Kabanata 20

102 12 3
                                    

PUNO ng tao ang palengke. Nagkalat ang mga samu't saring paninda habang ang mga batang naglalaro sa daan ay pumaparoon at pumaparito. Namamangha pa rin si Agueda sa tuwing nagagawi siya sa parting ito ng kanilang bayan. Kakaiba ang sayang bumabalot sa lugar na ito na animo'y malayo sa kamay ng mga dayuhan o gulo ng digmaan. Maingay ang lugar sapat upang hindi marinig ni Agueda maging ang mga sarili niyang yapag sa lupa. Nakasunod lamang siya kay Artemio na ngayon ay panaka-nakang humihinto upang usisain ang mga nakahanay na paninda. Naiinis siya habang tinitigan ang lalaki. Hindi niya matanggap ang katotohanang labis na aaliw ang binata sa ginagawa nito.


Napapansin rin ni Agueda ang mga malalagkit na tingin kay Artemio ng mga napapadaang binibini. Sumusulyap ang mga ito sa mukha ng binata na siyang maya't maya namang napupuna ng lalaki. Mahihinang hagikhik na lamang ang kaniyang naririnig sa tuwing sinusuklian ni Artemio ng sulyap ang mga dalagang mistulang mga batang naghihintay sa tabi upang panuorin ang mga kilos ng lalaki. Hindi rin naman niya masisisi ang mga ito sapagkat agaw-pansin rin ang suot na damit ng kaniyang kasama. Sino nga bang taong nasa matinong pag-iisip ang magsusuot ng terno at kurbata habang tirik ang araw sa loob ng isang palengke.


Kasalukuyang, nagsusukat si Artemio ng sombrero nang hindi na nakatiis si Agueda na lapitan ito upang sawayin.


"Sapat na naman siguro ang mga mata ng babaeng kanina pa nakatitig sa iyo upang malaman ni ama na nagtungo nga talaga tayo ng palengke," bulong niya rito.


Isang kibit-balikat lamang ang isinukli sa kaniya ng kaharap. Sandaling inilibot ni Artemio ang kaniyang mga mata sa paligid at hindi na siya nagulat nang makita ang mga babaeng nakaabang sa kaniya.


"Kararating lamang natin. Hindi naman kalabisan kung mananatili muna tayo ng kahit kalahating oras man lang."


"Naririnig mo ba iyang sinsabi mo? Baka nakakalimutan mong may pupuntahan pa tayo?"


"Narito na lamang din tayo kaya't bakit hindi ka pumili ng kahit na anong maibigan mo? Kailangan rin nating bumili ng mga bagay-bagay upang magsilbing ebidensiya kung sakalimang usisain tayo ni ama."


"Artemio—"


Napahinto siya sa pagsasalita nang bigla siyang kinindatan ng binata.


"Makiayon ka naman sa'kin kahit ngayon lang."


Humugot ng malalim na hininga ang dalaga upang kontrolin ang sarili. Gusto niyang sigawan sa galit ang binata kung wala nga lamang sila ngayon sa palengke. Ayaw niyang makatawag ng pansin kung kaya't hahayaan na lamang niyang gawin ang nais nito.


"Kalahating oras lamang, Artemio. Kung magpupumilit ka pa rin, iiwan kita rito."


Ngumiti ng matamis ang binata nang makumbinsi ang kasama.


"Kalahating oras," pag-uulit niya.


Bumalik sa pagsusuri ng mga paninda ang lalaki habang napilitan naman rin si Agueda na abalahin ang sarili sa pagpili ng mga bagay sa kaniyang tabi. Nasa isang tindihan sila ng mga sombrero at palamuti sa buhok kung kaya't ilang mga disenyo ng payneta ang kaniyang nakita. Nahuli ng kaniyang atensyon ang isang paynetang hugis buwan at napapalibutan ng mga puting bulaklak sa itaas na siyang gawa naman sa manipis na metal.

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon