Kabanata 43

57 12 0
                                    

MADILIM na ang paligid nang muling magmulat ang mata ng isang dalaga mula sa mahabang paghimbing. Unang bumungad sa kaniya ang tanglaw ng maliit na gasera na iniwan sa ibabaw ng kaniyang mesa. Sinubukang bumangon nito nang makaramdam siya ng pagkauhaw. Bahagyang nanumbalik ang kaniyang lakas nang makapagpahinga siya. Ngunit, bago pa man siya makababa sa kama naaninag niya ang isang taong nakatayo sa gilid ng nakabukas na binata. Kumunot ang kaniyang noo habang pinipilit itong kilalanin sa kabila ng madilim na paligid.


"Simeon?" Wala sa sariling tawag niya rito.


"Kanina pa siya nakababa ng bayan, Jefe."


Naglakad ang lalaki papalapit sa kaniya. Doon niya napagtanto na si Ka Miyong pala ang kaniyang napagkamalan.


"Ka Miyong, ikaw pala," paumanhin niya. "Pasensya na hindi kita agad nakilala."


Umupo ang matanda sa bakanteng upuang gawa sa kahoy na nakapuwesto sa gilid ng kaniyang kama. Hindi niya batid kung kailan pa nakarating ang matanda rito sa kanilang pangalawang kuta ngunit kung nakilala na nito si Simeon, malamang ay naulinigan na rin ng matanda ang lahat ng nangyari.


"Inasahan mo bang siya ang unang makikita mo sa iyong muling paggising," tanong ni Miyong.


Tumikhim si Agueda. "Hindi, ho. Siya ang aking kasama noong ako'y pumarito kaya't inakala kong narito pa siya. Mabuti at bumababa na pala siya ng bundok."


"Jefe, batid mo ba kung ano ang iyong ginagawa? Dayuhan ang binatang iyon."


Bumuntong hininga ang dalaga. Hindi na siya nagugulat sa daloy ng kanilang usapan ngayon. Hindi man lamang kinumusta ng matanda ang kaniyang kalagayan. Inuna pa nitong tuligsain ang kaniyang pagtitiwala sa isang dayuhan.


"Ka Miyong, alam ko kung ano klaseng sitwasyon ang aking kinaroroonan ngayon. Ngunit, maniwala ka, hindi ko ginusto itong mga nangyayari. Nangangailangan ako ng tulong at nagkataon lamang na siya ang naroon upang ibigay iyon."


"Jefe, ilang araw ka nang nawawala. Buhat nang mangyari ang barilan sa daungan ay hindi ka na nagpakita."


"'Pagkat nabaril ako ni Santiago noong araw na iyong kung kaya't mayroon akong sugat sa binti ngayon. Kung hindi ako tinulungan ni Simeon, malamang ay nahuli na ako."


"At nagtitiwala ka sa kaniya?!"


"Paanong hindi ako magtitiwala sa taong nagligtas ng aking buhay? Hindi lamang isang beses ngunit palagi—sa tuwing kailangan ko siya. Ayaw ko man ngunit palagi siyang dumarating—palagi siyang nariyan. Kaya't sabihin mo Ka Miyong, ano ang dahilan kung bakit hindi ko siya maaaring pagkatiwalaan?"


"Anak siya ng Gobernador-Heneral, sapat nang dahilan iyon, Agueda."


"Batid ko," sagot niya. "Batid ko iyan. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili ang katotoohanang iyan, Ka Miyong. Ngunit, kung huhusgahan ko lamang siya dahil sa kaniyang ama, anong karapatan ko upang pagkatiwalaan rin ng ibang tao gayong isang rebelde rin ang aking ina? Si Valeriano Alonso ang ating kalaban hindi ang kaniyang anak, hindi si Simeon Alonso."

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon