NANINIBAGO ang mga mamamayan ng Cavinti nang marinig nila ang pagpapahayag ng isang salu-salo ng tanyag na mag-aalahas ng kanilang bayan. Sa kanilang tanang buhay, ngayon lamang nagpaunlak ang pamilyang Ricarte ng isang selebrasyon. Kailanman ay hindi binubuksan ng pamilya ang kanilang pintuan tuwing may pista o pagdiriwang sa bayan. Isang abalang tao si Don Esteban at maya't maya itong lumuluwas sa Maynila at mga karatig bayan upang asikasuhin ang kanilang mga negosyo. Ang balitang magkakaroon ng isang malaking piging sa mansion nito tunay na nakakamangha.
Araw ng Biyernes.
Dapit-hapon pa lamang ay dagsa na ng mga tao ang mansion. Bawat isa sa kanila ay nahahalina habang pinagmamasdan ang bawat sulok ng bahay ng mga Ricarte. Sa bukana pa lamang ng pinto, rinig na rinig na ang masiglang tugtugin ng orkestra na siyang nabibigay buhay sa paligid. Kumikislap sa mga mata ng bawat panauhin ang naglalakihang aranyang nakasabit sa kisame. Dumagdag pa sa ganda ang mga palamuting bulaklak na inangkat pa mula sa Bulacan. Nakahanay ang mga ito sa mahabang hagdanan ng bahay na siyang tumutugpa sa salas kung saan naroroon ang karamihan sa mga mayayamang dayuhan at kilalang negosyante galing Maynila.
Kita sa gara ng damit at alahas na suot ng mga kababaihan ang uri ng pamumuhay ng mga ito. Kapansin-pansin ang kanilang makukulay na baro't saya, kumikintab na mga payneta sa buhok at malalapad na mga pamaymay na halos natatabunan na ang kalahati ng kanilang mga mukha. Sumasabay sa tugtugin ang mga bakyang suot ng mga ito tuwing naglalakad.
Kung hindi Barong Tagalog, terno at kurbata naman ang bihis ng mga kalalakihan. Dumagdag rin sa kanilang kakisigan ang mga suot nitong sombrero na isa-isa naman nilang hinuhubad bago tuluyang pumasok sa bulwagan.
Nakahilera sa mahabang mesa ang samu't saring pagkain; mga kakanin, panghimagas tulad ng tsokolate at iba't ibang uri ng prutas. Bukod pa doon, nakahanda na rin ang baso-basong alak sa mesa. Pumaparoon at pumaparito naman ang mga katulong upang pagsilbihan ang mga bisita. Si Maria ang punong abala sa handaan. Aligaga ito sa pagsusuri ng mga kagamitan at pagkaing ihahain. Bagama't isang dalaga pa ngunit sa kaniya iniatas ni Don Esteban ang gawing iyon.
Nakaupo sa isang mamahaling muwebles na kulay ginto si Don Esteban habang pinapanuod ang pagdating ng kaniyang mga panauhin. Unang dumating ang mga tanyag na mga pamilya ng kanilang lugar bilang ito ang pinakamalapit. Napatayo siya ng makilala ang mga panauhin niya galing ng Maynila. Isang malaking ngiti ang kaniyang isinalubong rito.
"Don Ricarte!" Bati sa kaniya ni Guevarra, isang matandang mangangalakal.
Bagama't malaki ang pangangatawan, ang suot nitong kulay puting terno at kurbata at sombrero ay nagbibigay sa kaniya ng kaaya-ayang itsura. Hawak nito sa kabilang kamay ang kaniyang sigarilyo na maya't maya niyang hinihithit.
"Don Guevarra!"
Nagkamayaan ang dalawa. Nakasunod sa likuran ng matanda ang isang ginang. Nakasuot ito ng kulay gintong saya at mamahaling baro.
"Magandang gabi sa iyo, Doña Clarita," bati rin ni Esteban rito. "Isang malaking karangalan ang iyong pagdalo rito sa aking simpleng handaan."
Pagkuwa'y inilibot ng matandang mangangalakal ang kaniyang paningin sa paligid. Tumataas ang kaniyang kilay habang pinagmamasdan ang itsura ng bahay ng mag-aalahas.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...