KUMALAT ang karumal-dumal na balita tungkol sa pagkamatay ng isang Gobernador-Heneral. Nagpatawag ng isang pagpupulong ang pamahalaan ng Espanya upang siyasatin ang pangyayari at mabigyan ng hustisya ang namayapang dayuhan. Mapapansin ang pagdadalamhati ng mga taumbayan ng Cavinti. Tahimik ang buong lugar. Ang mga kalsada na dati'y puno ng bandiritas ay unti-unting tinatanggal ng mga tao. Bawat mamamayan ng bayan na nakikita sa daan ay nakaasuot ng kulay itim na damit bilang pagbibigay galang sa yumaong Gobernador-Heneral.
Dahil sa hindi inaasahang pangyayari, umigting ang pagbabantay ng mga guardia sibil sa Cavinti. Nakapuwesto ang mga ito sa bawat eskinita at kanto ng mga daan at maya't mayang ginagalugad ang bawat masusukal na bahagi ng bayan upang maghanap ng mga ebidensya na maaaring makakapagturo sa salarin ng krimen. Bagama't ipinagbabawal ang mga usapin, lumaganap sa buong lalawigan ang usap-usapan na isang taong naghihiganti ang pumatay sa Gobernador-Heneral. Isang pang bulung-bulungan ng mga taong nakasaksi ng insidente, isang Espanyol rin daw ang kumitil sa buhay ng nasirang dayuhan.
Pagkatapos dalhin ang mga labi ng Gobernador-Heneral sa Maynila, nagsimula na ang pag-iinspeksyon sa mga kabahayan sa Cavinti. Bilang utos ng pamahalaan ng Espanya, walang pinalagpas na tahanan ang mga guardia sibil at bawat taong dumalo sa pagdiriwang kagabi ay isa-isang sinisayat. Kabilang na rito ang mga Ricarte.
Prenteng nakapo lamang si Artemio sa kanilang salas habang pinagmamasdan ang mga guardia sibil na aligagang sinusuri ang bawat silid ng kanilang bahay. Nakasunod naman rito ang kaniyang ama na siyang malayang pinapasok rin ang mga Espanyol upang makatulong sa imbestigayon.
Napansin ng binata ang mga bagong mukha ng mga guardia sibil at mga de-kalibreng armas nito kaya't mabilis niya ring nahinuha na umaaksyon na naman ang Espanya upang lalo pang palakasin ang puwersa nito sa Pilipinas. Marahil ay nakikita nilang isang banta sa kanilang pamumuno ang nangyari kagabi. Mula sa kaniyang kinauupuan, natanaw niya ang isang taong naging dahilan ng komosyon.
Gustong matawa ni Artemio sapagkat naulinigan niya rin na ang usap-usapan ay isang Espanyol ang pumatay sa Gobernador-Heneral ngunit sinong mag-aakala na ang salaring kanilang hinahanap ay malayang naglilinis lamang ngayon sa kanilang hardin.
Batid ni Agueda ang bigat ng krimeng kaniyang kinasasangkutan ngunit hindi siya nakakaramdam ng kahit katiting man lang na takot sa kaniyang katawan. Tulad ng araw-araw niyang ginagawa, naglilinis siya ng hardin at nagsusunog ng mga patay na dahon at damo sa bakuran ng mansion. Napapansin niya ang mga pulutong ng mga guardia sibil na maya't mayang pumapasok sa kanilang bahay upang siyasatin ang pamilyang nakatira rito. Alam ni Agueda na maaaring makita ng mga dayuhan ang kaniyang silid ngunit hindi na niya iyon inaalala pa sapagkat matagal na niyang inihanda ang kaniyang sarili sa mga ganitong klaseng sitwasyon.
Bukod pa doon, hindi siya magiging kahina-hinala sa mata ng lahat sapagkat kung titingnan ang kaniyang suot na lumang camisa de chino at salakot ay 'di hamak na isa lamang siyang ordinaryong hardinero. Aaminin niyang malaking tulong sa kaniyang mga plano ang kaniyang pagbabalat-kayo bilang isang lalaki.
Simula noong araw na nakapagdesisyon ang dalaga na mag-rebelde sa pamahalaan ng Espanya, nagsimula na rin siyang mabuhay ng naaayon sa kaniyang mga plano. Bata pa lamang ay naturaan na siya ng kaniyang namayapang ina ng tamang paraan ng paghawak ng iba't ibang klase ng baril at kung paano makipaglaban. Kaya't sa loob ng dalawang taon, ginugol niya ang lahat ng kaniyang oras upang hasain ang sarili sa mga kakayahang ito. Kasabay nito, pinahintulutan rin siya ng kaniyang ama na mag-aral ng medisina upang makatulong sa mga sugatan dulot ng digmaan. Mahirap man ngunit nagawa niyang ilihim kay Esteban ang tungkol sa kaniyang panunuligsa sa mga dayuhan.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...