Pumasok si Aspen sa loob ng kanyang dating silid kung saan naroon ang mga canvas na kanyang binili para sa kanyang mga ipipinta. Bitbit ang canvas na kanyang ibabalik ay maingat niya itong itinabi kasama ng naglalakihan na mga kahon ng canvas na binili na niya noong nagpa-Maynila siya.
"Hmmm, saka ko na ipipinta si Mister Velasco, kapag wala na si Ocean," ang nakangiting sambit niya sa kanyang sarili. Saka niya dinampot ang isang box na may sukat na tig-isang dipa sa bawat gilid. Isa iyun sa apat na paintings na gagawin niya para kay Autumn.
Pumihit ang kanyang katawan habang bitbit ang box na may lamang canvas para sana lumabas na muli siya ng kanyang dating silid nang matuon ang kanyang mga mata sa kama. At isang matamis na ngiti ang gumuhit sa kanyang pisngi nang maalala niya ang nangyari sa kama na iyun.
Napakagat siya sa kanyang labi at isang buntong-hininga ang kanyang pinawalan at saka niya ingat ang kanyang kaliwang kamay para tingnan ang singsing na isinuot sa kanya ni Ocean nang alukin siya nito ng kasal.
Tiningnan niya nang nakangiti ang singsing na may dalawang kamay na nakahawak sa tila hugis unan na diamante. Kuminang iyun sa kanyang mga mata at mas lalo pang lumapad ang kanyang ngiti nang maalala niya ang sinabi ni Ocean na ito mismo ang nagdisenyo ng kaniyang engagement ring. Sinabi nito na kaya dalawang kamay ay simbolo na sa isang successful na pagsasama hindi dapat isa lang ang hahawak o masusunod o ang magmamahal sa isang relasyon. Kailangan ng isang patas na partipasyon ng bawat isa. Pareho dapat ang atensiyon at emosyon na i-invest sa relasyon para magtagal at maginhawa ang pagsasama.
Napabuntong-hininga siyang muli habang may ngiti sa kanyang mga labi at saka niya ibinaba ang kanyang kaliwang kamay at inilapat naman niya iyun sa kanyang puson.
"Thank you baby, nang dahil sa iyo ay magpapakasal na kami ng daddy mo, pangako na hindi ka namin iiwan, pangako na hinding-hindi kita iiwan, hindi ko sa iyo gagawin ang ginawa sa akin noon ng aking mommy, mamahalin kita at bibigyan ng laya na sundin ang gusto ng iyong puso," ang sambit niya. Hindi siya makapaniwala na kagabi lang ay ubod ang bigat ng kanyang pakiramdam at wala na siyang ginawa kundi ang lumuha hanggang sa makatulugan na niya ito. Pero ngayon? Ay nag-uumapaw naman ang kanyang damdamin sa labis na saya na dulot din ng taong nagbigay sa kanya ng kalungkutan kagabi.
Naalala niya ang mga litrato at ang pagsisinungaling ni Ocean sa kanya. Hindi na niya iyun babanggitin pa, hindi na niya hahayaan na masira pa ang magandang nararamdaman niya nang dahil sa mga larawan na iyun. Ang pag-alok sa kanya ni Ocean ng kasal ang magtutuldok sa anumang agam-agam niya. Iyun lang ang mahalaga.
Tiningnan niyang muli ang kama at binigyan ng huling sulyap ito saka siya naglakad na palabas ng silid habang yakap niya ang kahon ng canvas. Mas lalo siyang na-excite lalo pa at sinabi ni Ocean sa kanya na magbabakasyon sila sa isang pribado na isla. Hmmm, hindi na siya makapaghintay na makasama si Ocean sa isang mala-paraisong lugar na iyun para i-celebrate ang kanilang engagement, ang nakangiting sabi niya sa kanyang sarili habang naglalakad siya sa pasilyo patungo sa hagdan.
Sinimulan niya ang paghakbang pababa habang nakapagkit pa rin ang ngiti sa kanyang labi, kaya naman naisip niyang simulan na muna ang ipipinta niyang abstract painting para kay Autumn. Madali lang naman niya itong matatapos hindi katulad ng nude...
Bigla siyang natigilan nang maalala niya ang sobre na naglalaman ng hubad na picture ng asawa ni Alexis. Naiwan niya ito kasama ng kanyang mga gamit sa pagpipinta.
Alam niyang hindi iyun pakikialamanan ni Ocean pero bigla pa rin siyang nakaramdam ng kaba dahil baka lang masilip nito ang laman ng sobre. Nagmamadali siyang bumaba sa hagdan at nasa kalagitnaan na siya nang mag-ekis ang kanyang mga paa at nawalan na siya ng balanse. Sinubukan pa niyang kumapit ang kanyang kanan na kamay ngunit hindi na nagawang hulihin ng kanyang kamay ang handrail at nagpagulong-gulong ang kanyang katawan sa bawat baitang ng hagdan at tumilapon ang kanyang hawak na kahon sa ere at kasabay ng kanyang katawan ay pareho silang bumagsak na pahiga sa sahig.
BINABASA MO ANG
Always been You (completed)
Romance"Thou shall not covet thy mother's...LOVER" Hard headed, strong willed, and stubborn as mule. Those were the adjectives use to her by her mother. Aspen Palacio thought her mom's perception of her were all untrue. After all, she will never understand...