Kabanata 24

83 11 1
                                    

TAGAKTAK ang pawis ng isang binatilyo habang buhat-buhat sa magkabilang balikat ang dalawang timbang puno ng tubig. Bagama't namamanhid na ang kaniyang buong braso, nagpatuloy siya sa paglalakad at sinuong ang alon ng mga taong pumaparoon at pumaparito sa palengke. Labis ang kaniyang pag-iingat upang hindi matapon ang laman ng kaniyang dala. Ayaw niyang mabawasan ito nang kahit kaunti man lang sapagkat malayo pa ang balong pinag-iigiban niya. Kung sakali mang kulang ito, tiyak siyang pababalikin siya ng kaniyang amo.


Sa 'di kalayuan, natanaw niya ang isang ginang na walang tigil sa pagkaway sa kaniya. Malayo man ngunit batid niyang nagsasalubong na ang kilay ni Ginang Lucia, ang may-ari ng tindahang pinaglilingkuran niya. Nakasuot ng puting baro at pulang saya ang babae. May kalakihan ang katawan nito kaya't malayo pa lamang ay naaninag na niya ang babaeng nakatayo sa gitna ng daan. Sa maikling panahon ng kaniyang paninilbihan rito, napuna na niya ang pagiging mainipin ng babae. Hindi niya maunawan ang pagsisikap nito na makabenta ng marami. Tumandang dalaga si Lucia at walang kasama sa buhay kaya't wala itong pamilyang uuwian o bubuhayin man lang.


"Manuel! Kay kupad mong maglakad! Magmadali ka at ipasok mo na iyang tubig sa loob!" singhal sa kaniya ng babae nang tuluyan siyang makalapit rito.


Bagama't nahihirapan, lumusot ang binatilyo sa makitid na pinto at mabilis niyang ibinaba ang dalawang timba saka isinalin ang laman sa isang malaking bariles. Napabuntong hininga pa siya nang mapansing nangangalahati pa ang anim na timbang tubig na inigib niya simula kanina. Sigurado siyang hindi siya titigilan ng ginang hangga't hindi nito nakikitang puno ang bariles.


"Anong tinutunganga mo riyan!?"


Gulat na napalingon si Manuel nang tumabi sa kaniya si Lucia. Kumurap pa siya nang sumalubong sa kaniya ang nanlilisik nitong mga mata. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang tingin ang kulay itim nitong nunal sa gilid ng bibig na aakalain mong isang pasas sa sobrang laki.


"Paumanhin po," wika ng binatilyo at ibinababa ang mga tingin sa sahig. "Tinatansiya ko lamang po kung ilang timba pa ng tubig ang aking iigibin bago mapuno ang malaking bariles na ito."


"Bakit tinatamad ka na ba?"


"Hindi po iyon ang ibig kong sabihin, Ginang. Maka-ilang ulit na po kasi akong nagpapabalik-balik mula rito at doon sa balon. Inaalala ko lamang po na baka matapos ang araw na ito nang wala akong ibang ginagawa maliban sa pag-iigib."


Tumaas ang kilay ng ginang at pagkuwa'y pinagmasdan ang loob ng kaniyang tindahan. Umismid siya nang makita ang gabundok na hugasin sa kusina. Ayaw na ayaw niyang maiwan nang matagal ang mga hugasin sapagkat babahayan ito ng mga langaw at insekto. Makakasira iyon sa kaniyang negosyo. Kakaunti na nga lamang ang mga taong bumibili ngayon sa kaniyang panaderya kaya't dapat niyang pag-igihan ang kaniyang mga ginagawa.


"Kung sa bagay nga naman. O, siya sige, linisin mo na lamang ang kusina at hugasan mo ang mga plato at kagamitan ko sa panluto doon. Ngunit kailangan mo pang mag-igib nang isang beses upang may tubig kang magamit."


Kumunot ang noo ni Manuel. "Ho? Ngunit para saaan itong inigib kong tubig? Hindi niyo ba ito gagamitin?"


"Aba'y, gagamitin ko iyan sa aking pagligo! Huwag ka nang magtanong riyan at sundin mo na lamang ang aking utos."

The Mutiny MuseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon