Kabanata 34

65 10 1
                                    

PAPASIKAT pa lamang ang araw nang mamataan ni Miyong ang isang malaking pulutong ng guardia sibil ang paparating sa kanilang kubo.


Bitbit ng mga dayuhan ang mga de-kalibreng armas at suot ang karaniwang uniporme ng mga ito sa sandatahan. Rinig na rinig sa buong lugar ang mabibilis nitong mga yapak kung kaya't nabulabog ang kaniyang umaga.


Hindi na nagsayang ng oras ang matanda at mabilis na ibinaba ang hawak niyang tasa ng kape. Dagling nagtungo siya sa kusina kung nasaan si Josefa at ang anak nitong si Benito. Naroon rin si Alunsina na kasalukuyang naghuhugas ng dahong gulay ngunit napahinto nang marinig ang mga malalakas na yapak sa labas.


"Nariyan ang mga guardia sibil. Batid niyo na kung anong gagawin niyo," paalala ng matanda sa kaniyang mga kasapi.


Sabay na tumango ang dalawang babae.


Nagtungo si Alunsina sa isang silid upang palitan ang kaniyang damit ng baro't saya. Inilugay niya rin ang kaniyang mahabang buhok upang hindi siya makilala.


Kinuha rin ni Josefa si Benito sa mesa na kasalukuyang nagsusulat ng alpabeto. Mabilis niya itong hinila papasok ng silid at makailang beses na biniling huwag gumawa ng kahit na anumang ingay. Nagtaka pa ang bata ngunit hindi na ito nakaangal nang padaskol na isinira ni Josefa ang pintuan ng silid.


Walang kahit na anong armas ang naiwan sa kanilang unang kuta kaya't dapat silang mag-ingat upang hindi sila mabuko. Isa pa, kasama ang dalawang babaeng noong umatake sila sa daungan, kung hindi sila mag-iingat, tiyak na makikilala sila ng mga ito.


Bumalik si Alunsina sa kaniyang ginawa habang dumampot naman si Josefa ng tingting at lumabas ng kubo. Nagpanggap siyang nagwawalis ng mga tuyong dahon sa bakuran habang hinihintay ang pagdating ng pulutong.


Samantala, lumabas rin si Miyong sa kubo hawak-hawak ang tasa ng kaniyang kape at walang pakundangang kumaway sa mga dayuhan. Ngumiti pa ito na animo'y walang tinatagong sama ng loob.


"Magandang araw sa inyo!" Bati niya nang makalapit ang mga guardia sibil.


Huminto ang malaking pulutong sa harapan ng kanilang kubo.


"Magandang araw rin, indio," bati nito pabalik. "Hindi ka nakapag-aral ngunit kahit papaano'y alam mo kung paano umasta ng tama. Kahanga-hanga," sagot ng isang dayuhan na sa tingin ni Miyong ay isang teniente ng sandatahan base sa bilang ng medalyang nakasabit sa suot nitong uniporme.


Tumikhim ang matanda.


"Hindi ko naman kailangang mag-aral pa upang maging isang mabuting tao. Ngunit, ano nga pala ang inyong sadya rito? Kay aga ninyo yatang napadpad sa bundok Mirador?"


"Batid mo kung anong ipinunta nami rito, indio."


Nagkibit-balikat si Miyong. "Patawad ngunit wala akong kamuwang-muwang sa inyong sadya."


"Hindi mo ba naulinigan ang nangyari sa daungan?"

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon