Kabanata 15

101 11 0
                                    

MAKIKITA sa mga mata ng Jefe ang labis na pagkadismaya. Buong araw itong tahimik at mag-isang nagbabasa ng libro sa loob ng silid-pulungan. Naiintindihan ni Artemio ang nararamdaman ng dalaga ngunit hindi siya sanay na makita itong malungkot. Batid niya ang prinsipyo ng babae kaya't alam niyang labag sa loob nito ang ginawang desisyon ni Ka Miyong. Maging siya man, hindi niya rin nagustuhan ang kaniyang narinig mula sa matanda ngunit tama naman ito. Sa digmaan, hindi maiiwasan ang may magsakripisyo.


Tinanaw ni Artemio ang kinaroonan ng dalaga mula sa hamba ng pinto. Hawak niya sa kaniyang kanang kamay ang isang tasa ng tsaa na maya't maya niyang iniinom habang pinagmamasdan ang dalaga mula sa malayo. Hangga't maaari, hindi niya ito nilulubayan ng tingin. Matigas ang ulo ng Jefe kaya't sigurado siyang hindi matatahimik ang loob nito hangga't wala itong ginagawang hakbang upang iligtas ang mga hahatulan mamaya. Bagama't tahimik at walang ekspresyon ang mukha, nagsusumigaw ang labis na galit sa mga mata nito. Ayaw ni Artemio na mapahamak ang dalaga dahil sa galit na iyon.


Samantala, sa labas ng kubo, naroon sina Ka Miyong at Waldo. Nakarating na rin sa kanila ang balita. Sinisisi ni Waldo ang kaniyang sarili. Alam niyang pitong inosenteng buhay ang mawawala ngayong araw kapalit ng kaniyang buhay. Kung hindi lamang siya nangahas na tumakas at iligtas ang sarili sa tulong ng grupong La Inpendencia Filipinas, marahil ay walang ibang pamilya ang madadamay sa galit ng mga dayuhan.


"Ano ang desisyon ng Jefe, Ka Miyong? Wala ba tayong gagawin? Hindi ba natin ililigtas ang mga taong iyon katulad ng ginawa ninyong pagliligtas sa'kin?"


Bumuntong hininga ang matanda. Umupo ito sa bangko, katabi si Waldo.


"Nagdesiyon ang Jefe na huwag na tayong maki-alam."


Umigting ang panga ng lalaki. Hindi siya makapaniwalang mananahimik na lamang sila habang kinikitil ng mga dayuhan ang mga inosente. Naikuyom ni Waldo ang kaniyang kamao.


"Hindi! Kakausapin ko siya! Hindi maaari ito!"


Tumayo ang binata ngunit pinigilan siya ng matanda sa kaniyang braso.


"Huwag ka sanang magtanim ng sama ng loob sa ating Jefe," pakiusap ng matanda. "Tutol rin siya sa ideyang hahayaan na lamang nating mapahamak ang ating mga kababayan. Ako ang nag-udyok sa kaniya upang gumawa ng desisyong iyon sapagkat batid nating hindi titigil ang mga dayuhan hangga't walang sinuman ang napaparusahan sa nangyari sa Gobernador-Heneral at sa kaguluhan sa plaza."


Natigilan si Waldo. Bahagyang kumalma ang kaniyang kalamnam at minabuting umupo ulit sa bangko. Nagtatalo ang kaniyang isip. May punto si Ka Miyong ngunit kahit saang angulo niya tingnan, hindi makatuwiran ang kanilang dahilan.


"Isasagawa mamayang ala sais ng gabi ang paghahatol, ipinag-uutos ko sa'yo na kung maaari ay huwag ka nang pumaroon sa plaza. Baka makilala ka pa ng mga tao."


"Wala rin naman akong planong pumunta. Hindi ko yata masisikmurang makita ang mga huling sandali ng ating mga kababayan. Baka hindi pa ako makapagpigil at mapagmulan ako ng gulo."


Tinapik ni Ka Miyong ang balikat ng lalaki. "Mahusay ang iyong naging desisyon. Manatili ka na lamang rito hangga't hindi kami nakakabalik ng Jefe."

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon