Hulyo 1888
SA loob ng dalawang buwan, iginugol ni Agueda ang lahat ng kaniyang oras sa paghahanap ng mga taong maaari nilang maging kasapi sa bubuuhing kilusan. Nanguna si Ka Miyong sa paghahagilap ng mga kaanak ng kilala niyang aktibista mula sa Bulacan. Isang lihim na liham ang kanilang ipinapadala rito na siyang naglalaman ng kanilang mapanghikayat na mensahe. Uhaw ang mga Pilipino sa kalayaan kaya't karamihan sa kanila ay tumugon sa kanilang paanyaya. Hindi akalain ni Agueda na may mga Pilipino pa palang handang ialay ang kanilang mga buhay para sa kasarinlan ng bayan. Buong akala niya'y nalason na ng mga dayuhan ang mga isipan at damdamin ng mga mamamayan ngunit hangga't may mga taong handang lumaban, may pag-asa pang lumaya ang kanilang lupang sinilangan.
Tinanggap ng kanilang grupo ang mga aktibista mula sa Bulacan at bayan ng lalawigan ng Laguna tulad ng Cavinti, Lumban, at Santa Cruz. Sa kanilang tala, bente-sais na mga lalaki, limang babae, at dalawang bata na nasa sampu at labin-dalawang gulang ang sumapi sa kanila. Bilang paghahanda sa pakikipaglaban, dumaan ang mga ito sa puspusang pag-iinsayo na siyang pinangunahan naman ni Artemio at Ka Miyong. Naging kampo na ng kanilang organisasyon ang munting bahay ng matanda sa bundok. Dito ginaganap ang kanilang pagpupulong, pag-iinsayo at paghahanda sa kanilang mga plano.
Walang ibang nakakaalam sa pagkatao ng dalaga kundi sina Artemio at Ka Miyong lamang. Pinili niyang ikubli ang kaniyang pagkakakilanlan, maging ang kasarian nito. Minabuti niyang ipagpatuloy ang pagpapanggap bilang lalaki sapagkat natatakot siyang hindi siya pagkatiwalaan ng mga ito oras na malaman ng kaniyang mga miyembro na isang babae ang lider ng kanilang kilusan.
Nasa loob ng kubo si Agueda, nagbabasa ng libro, nang lumapit sa kaniya ang isang batang lalaki na nasa sampung taong gulang na si Benito.
"Jefe, ano ang iyong ginagawa?"
Napalingon ang dalaga sa kaniya. Mabilis na sumilay ang mga ngiti sa kaniyang mga labi nang mapagtanto ang munting batang nakatitig sa hawak niyang libro. Nahulaan niya kaagad ang ibig sabihin nito.
"Ako ay nagbabasa, Benito. Nais mo ba akong samahan?"
Pagkauwa'y napayuko ang bata. "Paumanhin, Jefe. Batid kong nasa wastong gulang na po ako ngunit hindi po ako marunong bumasa."
Napakurap si Agueda sa kaniyang narinig. May kung anong kumirot sa kaniyang damdamin habang pinagmamasdan si Benito na ngayon ay halos hindi makatingin sa kaniya ng diretso dahil sa labis na hiya. Inilapag ng dalaga ang hawak niyang libro at hinawakan ang magkabilang braso ng bata.
"Makinig ka sa akin, Benito. Hindi ka dapat mahiya sa'kin sapagkat wala namang taong ipinanganak na marunong na agad bumasa. Maging ako man ay nag-aral rin nang maigi upang matuto."
Tumingin ang bata sa kaniya. "Ngunit kahit gustuhin ko man, Jefe, hindi rin naman ako makakapag-aral sapagkat walang sapat na pera o kakayahan ang aking ina upang ako'y tustusan."
Bumuntong hininga si Agueda. "Maaari naman kitang turuan kung gugustuhin mo."
"Talaga po, Jefe?"
"Oo naman ngunit sa isang kondisyon."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...