SA kuta.
Walang pagsidlan ng pangamba at pag-aalala ang mga kabataan na kanina pa naghihintay sa padating ng iba nilang kasama. Sumikat na ang araw ngunit hindi pa rin nakakabalik ang Jefe, ang kapitan at si Ka Miyong; maging ang dayuhang si Simeon ay hindi pa rin nagpapakita.
Hindi magawang matulog o magpahinga ang lahat 'pagkat batid nilang nasa panganib pa ang kanilang mga kasapi. Pumaparoon at pumaparito ng lakad si Manuel habang tinanataw ang maliit na daan papasok ng kanilang kuta. Naghihintay ang kaniyang mga mata at nagbabakasaling biglang lumitaw ang mga taong kanilang hinihintay.
Tanging sina Manuel, Jose, Mateo, Alunsina, Alakdan, Kuwago, Josefa at ang musmos na anak nitong si Benito na lamang ang tumatao sa kuta. Puno ng lungkot ang mukha nina Alakdan at Kuwago nang malaman nilang nasawi si Tigre sa engkwentro. Hindi man lamang nila nakuha ang katawan nito nang sa gayo'y mabigyan ng marangal na burol. Maya't mayang ipinapahiran ni Alakdan ang gilid ng kaniyang mga mata sa tuwing naiisip nito ang kaibigan habang tinatatagan na lamang din ni Kuwago ang sarili nito para sa lalaki.
"Lantad na ang araw, ngunit hindi pa rin nakakabalik sina Jefe," siwalat ni Alunsina. "Masama ang aking pakiramdam sa nangyayari."
"Hindi kaya nahuli sila?" Puno ng pagkadismayang sambit ni Jose.
"Hindi," tanggi naman ni Manuel. "Bigyan pa natin sila ng kaunting panahon. Magtitiwala tayo. Batid rin ninyo kung ano ang kailangan nilang gawin oras na sila'y mahuli. Sa lahat ng tao, sila ang mas nakakaalam ng ating kautusan sa kilusan."
"Ang Artikulo Sinco ba?" sagot ni Alunsina. "Napatagumpayan nga nating kunin ang pondo ng mga buwis at salaping mula sa mayayamang pamilya ng bayan ngunit anong saysay pa nito kung mawawala ang kapitan, ang Jefe at si Ka Miyong? Hindi natin kakayanin kung tayo-tayo lamang."
Bumuntong hininga si Josefa. Lumapit siya sa kaniyang mga kasama. Dala nito ang isang pitsel ng tubig at basong gawa sa kahoy.
"Payapain niyo muna ang inyong mga loob. Uminom kayo ng tubig nang sa gayong makapag-isip tayo ng tama."
Tumalima naman rin ang kaniyang mga kasama at napilitang lumalagok ng tubig upang pakalmahin ang mga sarili. Maging si Josefa ay nag-aalala na rin sa kalagayan ng Jefe ngunit hindi sila maaaring bumababa doon 'pagkat batid nilang nasa pinakamahigpit na seguridad ang buong bayan dahil sa nangyaring engkwentro kagabi.
"Bababa na ako sa bayan upang magmatiyag!" Tumayo si Alakdan.
"Alakdan, iyan ang huwag mong gagawin," saway ni Josefa. "Ikakamamatay mo kung mahuhuli ka ng guardia sibil."
"Ngunit, hindi naman maaaring maghintay na lamang tayo rito. Paano na lamang kung tama ang inyong mga hinala? Kung nahuli nga ang Jefe, kailangan nila ng tulong."
"Sa tingin mo ay magagawa mo iyan nang mag-isa? Hangga't hindi nakakababalik ang Jefe, walang bababa ng bundok. Malinaw pa sa akin ang huli niyang sinabi bago kami maghiwalay. Nais niyang maghintay lamang tayo rito sa kuta."
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...