Part 90 Ang Kapalaran ni Carmen

34 1 0
                                    

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, Elaine?", nag aalalang tanong ni Manang Flor.

"Opo, Manang Flor. Kailangan ko po itong gawin para sa ikatatahimik naming lahat. Gusto ko pong makasigurado na tama ang desisyon na pipiliin ko", sagot naman ni Elaine.

"Gusto mo ba samahan kita?", tanong muli ng matanda.

"Naku, huwag na po, Manang Flor. Kaya ko naman po itong gawin. Kapag po pala tumawag si Theo, pakisabi na lang na lumabas ako kasama ng aking mga kaibigan", pagpapatuloy ni Elaine.

"Sige, hija".

"Kayo na po muna ang bahala kay Mommy", nabaling ang tingin nito ky Doña Beatrice na noon ay nakaupo sa kanyang wheelchair. "Mommy, may lalakarin lang po ako. Babalik po ako kaagad. Sila Manang Flor po at si Maya na muna ang bahala sa inyo dito. I love you so much, Mommy", huling sabi nito sabay yakap kay Doña Beatrice. Hinalikan din ni Elaine ang ulunan nito.

"Manang Flor, aalis na po ako", paalam ni Elaine.

"Mag-iingat ka, hija. Tawagan mo ako kapag may kailangan ka".

"Opo at salamat po, Manang Flor", sabi ni Elaine. Maya maya pa eh umalis na ito patungong Pagbilao.

"Boss, kasado na ang lahat. Kailan ba natin tatapusin ang iyong kaaway?", tanong ng isang bruskong lalaki na may makapal na bigote.

"Sa lalong madaling panahon. Sabihan mo ang lahat ng mga tauhan. Sosorpresahin natin si Lanz sa hindi niya inaasahan na pagkakataon", pahayag ni Enrico sabay hithit ng tangan nitong sigarilyo.

Maya maya pa eh dumating na ang dalawang tauhan na inutusan ni Enrico na patahimikin si Carmen.

"Boss", ani ng isang tauhan.

"O, nakabalik na pala kayo. Naayos na ba ang problema ko?", tanong ni Enrico.

"Opo, Boss. Tinapos na namin ang iyong problema. Hinding hindi ka na niya magagambala pa", pahayag ng ikalawang tauhan.

"Magaling. Wala akong panahon sa mga kasinungalingan niya. Nararapat lang na matapos na ang problema ko sa kaniya", dagdag ni Enrico. Tinapos na din niya ang paghithit sa kaniyang sigarilyo.

Tatayo na sana siya nang iabot ng isa pa niyang tauhan ang telepono sa kanya.

"Boss, ikaw ang hinahanap. Mayor daw siya ng Pagbilao", ani ng tauhan.

"Hello?", sagot ni Enrico nang mahawakan ang telepono.

"Ikaw ba si Enrico Ayala? Ikaw ba ang kapatid ni Elise Ayala?"

"Oo, ako nga. Sino ka at ano ang iyong pakay?"

"Alam ko kung saan itinatago ni Lanz ang kapatid mo. Andito sila sa Pagbilao".

Napatawa na lang si Enrico. "Alam ko na iyang impormasyon na iyan. Huli ka na sa balita, Mayor".

"Alam ko kung saan sila tumutuloy. Ung dating bahay ni Lanz, wala na sila doon. Lumipat na sila. Nasa dulo un ng Pagbilao at pribado ang lugar. Pero sa konting halaga ay mapag uusapan natin kung paano kayo makakapunta doon".

"Bakit mo ako tinutulungan? Dahil ba sa pabuya?"

Narinig ni Enrico ang malakas na tawa ng Mayor. Maya maya pa eh natigilan ito at biglang sumeryoso ang tono nito. Ikinuwento nito ang tinamo ng kanyang anak na si Marco sa kamay ni Lanz. Ipinahayag din nito ang kagustuhan nitong iligpit din si Lanz.

Napakunot ang noo ni Enrico. Batid nito ang kalakaran ng Mayor ng Pagbilao. "Nakikinig ako. Pag usapan natin iyan ng maigi", sagot ni Enrico.

Samantala, sa mansyon..

"Naka ayos na ba ang lahat ng papeles?"

"Oo, Lanz, naayos ko ba ang lahat. Pati ang flight ninyo ni Elise, kung saan kayo tutuloy at maging ang mga appointments ninyo, naayos ko na din".

"Mabuti naman kung ganoon. Kailangan makaalis na kami sa lalong madaling panahon. Kailangan na mailayo ko na dito si Elise. Sa magulong mundo dito", pahayag ni Lanz.

"Sasalubungin kayo doon ng kapatid ko. Siya na ang bahala na maghatid sa inyo doon sa tutuluyan ninyo".

"Salamat sa lahat ng tulong mo", sagot naman ni Lanz.

"Walang anuman, Pare. O, siya, ako ay tutuloy na. Andito sa folder ang lahat ng kakailanganin ninyong pareho", huling sabi nito sabay abot ng isang folder kay Lanz.

"Salamat muli", sagot ni Lanz sabay kuha ng folder.

"Elise..", bati ng kumpare ni Lanz nang magpang abot sila sa may pintuan.

"Hi, tapos na ba ang usapan ninyo ni Lanz?", tanong nito.

"Oo, tutuloy na ako", magalang na paalam ng kumpare ni Lanz.

Isang payak na ngiti naman ang isinagot ni Elise. Isinara nito ang pintuan at dumiretso sa kinaroroonan ni Lanz. Sakto naman na naitabi na ni Lanz ang folder sa de-susi na drawer ng mesa nito. Hindi ito napansin ni Elise.

"Lanz, halika na. Nakapaghain na ako. Oras na para kumain".

"Sige, susunod na ako pagkatapos nitong ginagawa ko.

Naupo si Elise sa mga hita ni Lanz. "Hindi ako tatayo hangga't hindi ka pa tapos sa ginagawa mo". Ikinawit din nito ang kanyang mga braso sa leeg ni Lanz.

Isang matamis na halik naman ang ibinigay ni Lanz. Napapikit naman si Elise sa malambing na dampi ng mga labi ni Lanz sa kanyang mga labi. Napayakap naman si Lanz sa bewang ni Elise.

"Sigurado ka na hindi ka tatayo?", tanong ni Lanz.

"Yes, Lanz. Why?"

"Para kasing iba ang gusto kong kainin ngayon", may halong pagkapilyo ang sagot ni Lanz.

Pakunwaring tinapik ni Elise ang pisngi ni Lanz. "Tigilan mo nga ako. Halika na kasi", parang bata na nagsusumamo si Elise. "Palagi ka na lang nasa meeting kasama ng kumpare mo. Ako naman ngayon, please?", pakiusap ni Elise.

Hindi na nakapagpigil pa si Lanz. "O, sige halika na. Kain na tayo", sabi naman ni Lanz sabay buhat kay Elise.

"Ayy!!, napatili si Elise nang binuhat siya ni Lanz. Tinungo na nila ang hapag kainan.

Isang matandang lalaki ang napababa sa kaniyang truck nang may maaninag ito na nakaharang sa daan na kanyang binabaybay. Ang akala nito ay isang kahoy na nasa gitna ng daan ang andun ngunit nang malapitan na niya ito, doon nito napagtanto na isa palang babae ang noon ay nakahandusay sa daan.

Itinihaya niya ang babae. Hindi na makita ang hitsura nito sapagkat puro bugbog ang mukha nito. Namamaga at puro sugat ang mukha ng babae. Pinakiramdaman ito ng matandang lalaki.

"Miss..", ika ng matanda. "Miss, ano ang pangalan mo?"

Laking gulat ng matanda nang biglang dumilat ang mga mata ng babae. Bigla itong nag histerikal at sumigaw sigaw na lang.

"Miss, huwag ka ng mag alala. Andito ako. Tutulugan kita. Huminahon ka muna".

Nang lumaon ay kumalma din ang babae at tumitig ito sa matanda sabay sabi ng "tulungan mo ako".

Ikaw Ang Lahat Sa Akin (GxG) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon