MADALING araw na nang makabalik si Agueda sa kanilang kuta. Bagama't malamig na ang hangin, nakatulong sa kaniyang lamig na nararamdaman ang dyaket ibinigay sa kaniya ni Artemio bago siya umalis. Bukod sa lamig ng hangin na kaniyang tinitiis, dumaragdag pa ang nanakit niyang paa dulot ng mahabang lakaran. Malayo pa lamang ay natanaw na ng dalaga ang kaniyang mga kasapi na kasalukuyang nagbabantay sa buong paligid ng bahay. Kumaway sa kaniya si Manuel nang makita siya. Isang ngiti ang kaniyang ibinigay rito na siyang kaagad namang naglaho nang makita ang binatang katabi nito.
Nakatayo sa gilid si Simeon, suot ang isang pares ng itim na kamisa de chino at pantalon. Napalingon na rin ito sa kaniyang kinaroonan nang itinuro siya ni Manuel. Pawang malapit na kaagad sa isa't isa ang dalawa bagay na ipinagtataka niya.
Naroon rin si Ka Miyong sa silong, walang ekspresyon ang mukha at nakatitig lamang sa dayuhan na animo'y binabatayan ang bawat kilos nito. Kumaway sa kaniya si Simeon kung kaya't binilisan niya ang kaniyang mga hakbang upang tuluyang makalapit rito.
Nang makalapit siya, doon lamang niya napagtanto ang basa nitong itsura. Naalala niyang umulan nga pala ng malakas kanina. Ang suot nitong pan-itaas ay pawang natuyo na lamang ng hangin ngunit ang buhok nito ay mamasa-masa pa rin. Nagising siya noong isang araw nang wala na ito sa kuta. Bigla tuloy siyang na-intriga kung ano ang pinunta nito rito.
"Simeon," bati niya sa binata. "Bakit ka narito?"
Pinasadahan siya ng tingin ng binata na animo'y pinag-aaralan nito ang kaniyang itsura. Bigla itong ngumiti.
"Nakapagpahinga ka na ba?" sambit nito imbes na sagutin ang tanong ng dalaga.
"Ayos na ako, Simeon. Umalis lamang ako upang tingnan si Artemio."
"Ang kapitan?" sabad ni Ka Miyong. "Anu't hindi mo siya kasama?"
"Kailangan niya munang manatili sa mansion upang samahan ang kaniyang ama. Hindi ko rin batid ngunit ramdam kong may suliranin siya. Huwag kayong mag-alala sapagkat nangako naman siya sa aking bibisita rin siya rito sa kuta kapag nagkaroon siya ng pagkakaon."
Bumuntong hininga ang matanda.
"O, siya nga pala, Agueda, may panauhin ka," tukoy nito kay Simeon. "Noong umalis ka ng kuta ay siya namang pagdating niya. Inabisuhan ko na siyang umalis na lamang ngunit pinili niyang hintayin ka. Bakit ba narito ang dayuhang ito?"
"Masaya po ako sapagkat narito ka," wika naman ni Manuel habang nakatitig sa binata. "Simula po noong tinulungan niyo ako sa palengke ay hindi ko na po kayo nakita."
Tumikhim si Simeon at pagkuwa'y napasulyap sa dalaga.
"Nagtungo ako ng Maynila, Manuel. Dalawang buwan akong namalagi doon."
"Ano po ang ginawa niyo sa Maynila? Bakit ang tagal niyo yata doon?"
"Manuel," saway sa kaniya ng Jefe. "Hindi tayo dapat nanghihimasok sa buhay ng isang tao."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Tarihi KurguAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...