Kabanata 39

72 11 0
                                        

SUOT ang kulay asul na terno at kurbata, bumaba si Artemio mula sa mahabang hagdan. Umiigting ang kaniyang panga habang siya'y papalapit sa maingay na bulwagan. Pinipilit niya ang kaniyang sarili na maging kalmado. Hindi niya mahanapan ang sarili ng magandang dahilan o rason na maaaring mag-udyok sa kaniyang ama upang magpahayag ng selebrayon.


Habang naglalakad, unti-unting nagiging malinaw sa kaniya ang magiliw na tugtugin mula sa orkestra. Puno rin ng mga palamuti at mga tao ang paligid. Unang naamoy niya ang bango ng alak.


Napabuntong hininga na lamang siya nang makita ang nakabukas na bote ng bihirang klase ng alak na maya't mayang isinasalin ng isang katulong sa mga bisita. Ilang taon niya ring iningatan at inipon ang mga alak na iyon, alam ng kaniyang ama kung gaano ito kahalaga sa kaniya. Hindi niya akalaing sa ganitong okasyon lamang ito mauubos.


Natapos na ang kainan nang makababa siya, ilang mga babae ang napapalingon sa kaniyang gawi nang mapansin ang presensya niya. Karamihan sa mga bisita ay mga dayuhang hindi niya kilala. May ilang mga tao rin siyang namumukhaan na sa kaniyang pagkakatanda ay mga kasosyo ng kaniyang ama sa negosyo.


Hindi niya inalintana ang mga bulungan ng mga ito. Dumiretso siya sa komedor kung nasaan ang kaniyang ama. Namataan niya itong nakaupo sa isang mesa kasama sina Santiago at ang Gobernador-Heneral Alonso. Nagsisimulang kumulo ang kaniyang dugo nang mapansing tumatawa lamang ito. Paano nito nasisikmurang magsagawa ng selebrasyon dito sa ibaba habang sila ni Agueda ay nakakulong sa itaas?


Nasa gitna ang Gobernador-Heneral Alonso at nakaupo sa uluhan ng mesa, habang nasa magkabiglang gilid naman sina Esteban at Santiago. Nakaharap sa kaniyang gawi ang kapitan ng guardia sibil dahilan upang ito ang unang makapansin sa kaniya.


"O, Señorito Artemio Ricarte!?" bulalas ni Santiago nang makilala siya.


Napalingon rin ang dalawang matanda sa kaniya. Kita ni Artemio ang pagbabago ng mukha ng kaniyang ama nang makita siya.


Isang ngiti ang kaniyang iginawad sa mga panauhin bago umupo sa isang bakanteng upuan, katabi si Esteban at kaharap si Santiago.


"Magandang gabi sa inyong lahat," bati niya.


"Buong akala ko ay hindi ka makakapunta rito, hijo. Binanggit sa amin ng iyong ama na ika'y nasa Maynila at nagbabakasyon," saad ni Santiago.


Tumaas ang kilay ni Artemio. Sinipat niya ang kaniyang ama. Tumikhim lamang ito.


"Kagagaling ko nga lang ng Maynila," sagot ng binata. "Mabuti na lamang at naabutan ko pa ang masayang selebrasyon na ito."


"Nakita mo na ba ang aking anak?" sabad ng Gobernador-Heneral habang nakatingin sa kaniya.


"Si Simeon? Nagkita na kami kanina. Nasa labas siya ng mansion at nagpapahangin. Iniwan ko muna siya upang batiin kayong lahat rito."


Tumawa si Santiago. "Mainam na ika'y narito sapagkat may ipapakilala ako sa iyo."


The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon