Kabanata 17

86 14 0
                                    

MALALIM na ang gabi. Tumayo si Agueda sa kaniyang kama at isinukbit ang kaniyang baril sa likod. Maingat ang kaniyang mga lakad habang hinahanda ang kaniyang sarili sa paglabas. Hatinggabi na ngunit nakagayak ang dalaga ng itim na terno at kurbata, sombrero at itim na telang nakatabing sa kaniyang mukha. Hindi siya makatulog dahil sa samu't saring katanungan na naglalaro sa kaniyang isipan.


Magmula nang mapagtanto niya ang katotohanang anak ng bagong Gobernador-Heneral ang lalaking nakasama niya noong nakaraang gabi ay hindi na siya makapag-isip nang maayos. Masama ang kaniyang loob rito. Sumagi pa sa kaniya ang huling sinabi ng binata. Naiintindihan na niya ngayon kung bakit malakas ang loob nitong pagbantaan siya.


Tahimik ang buong mansion noong lumabas siya sa kaniyang silid. Madilim na ang bawat sulok ng bahay ngunit kahit papaano ay naaninag niya ang mga bagay-bagay. Batid niyang nagpapahinga na si Artemio at ang ilang tagapagsilbi ng masion kaya't maingat ang kaniyang mga hakbang na bumaba ng hagdan. Iniwasan niya ang makagawa ng kahit na anong ingay na maaring makatawag ng pansin. Matagumpay siyang nakababa ng salas at mabilis na tinungo ang pintuan.


Nakahinga ng maluwag ang dalaga nang tuluyan siyang makalabas ng mansion. Hindi na siya nagulat pa nang bumungad sa kaniya ang tahimik na lansangan. Bukod sa malalim na ang gabi, batid niyang may ipinapatupad na kurpyo ang alcalde mayor sa buong bayan. Nag-umpisa na siyang maglakad sa mahabang kalsada. Maya't mayang napapalingon pa si Agueda upang pag-aralan ang paligid. Delikado man ngunit nais niyang magtungo sa bahay ng bagong Gobernador-Heneral. Kukumprontahin niya si Simeon sa ginawa nitong pangloloko sa kaniya. Nangangati ang kaniyang mga daliri na barilin ito.


Simula pa lamang ay isang malaking palaisipan na kay Agueda kung ano ang dahilan ng lalaki sa pagpatay nito sa dating Gobernador-Heneral Lubaton. Buong akala niya ay magiging kakampi niya ang binata ngunit nag-iba ang ihip ng hangin. Napagtanto niya ang tunay na dahilan at balak nito. Batid ni Agueda na pinatay lamang ni Simeon ang dating Gobernador-Heneral sapagkat ang ama pala nito ang susunod sa posisyon. Hindi niya akalaing ganoon kagahaman sa kapangyarihan ang lalaking iyon.


Limang kalye na ang nalampasan ng dalaga nang bigla siyang makarinig ng mga yapak ng taong paparating. Mabilis siyang umalerto at nagtago sa mga nakaparadang kariton sa daan. Isiniksik niya ang kaniyang sarili sa likuran nito habang hinihintay ang mga paparating. Ilang sandali pa, lumabas sa kalye ang isang pulutong ng mga guradia sibil. Napahawak si Agueda sa baril na dala niya habang minamanmanan ang mga kilos ng kalaban. Sumilip siya mula sa kaniyang pinagtataguan, napagtanto niyang nagroronda lamang ang mga ito sa kalsada.


Hindi rin nagtagal ang pangkat sa bahaging iyon at lumipat ng ibang lugar. Tahimik na ang paligid nang muling lumabas ang dalaga sa kaniyang pinagtataguan. Sinuri niya ang buong lugar bago ipinagpatuloy ang paglalakad.


Muli niyang binagtas ang mahabang kalye hanggang sa matanaw niya ang isang malaking bahay na pinaliligiran ng mga guardia sibil sa labas. Mabilis na nagtago ang dalaga sa likod ng malaking puno upang pag-aralan ang loob at labas ng bahay. Malaki ang mansion ng Gobernador-Heneral sa Cavinti, mistula itong isang palasyo sa ganda at disenyo ng bahay. Kailanman ay hindi pa siya nangahas na pasukin ang mansion sapagkat batid niyang guwardiyado ito ng mga dayuhan. Ngunit buo na ang kaniyang desisyon, hindi niya hahayaang lumipas ang gabing ito nang hindi niya napaparusahan ang lalaking iyon.


Dumako ang kaniyang atensyon sa matayog na bakuran ng bahay. Sa kaniyang tansiya, nasa tatlong metro ang taas nito. Hindi ito magiging problema kay Agueda dahil sanay naman siyang umakyat sa mga bakod ngunit inaalala niya ang dami ng bantay sa labas. Mahihirapan siyang lusutan ang mga guardia sibil.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon