa balikat nito nang muling kumirot ang kaniyang sugat. Muli siyang natahimik nang tinitigan siya ng binata. Hindi niya alam kung anong iniisip nito ngunit namumugto ang mga mata ng lalaki na animo'y ilang araw na itong hindi natutulog. Bahagya ring magulo ang buhok nito. Malayo ang itsura nito sa binatang kaniyang nakilala noon.
Tumayo si Simeon at kinuha ang isang trey ng pagkain mula sa lamesa. Ibinababa niya ito sa kama.
"Tiyak akong gutom ka na. Kumain ka muna bago ka magtanong," malamig na utos nito.
Muling tumayo si Simeon at nagtungo sa bintana. Sumandal siya doon at kumuha ng isang libro mula sa lalagyan. Binabasa ng binata ang ikalawang libro ng Noli Me Tangere; ang El Filibusterismo.
Tahimik lamang ito na animo'y walang ibang tao sa kaniyang silid. Nakatuon ang buong atensyon nito sa librong hawak niya. Kumunot ang kaniyang noo nang makita ang nakabalot na braso ng binata. May kaunting dugo pa ang bumakat sa puting gasa nito. Sa kaniyang pagkakatanda, hindi naman niya napuruhan ang binata nang magkasugapa sila. Saan nito nakuha ang kaniyang sugat?
Imbes na magtanong, itinuon na lamang ni Agueda ang kaniyang mga mata sa nakahaing pagkain. Isang tinapay, keso, ubas, asadong karne ng baka, gulay at kanin. Bigla siyang natakam sa kaniyang nakikita. Hindi niya alam kung ilang araw na siyang narito sa silid ng binata ngunit sapat ang nararamdaman niyang gutom upang ipaglagay na ngayon lamang siya nagising mula sa mahabang pagkakahimbing.

BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Ficción históricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...