ISANG malutong na sampal ang natanggap ni Teniente Manahan mula kay Kapitan Santiago nang isiwalat nito ang katotoohan sa nangyari. Naghihimutok ang loob ng matanda at ilang beses na napamura sa galit.
Kapwang nasa garison ang dalawa. Maaga pa ay naparito na ang kapitan upang hintayin ang ulat ng kaniyang pulutong na siyang inatasan niyang tumangbang sa mga rebelde. Buong akala niya ay isang magandang balita ang naghihintay sa kaniya ngayon ngunit taliwas ang kaniyang mga naririnig sa kaniyang inaasahan.
"Lo siento, kapitan. Hindi po namin inasahan na ganoon ang gagawin ng mga rebelde." Muling paliwanag ng teniente na bagama't ramdam ang hapdi sa kaniyang pisngi ay nanatiling kalmado.
"Mga punyeta kayo! Tatlo lamang ang rebeldeng inyong naka-enkwentro ngunit aabot ng dalawangpung sundalo ang nalagas sa inyong panig!"
"Hindi po naming inasahang magpapaputok sila gayong napapaligiran na naman natin silang tatlo."
"Inutil!" kutya sa kaniya ni Santiago. "Nangangahulugan lamang ito na mas mautak pa ang mga indiong iyon kaysa sa inyong lahat, mga punyeta! Ipinahayag ko na sa Gobernador-Heneral Alonso ang ating tagumpay sapagkat akala ko'y makakahuli kayo ng kahit isa man mula sa kilusang iyon ngunit ipinahiya niyo lamang ako!"
"Huwag po kayong mag-alala. Ngayo'y batid—"
"Batid na ng ibang rebelde ang nangyari sa kanilang samahan kaya't tiyak akong lalayo na ang mga iyon nang sa gayo'y hindi natin sila matuntong muli! Kaya't paano pa natin sila mahuhuli!?"
Bumuntong hininga ang teniente. Nahimigan na niyang ito ang magiging reaksyon ng kapitan sa kaniyang iuulat. Maging siya ay hindi rin matanggap na nauwi lamang sa wala ang kanilang pinaghirapan. Bagama't napatay nila ang tatlong rebeldeng iyon, ilang mga guwardia naman ang nalagas sa kanilang panig.
"Hindi na tayo makakakuha ng impormasyon ngayon! Mga wala kayong silbi!" dagdag pa ni Santiago.
Padabog itong muling umupo at pagkuwa'y hinilot ang sariling sentido nang makaramdam ng sakit ng ulo. Samantala, nagpantig naman ang tenga ng Teniente nang marinig ang sinabi ng kausap.
"Kung tungkol sa impormasyon lamang po, Kapitan. Kahit paano'y may nakuha naman kami."
Tumigil sa kaniyang ginawa si Santiago at kinunutan siya ng noo.
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Ang totoo niyan ay nahuli na namin ng buhay ang isang rebelde ngunit bigla niyang inagaw ang baril ng isang guardia sibil natin saka ito itinutok sa kaniyang sariling ulo," paliwanag niya.
"Ang ibig mong sabihin ay nagpakamatay ang indiong iyon?"
"Siyang tunay, kapitan. Marahil ay nahimigan niyang gagamitin natin siya upang pagkukunan ng impormasyon. Ngunit, bago pa man nito kitilin ang sariling buhay, mayroon siyang isiniwalat. Napag-alaman naming tinatawag nila ang kanilang kilusan sa pangalang La Independencia Filipinas."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Ficción históricaAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...