SAMU'T SARING ingay ang maririnig sa daungan.
Ang Pier de Cavinti ang isa sa pinakamalaki at tanyag na daungan sa buong bansa. Dito karaniwang dumadaung ang mga malalaking barko galing sa Espanya, Alemanya, Tsina at sa mga karatig-bansa nito. Pumaparoon at pumaparito ang mga tao. Karamihan rito ay mga batang nagtitinda ng sampaguita at mumurahing palamuti sa buhok sa mga dayuhang lulan ng bawat barkong dumarating. Makikita rin ang isang hanay ng mga babaeng naghihintay sa gilid bitbit ang mga malalaking timba habang hinihintay ang pagdating ng barkong pangisda.
Tirik na tirik ang araw ngunit hindi ito alintana ni Santiago kahanay ang kaniyang malaking pulutong ng guardia sibil na halos magdadalawang-oras nang nakatayo sa daungan upang hintayin ang barkong Victoria. Bitbit nito ang kanilang mga de-kalibreng armas na nakahimlay sa kani-kanilang balikat. Hindi na ito bago sa paningin ng mga taumbayan sapagkat batid nilang narito ang pangkat upang kuhain ang mga kaban ng bagong armas galing sa Espanya. Nangyayari ito tuwing ikatlong buwan ng taon kaya't nasanay na rin ang mga tao.
Samantala, prenteng nakaupo si Kuwago sa isang malinis na upuan katabi ng isang tindihang nagbebenta ng sapatos. Isang oras na siyang naroon sa kaniyang puwesto kaya't kahit na malinis na ang kaniyang suot na sapatos ay pinilit niya pa rin ito palinisan sa isang batang nagtatrabaho sa tindahan. Hawak niya ang isang piraso ng diyaryo at umastang nagbabasa habang pinag-aaralan ang galaw ng mga guardia sibil na halos tatlong metro lamang ang layo sa kaniya. Siya ang inatasan ng Jefe na tuma-o sa bahaging iyon.
Inangat niya ang kaniyang tingin nang dumaan ang isang pares ng mag-asawang nakasuot ng mamahaling mga damit at alahas. Isang maliit na ngiti ang kaniyang ibinigay sa dalawa.
Sinuklian naman nina Alunsina at Waldo ang lihim na pagbati ng kanilang kasama. Magkahawak ang kamay na naglalakad ang dalawa.
Suot-suot ni Alunsina ang isang pares ng mamahaling baro't saya. Ang kaniyang suot na alahas ay lalong kumikintab sa tuwing nasisinagan ito ng araw. Bagama't ito ang unang beses na nagsuot siya ng ganoong mga bagay ngunit kuhang-kuha na kaagad ng dalagita ang kaniyang gagawin. Sa isang tingin, walang makakapagsabing hindi siya isang tunay na mestiza.
Samantala, diretso lamang din ang tingin ni Waldo sa kaniyang nilalakaran at panaka-nakang nakikipag-usap sa kaniyang kasama gamit ang lengguwaheng Espanyol. Nakasuot si Waldo ng isang kulay asul na terno at kurbata at asul na sombrero naman ang kaniyang suot sa ulo. Nakatulong ang humaba niyang bigote upang hindi siya makilala ng kahit na sino sa bayan. Masayang nagtatawanan lamang ang dalawa nang dumaan ang mga ito sa pulutong ng mga guardia sibil.
Lumiko sina Alunsina at Waldo sa gawing kanan at tumigil sa isang tindahan na nagbebenta ng bulaklak. Nagpanggap ang mga itong bumili sa isang ginang.
Masayang binati ni Josefa ang dalawa niyang kasapi nang makarating ito sa kaniyang puwesto. Nagbalat-kayo ang ginang bilang nagtitinda ng mga bulakak. Bawat galaw ng mga ito ay kalkulado at plano kung kaya't walang sinuman ang magdududa sa kanilang ginagawa.
Nahuli ang kanilang mga mata nang dumaan sa gilid ng kalsada ang isang binatilyong nakasakay ng bisikleta. Dumagundong ang busina nito sa buong lugar dahilan upang maagaw ang atensyon ng lahat maging ang mga naghihintay na guardia sibil. Nakasuot ng isang lumang pares ng kamisa de chino at pantalon si Mateo at isang butas-butas na sombrero naman ang nakapatong sa ulo nito. Isa siya sa inatasan ng Jefe sa kanilang gagawing misyon ngayon. Siya ang gagawa ng eksena upang magkaroon ng pagkakataon ang kaniyang mga kasapi upang magtungo sa kaniya-kaniya nitong puwesto.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Ficción históricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...