MALAYO pa lamang ay natanaw na ni Simeon ang malaking pulutong ng guardia sibil na madaling binabaybay ang daang patungo sa garison ng mga Kastila sa bayan. Rinig na rinig ang mga nag-uunahang yapak ng mga ito habang bitbit ang kanilang mga armas dahilan upang mapilitang tumabi ang mga taong nagdaraan.
Napapatakip pa sa kanilang mga ilong ang karamihan sa mga kababaihan gawa ng alikabok na dala ng kanilang pagmamadali. Takot naman ang mga kalalakihan sa pag-aakalang isang digmaan na naman ang sisiklab sa kanilang bayan.
Mula sa malayo, nagtataka ang binata nang maaninag niya ang seryosong mukha ng teniente na siyang nangunguna sa hanay ng mga sundalo. Buong akala niya nasa bundok pa ang mga ito upang magsiyasat ngunit hindi pa natatapos ang araw ay nakabalik na ang pangkat.
Patungo sana siya ng Hora Feliz ngunit nabuhay ang kaniyang kuryusidad at nagpasiyahang salubungin ang pulutong upang makibalita. Binilisan niya ang kaniyang mga hakbang upang maabutan ang mga ito.
Bago pa man lumiko ang pulutong sa eskinetang tumutumbok sa garison, hinarang ni Simeon ang kaniyang sarili. Napahinto ang Teniente nang makilala niya ang lalaki dahilan upang mapatigil rin ang pulutong na nakasunod sa kaniyang likuran.
"Coronel Alonso," bati nito sabay saludo. Gumaya naman rin ang iba pang sundalong kaniyang kasama.
Ngumiti lamang si Simeon at nagbigay pugay rin rito.
"Hola, teniente. Ano't humahangos kayo?" usisa niya.
Tumikhim ang dayuhan at pagkuwa'y huminga ng malalim upang makabawi ng lakas mula sa mahabang paglalakbay.
"Lo siento, Coronel Alonso. Ngunit, nagmamadali kami."
"Hindi ba't galing kayo ng bundok Mirador upang magsiyasat? Anu't nakabalik na kayo kaagad?"
"Nagbunga ang aming pagsisiyasat kaya't nakabalik na kami kaagad. Mayroon akong nakita sa bundok na itinuro niyo sa'min na siyang iuulat ko na ngayon sa Kapitan Santiago."
Akmang hahakbang na sana ang teniente nang muling magsalita ang Coronel.
"Ano ang iyong nalaman?"
Sandali natigilan ang dayuhan. Walang emosyon ang mukha ni Simeon kung kaya't hindi niya nababasa ang iniisip na ito. Batid niyang anak ito ng Gobernador-Heneral Alonso at may ambag ito sa kanilang pagsisiyasat ngunit kabilin-bilinan ng kapitan na hindi niya maaaring ibunyag ang kung anuman ang kanilang matatagpuan sa bundok.
Isa pa, ang kaniyang narinig ay tumanggi ang binata nang itinalaga siya ng Gobernador-Heneral na manguna sa pag-iimbestiga. Bagama't mataas ang katungkulan nito ngunit wala siyang dahilan upang iulat rito ang lahat ng kaniyang nakita.
"Bilang sundalo, hindi ko maaaring isiwalat ang mga impormasyong aking nalalaman sa kung sinu-sino lamang," malanday na sagot ng Teniente.
"Hindi ako sinu-sino lamang, Teniente," kontra naman ng binata. "Sa aking sapantaha ay nawawalan ka ng tiwala sa akin. Malamang ay nakaabot na sa iyo ang balitang pag-atras ko sa utos ng aking ama na pangunahan ang pagsisiyasat. Hindi ako magpapaliwanag sa iyo sa kung anuman ang aking dahilan ngunit nawa'y hindi mo makaligtaang sa akin nanggaling ang impormasyong nagtuturo sa inyo kung saan kayo magsimulang magsiyasat. Isa pa, anak ako ng Gobernador-Heneral, may suliranin ang aking ama na siyang suliranin ko na rin, kaya't sabihin mo sa akin kung ano ang iyong nakita."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...