Kabanata 52

57 10 0
                                    

NAGMULAT ang mga mata ni Agueda nang biglang magbukas ang pinto ng selda. Nahihirapan man pinilit niyang inangat ang kaniyang tingin upang tingnan ang dumating.


Sa unang pagkakataon mula nang makulong siya, sumilay ang isang magandang ngiti sa labi ng dalaga. Ilang beses siyang kumurap upang kumbinsihin ang sarili. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita.


Nandito si Simeon.


Nakasuot ang binata ng purong itim. Nakangiti at maaliwalas ang mukha. Pinagmamasdan lamang siya nito. Umupo ang lalaki sa kaniyang tabi dahilan upang makita niya nang mabuti ang mga mata nito. Hindi niya maintindihan. Batid niyang masaya ito ngunit ramdam niya ang lungkot sa mga titig ng lalaki.


"Bakit ka nandito?" tanong ng dalaga. "Hindi ka dapat narito."


Gumalaw ang mga kamay ng lalaki at hinaplos ang kaniyang pisngi.


"Biyernes ngayon," sabi nito. "Kaya ako narito."


"Hindi mo pa rin ba kinakalimutan ang kasunduang iyan?"


Umiling ang lalaki. Sandali siya nitong pinagmasdan. Kita ni Agueda ang sakit sa mga mata nito habang pinag-aaralan ang lahat ng kaniyang sugat at pasang natamo.


"Nasaktan ka ba masyado?" tanong ng binata.


"Hindi, kaya ko pa."


"Patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakarating."


"Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Hindi mo rin kailangang magpaliwanag. Batid kong hindi naging madali para sa iyo ang lahat."


Gumulong ang luha sa pisngi ng dalaga. Malaki ang naitulong ni Simeon sa kanilang kilusan. Aaminin niyang ito rin ang kaniyang naging sandalan sa mga panahong nais na niyang sumuko. Gumaan ang kaniyang mga pasanin sa buhay 'pagkat batid niyang nariyan lamang ang binata para sa kaniya—palagi—kahit hindi niya hilingin.


"Agueda." tawag sa kaniya ni Simeon.


"Ha?"


"Mahal kita."


Mistulang tumigil ang mundo ng dalaga. Para siyang nabingi sa sinabi nito. Batid niyang may pagtingin sa kaniya ang lalaki ngunit ito ang unang beses na nagtapat ito sa kaniya. Parang siyang nanaginip. Parang hindi ito totoo.


"A-ano iyon?"


"Mahal kita, Agueda."


Tuluyang nagsilaglagan ang mga luha ng dalaga. Napabuga siya ng hangin na animo'y nahihirapan siyang huminga. Nais sumabog ng kaniyang puso sa labis na galak na nararamdaman. Nanginig ang kaniyang labi habang pinipigilan ang mga hikbi.


"Patawarin mo ako kung ngayon lamang ako naglakas-loob na sabihin sa iyo iyon. Natakot ako. Labis akong natakot. Batid kong hindi mo kayang suklian ang aking pag-ibig dahil sa iyong katungkulan sa bayan. Batid ko ring hindi mo ako kayang mahalin 'pagkat isa akong dayuhan."


Umiling si Agueda.


"Ako ang dapat na humingi ng tawad sa iyo, Simeon, 'pagkat tiniis kita, pinigilan ko ang aking sarili na mahalin ka. Naduwag ako. Labis akong naduwag. Hindi ko matanggap sa aking sarili na sa piling ng isang dayuhan ko pa mararamdam kung paano sumaya, kung paano huminga. Ikaw ang aking naging sandalan sa gitna ng digmaan."


Ngumiti si Simeon.


"Ayos lang. Nauunawaan ko. Natakot at naduwag tayong dalawa. Ipangako natin sa ating mga sarili na hindi na natin iyon gagawin pa sa susunod nating pagkikita. Sa susunod na buhay, mahalin natin ang isa't isa ng walang inaalala. Magmahal tayo ng buong tapang, ng buong puso, ng buo nating pagkatao."


Kumunot ang noo ng dalaga. "Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?"


"Sa susunod kong buhay, mahuhulog pa rin ako sa iyo. Iibigin pa rin kita kahit na baril ang lagi mong bitbit at hindi pamaypay. Dayuhan man ako o hindi, may digmaan man o wala—lagi kitang pipiliin. Hindi ko man kayang manatili nang mas matagal ngayon—baka sa susunod na habang buhay na lang."


"A-ano ba iyang sinasabi mo?"


"Babalik ako, ha," wika ng lalaki. "Babalik ako sa iyo. Pangako, hindi ko tatagalan."


Hindi maintindihan ni Agueda ang sinasabi nito ngunit ang labis niyang ipinagtataka ay ang mga ngiti ni Simeon habang nakatitig sa kaniya. Nagulat ang dalaga nang biglang binitawan nito ang kaniyang mga kamay at tumayo.


"Aalis ka na ba agad?" tanong niya rito.


Hindi sumagot ang binata. Tinalikuran siya nito at nag-umpisang maglakad palayo sa kaniya.


"Simeon, huwag kang umalis!"


Muling nag-uunahan sa paglaglag ang kaniyang mga luha.


"Pakiusap, dito ka lang!"


Anumang lakas ng kaniyang pagtawag sa pangalan ng lalaki. Hindi na ito naglilingon sa kaniya. Hindi na ito bumalik.


Kasabay ng paglaho nito sa kawalan ang pagmulat ng kaniyang mga mata sa reyalidad.


Napabalikwas mula sa pagka-idlip si Agueda. Basang-basa ng luha ang kaniyang pisngi. Napatitig siya sa buong selda. Doon lamang niya napagtantong panaginip lamang ang lahat. Unti-unting bumigat ang kaniyang dibdib nang maintindihan niya ang nangyayari.


Napahilamos siya sa kaniyang mukha nang hindi na niya nakayanan ang sakit sa kaniyang puso—pawang hinihiwa ito—pakiramdam niya may nawala sa kaniya. Ang lungkot niya. Sobrang lungkot na animo'y mamamatay na siya.


Pinuno ang buong selda ng kaniyang mga hikbi. Nanginginig ang kaniyang labi habang tinatawag ang pangalan ng lalaking hindi na niya kailanman makikita pa.


Si Simeon—iniwan na siya nito.


***

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon