LUMIPAS ang dalawang buwan.
Binulabog ang kagubatan ng mga daing ng mga kalalakihan na hirap na hirap sa kanilang pag-iinsayo. Rinig na rinig ang kanilang mga hangos at nag-uunahang yapak sa buong paligid ng kanilang pangalawang kuta.
Ito ang huling araw ng pag-iinsayo ng mga baguhan sa kilusan. Dito masusukat ang galing ng isang mandirigma sa pamamaril, husay, talino at taktika ng grupo. Ang mga taong makakapasa lamang sa mga inihandang pagsubok ang siyang maaaring isalang sa paparating nilang misyon.
Nakatanaw si Agueda mula sa veranda ng bahay habang pinagmamasdan ang malaking pulutong ng mga taong umanib sa kanila nitong mga nagdaang buwan. Sapat na ang kanilang bilang upang labanan ang hanay ng mga guardia sibil rito sa Cavinti. Bagama't kulang sila sa armas ngunit kung magagawan nila iyon ng paraan, batid niyang may laban sila.
Nitong mga nagdaang linggo, iginugol ni Agueda ang kaniyang buong oras sa pamamalakad sa kilusan. Kalakip na rito ang paglalatag ng kanilang mga plano at pangangalap ng mga pondo upang ipagpatuloy ang kanilang mga layunin. Bagama't wala silang napala sa kakaunting taong kanilang nilapitan sapagkat takot ang mga ito na madamay sa gulo, pinilit pa rin ni Agueda na pondohan ang kanilang kilusan mula sa sarili niyang bulsa.
Karamihan sa kaniyang mga kasapi ay biktima ng mga karahasan, krimen at pang-aaping ginawa ng mga dayuhan. Kabilang na rito ang tatlong anak ng mga magsasakang binitay, sina Manuel, Mateo at Jose. Batid niyang wala pa ang mga ito sa wastong gulang upang matutong lumaban ngunit nakikita niya ang labis na determinasyon at tapang sa mga mata ng mga binatilyo, isang tapang na binubuhay ng paghihiganti.
Hindi na rin tumutol pa ang Jefe nang humingi ng permiso si Alunsina sa kaniya upang sumali sa pagsasanay. Marami man ang hindi sang-ayon sapagkat isa itong babae ngunit nais niyang bigyan ng pagkakataon ang dalaga upang patunayan nito ang sarili. Suportado siya sa nais nitong mangyari. Umaasa rin siyang ito ang magiging daan upang dahan-dahang buksan ang mga mata ng lipunan na kaya rin ng mga kababaihan ang lumaban.
Sumilay ang isang ngiti sa kaniyang mga labi nang masilayan ang pawisang mukha ni Alunsina habang habol-hininga itong tumatakbo upang sabayan ang pulutong ng mga mandirigma. Napapanatag ang kaniyang loob sa tuwing nakikita niya ang dalagita. Siguro marahil ay nakikita niya ang kaniyang sarili rito.
Nasa unahan naman ng pulutong ang kapitan na siyang nangunguna sa ginagawang pag-iinsayo. Tulad ng iba, puno na rin ng pawis ang mukha at basang-basa na ang kaniyang damit. Madungis ang itsura ng lahat kaya't nahinuha niyang nanggaling na sa putikan ang mga ito. Papunta na ang mga ito sa sapa na siyang hudyat ng pagtatapos ng kanilang pagsasanay.
Napabuntong hininga si Agueda at tinanaw ang paglubog ng araw sa dakong kanluran. Malayo na ang narating ng kaniyang pangarap bagama't natatakot siya sa maaaring kahihinatnan ng lahat ng ito. Hindi man siya sigurado kung maggagawa nga nilang palayain ang kanilang bayan sa ganitong pamamaraan ngunit nais niya pa ring subukan. Nais niyang ipakita sa mga dayuhan na kaya nilang lumaban, na hindi sila mga alipin lamang.
Sa gitna ng kaniyang pagninilaynilay, naramdaman niya ang presensya ng isang tao sa kaniyang likuran. Lumingon siya rito at nakakita ang nakangiting matanda habang hawak-hawak ang dalawang tasa ng kapeng umuusok pa sa init.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...