Kabanata 36

63 13 0
                                    

TULALA lamang si Agueda habang nakatitig sa kisame ng kaniyang kwarto. Nakahiga siya sa malamig na sahig. Naglalakbay ang kaniyang isipan sa kung saan. Nais niyang tumakas at umalis sa mansion ngunit nakapinid ang lahat ng kaniyang bintana. Ginawa na niya rin ang lahat upang mabuksan ang kaniyang pintuan ngunit nakakandado ito mula sa labas.


Wala siyang ibang nararamdaman ngayon kundi ang pag-aalala. Hindi na niya alintana ang kaniyang sugat sa binti na maya't maya pang kumikirot. Maging ang gutom at pagkauhaw ay hindi na niya pinapansin. Nag-aalala siya sa kaniyang mga kasama sa kilusan. Tiyak siyang hindi na mapalagay ang mga ito dulot ng kaniyang pagkawala. Maging ang kapitan ngayon ay nakakulong rin sa sarili nitong silid.


Tanggap na ni Agueda ang kinahihinatnan ng kaniyang paglilihim sa ama. Hindi siya kayang suportahan nito sa kaniyang mga hangarin kaya't hindi na niya ipipilit pa iyon. Tutol si Esteban sa kaniyang pagsali sa kilusan ngunit hindi siya hihinto lamang dahil sa ganoong dahilan. Bagama't utang na loob niya ang buhay niya rito ngunit nangingibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal niya sa bayan. Hindi na siya magugulat pa kung itatakwil siya nito. Hinihiling lamang niya ay sana'y hindi madamay sa galit nito si Artemio.


Bumuntong hininga si Agueda nang marinig niya ang pagkulo ng kaniyang sikmura. Nagugutom na siya. Hindi pa siya kumakain buhat nang makulong siya sa kaniyang silid. Maging tubig at gasera upang ilawan ang kaniyang kwarto ay hindi man lamang nag-abala ang kaniyang ama na dalhan siya.


Lumunok na lamang siya ng kaniyang laway habang hinahaplos ang kaniyang tumutunog na tiyan. Tatlong araw pa. Tatlong araw pa bago siya muling makalabas. Ngunit, batid niyang kapag dumating man ang araw na iyon ay wala na rin siya kalayaan pa. Tiyak siyang babakuran na ng kaniyang ama ang kanilang mansion at babantayan ang lahat ng kaniyang kilos.


Napamulat si Agueda nang makarinig siya ng kalabog mula sa pinto. Mabilis siyang gumapang patungo rito at itinapat ang kaniyang tenga ngunit wala siyang ibang naririnig sa labas. Malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan. Guni-guni lamang ba niya iyon?


Akmang lalayo na ang dalaga ngunit napatigil siya nang marinig ang isang pamilyar na boses ng lalaki sa labas.


"Maria, ikaw pala."


Kumunot ang kaniyang noo. Ilang beses na niyang kinagat ang kaniyang ibabang labi upang kumbinsihin ang sarili na totoo ang kaniyang mga naririnig ngunit nakakatiyak siyang hindi ito gawa ng kaniyang imahinasyon.


Nagmadali niyang muling itinapat ang kaniyang tenga sa pintuan upang marinig ang usapan sa labas.


"Naghahanap lamang ako ng palikuran."


Nabuhayan siya nang marinig ang boses ni Simeon. Hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ang boses ng lalaki.


"Naku! Wala po riyan ang palikuran nasa baba po. Gusto niyo po bang samahan ko kayo?"


"Huwag na. Kaya ko na ang aking sarili. Huwag mo na lamang sabihin sa aking Papa at kay Don Esteban na ako'y naligaw. Ayokong mapahiya."


The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon