SA loob ng mansion ng mga Ricarte, abala sa pagbabasa ng libro tungkol sa medisina si Agueda. Upang maupos ang hinala ng kanilang ama, minabuti ng dalaga na manatili na lamang sa loob at gugulin ang kaniyang sarili sa pag-aaral. Sa loob ng dalawang araw, napirmi rin sa mansion si Esteban na siyang pinagtataka naman niya. Batid niyang maraming ginagawa ang kanilang ama sa negosyo ngunit mula nang umuwi ito ay hindi na niya itong nakitang lumabas. Hinuha niya ay binabantayan sila nito.
Hindi na rin nakakalabas-labas si Artemio sa kaniyang silid bilang utos ng kaniyang ama. Bagama't nais niyang magtungo ng kampo upang kumustahin ang kaniyang mga kasama, hindi niya maaaring gawin iyon. Humiling ang kaniyang ama sa pinuno ng guardia sibil na magtalaga ng iilang mga tagabantay sa paligid ng kanilang mansion. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang inaasal nito.
Dahil sa mga bantay, pahirapan na kung sakaling tumakas man sila. Walang ibang ginawa si Artemio sa loob ng kaniyang silid kundi ang magbasa rin ng libro sa abugasya. Sumasakit na ang kaniyang ulo sa labis na pag-aaral. Nais na niyang lumabas at makita si Agueda.
Samantala, hindi naman lubusang naiintindihan ni Agueda ang kaniyang binabasa. Naglalakbay ang kaniyang isip sa malayo. Nangangati na ang kaniyang paa na umalis at magtungo sa bundok. Sigurado siyang nag-aalala na sa kanila si Ka Miyong. Ayaw niyang lumipas na naman ang isang araw nang wala siyang naririnig na kahit na ano mula sa kaniyang mga kasama.
Hindi na nakatiis pa ang dalaga. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at mabilis na niligpit ang mga librong ginamit niya. Nasipat niya sa bintana na papalubog na ang araw. Nais niyang tumakas sa pagkagat ng dilim. Batid niya ang mga guardia sibil na nagbabantay sa labas ng mansion. Kung mag-iingat siya, kayang-kaya niya itong lusutan.
Pagkatapos nilang maghapunan, agad siyang nagpaalam sa kaniyang ama na maaga siyang magpapahinga. Hindi naman ito nagtanong pa at hinayaan na lamang siya. Mabilis siyang nagbihis ng itim na camisa de chino at kumuha ng isang tela upang takpan ang kaniyang mukha. Tulad ng karaniwan niyang ginagawa, tinali niya rin ang kaniyang buhok at itinago ito sa ilalim ng sombrero. Nag-ipit rin siya ng isang rebolber sa kaniyang likuran kung sakali mang kakailanganin niya ito. Batid niyang magagalit si Artemio sa kaniyang gagawin ngunit hindi na siya mag-aabalang sabihan ang lalaki. Nais niyang umalis nang walang kasama. Higit na magtataka ang kanilang ama kung dalawa silang mawawala sa mansion.
Binuksan ni Agueda ang malaking binata sa kaniyang silid. Dumungaw siya sa ibaba upang pag-aralan ang paligid. Nasa ikalawang palapag siya ng mansion. Walang tao kaya't agad siyang tumalon mula rito. Tahimik naman siyang lumapag sa lupa at mabilis na nagtago sa likod ng puno. Nang mapansin niyang walang ibang nakakita sa kaniya, mabilis siyang tumakbo sa bakuran. Mataas ang bakod na pumapaligid sa mansion kaya't kailangan niya pang akyatin ang isang puno ng manga upang makasampa rito. Napangiti si Agueda nang mapagtanto niyang walang guardia sibil ang nagbabantay madilim na bahagi na kaniyang kinaroonan. Malaya siyang nakatawid ng bakod ng hindi nahuhuli.
Agad siyang naglakad palabas ng eskineta. Nadaanan niya ang mga guardia sibil na nagbabantay sa tarangkahan ng mansion ngunit hindi na siya nag-abalang lingunin pa ito. Sisiguraduhin niyang hindi mapapansin ng kaniyang ama ang pagkawala niya. Babalik rin naman siya bago sumikat ang araw.
Binaybay ni Agueda ang daan papunta sa bundok. Siniguro niyang walang nakakakita sa kaniya nang pumasok siya sa kakahuyan. Hindi niya alintana ang dilim ng kaniyang nilalakaran. Kabisado niya ang bundok kaya't makakarating siya sa kanilang kampo ng hindi gumagamit ng sulo bilang gabay at liwanag.
BINABASA MO ANG
The Mutiny Muse
Historical FictionAgueda Iniquinto, a twenty-four-year-old self-taught sniper was appointed as the leader of a secret organization of rebels called La Independencia Filipinas. Thirsty of freedom and justice, she led a rebellion to overthrow the oppressive Spanish reg...