8

1.6K 65 0
                                    


Playing Love With A School Heartthrob

by: sha_sha0808 Ash Simon

CHAPTER 8

[Epok Pov]

Pabalik-balik ako rito sa loob ng kuwarto ko at napapaisip. Kakatapos ko lang kumain ng dinner at lechon ang ulam namin tapos nag-order pa siya ng cake sa mamahaling bakeshop.
"May mali eh," sabi ko. Imposibleng maging mabait kaagad ang mokong sa akin. Hmm? Ano kaya ang balak niya?
May kumakatok kaya pinagbuksan ko.
"Hi," nakangiting bati ni Preenz kaya napataas ang kilay ko.
"May kailangan ka?" mabait ang boses na tanong ko.
"Wala naman. Kung may kailangan ka, magpatawag ka lang ng katulong dahil matutulog na ako," sagot nito kaya nakapagdududa na talaga. Kanina, inamoy ko ang pagkain bago kainin dahil baka may lason pero wala naman.
"Wala na akong kailangan dahil inaantok na ako," sagot ko at matamis na nginitian siya.
"Ahm...Preenz?" tawag ko na nakatingala sa kaniya.
"Ano 'yon, Epok?"
"Pasensiya ka na pala sa asawa mong minurder namin, ha. Ang sama ko--"
"You--" pasigaw na sabi niya pero agad napapreno ang bunganga kaya palihim na natawa ako. "Y-You sleep now. Mauna na akong matulog dahil inaantok na ako," paalam niya saka ang bilis na nawala sa harapan ko.
"Sige lang, magdiwang ka muna habang friends pa tayo," bulong ko saka isinara ang pinto.
Alam ko namang kinukuha lang niya ang loob ko e. Pero ang totoo, may masama talaga siyang balak sa akin.
Na-miss ko tuloy ang mga magulang ko. Tatawagan ko sana pero natutulog na ang mga ito. Ayaw ko ring istorbohin si Kuya dahil baka maaga pa silang magising ng asawa nito kaya bumalik na lang ako sa kama.
Minsan, nakaka-miss din ang mamuhay sa probinsya. Iyong umakyat sa bayabas o 'di kaya'y maligo sa malinis na ilog kasama ang mga isda. Dito, basura ang nakalutag sa Ilog Pasig. Kailan pa kaya pangangalagaan ng tao ang mundo?
Natulog na ako para makapaghanda ng kalokohang gagawin ni Preenz bukas. Mukhang magkakaroon ng world war sa mundo naming dalawa e. Well, nakahanda naman ako palagi.
Kinabukasan, maaga pa akong nagising kaya nagmamadali akong bumangon at naligo.
Pagbukas ko ng pintuan, may tatlong pulang roses sa tapat ng pinto ko na mukhang kakapitas lang sa hardin. Muntik ko pang maapakan.
"Morning, Epok. Please have a breakfast with me. Wait you in veranda." Pagbasa ko sa nakasulat sa maliit na papel. Wala man lang pangalan pero alam kong galing ito kay Preenz kaya dumiretso ako sa labas.
"Morning," nakangiting bati niya habang humihigop ng kape. "Dito na ang breakfast mo. Maupo ka na."
Sa totoo lang, nakakapanibago lalo na't hindi ito ang inaasahan ko mula sa kaniya. Iyong granadang inaasahan ko paglabas ko, naging bulaklak tapos may pa-breakfast pa ang mokong.
"Sala--" Magpapasalamat sana ako pero nagulat ako sa ginawa niya.
Napatingin ako sa kaniya nang hilain niya ang upuan sa tabi niya.
"Dito ka na maupo. Share tayo sa table." Alok niya habang nakatitig sa dyosa kong mukha. Ang fresh ng mukha ng mokong. Parang virgin lang. Hmm? Virgin pa kaya siya? Malanang hindi na. Sa dami ng condom na nakita ko sa drawer niya, hindi na talaga. Sa kati ni Sheena, malamang nagahasa na nito si Preenz.
"Bakit ganiyan ka ba makatingin? Nagdududa ka pa rin ba sa akin? O sadyang pogi lang ako sa paningin mo?" tanong nito saka ngumiti na para bang super close na kami. Lumitaw ang maputi at pantay nitong mga ngipin na nagpadagdag ng kaguwapuhan ng mokong.
"Maupo ka na. Masyadong maaga pa para purihin mo ako sa pamamagitan ng mga titig mo," sabi niya na ang laki ng kumpiyansa sa sarili. Kung hitsura ang pag-uusapan, hindi na ako tututol sa kaniya dahil guwapo naman talaga siya. Ipinanganak akong palaban at medyo pasaway pero hindi ako sinungaling. Minsan lang kapag kinakailangan talaga.
Napaangat ang kanang kilay ko saka pasimpleng sinuri ang mga paa ng upuan pero maayos naman kaya naupo na ako.
"Preenz?" tawag ko at kinuha ang hot choco. In fairness, breakfast meal ito sa Mcdo at mainit pa ang pagkain.
"Hmm?" tanong niya at napasulyap sa rosas na inilagay ko sa table. "Nagustuhan mo ba ang roses?"
"Oo, salamat," pasalamat ko.
"Good. Akala ko, hindi mo na tatanggapin," aniya na tila nabunutan ng tinik sa dibdib kaya matamis na nginitian ko siya.
"Walang kasalanan ang bulaklak sa pag-aaway natin, Preenz. Kaya hindi ko sila idadamay," wika ko. Oo na, makakalikasan ako at lahat ng may buhay sa mundong ito, pinapahalagahan ko. Well, maliban na lang sa asawa ni Preenz na kinatay ko. Kailangang magsakripisyo para sa pagkain ng brain cells ko.
"Salamat, Epok."
Hinawakan ko siya sa kanang kamay na nasa ibabaw ng table. "Preenz? Magpa-drug test ka kaya?" suhestiyon ko. Napakagat ako sa ibabang labi para pigilan ang pagtawa nang gumuhit ang apoy ng galit sa mga nata niya pero agad naman itong nawala.
"Hindi ka ba talaga naniniwalang seryoso ako sa pakikipagkaibigan sa 'yo?" malungkot na tanong nito. He's lying. I just know.
"Naniniwala na," sagot ko at pinasigla ang mga mata. "Tapusin ko na ang pagkain dahil maaga pa ang first period namin ngayon," sabi ko at nilantakan ang masarap na pagkain sa harapan ko.
"Kumusta na pala kayo ni Sheena? Bati na kayo?" tanong ko pero hindi naman ako interesado. Natanong ko lang para may pag-usapan kami.
"She's fine. Nag-text at tawag siya sa akin pero hindi ko siya sinasagot," sagot nito. I nodded. Kapag biglang mabait ang kalaban mo, may hidden motive ito. Hindi ako susuko hanggat hindi ko natutuklasan kung ano ito. Sige lang, makipaglaro ako sa kaniya kahit ano pang laro ito, hindi ko siya aatrasan. Ako pa ba? I was born to be a fighter.

---------------------

[Preenz Pov]

"Kumusta na? Naka-first move ka na ba kay Epok?" tanong ni Brent nang tumabi sa akin dito sa classroom.
"Kung alam mo lang," sagot ko. "Kung alam mo lang talaga ang nararamdaman ko."
Tumawa ito. Tawang nakakairita sa tainga. Mali yata na sinunod ko ang suggestion nito. Ako ang nahihirapan e. Kaninang pumipitas ako ng bulaklak sa hardin, nakailang libo na ako ng mura. Nang um-order ako sa Mcdo, pasigaw pa ang pag-order ko sa crew. At nang sumabay itong kumain sa akin, pakiramdam ko nasa inpyerno ako.
Tinapik niya ako sa balikat. "Sa umpisa lang 'yan. Kapag makuha mo na ang loob niya, ikaw rin ang huling hahalakhak," sabi nito kaya siniko ko.
"Oo na! Lumayo ka na nga sa akin!" Pagtataboy ko pero tinawanan lang niya ako.
"Change topic, dude. Secong week of December, mapapasabak na naman tayo sa matinding bakbakan," sabi nito.
"Racing?" tanong ko.
"Oo. Kaya ihanda mo na ang sarili mo. Magagaling ang makakalaban natin," sagot nito.
"Sino?"
"No idea pa, Preenz. Pero balita ko, international racers," sagot nito. "At milyon ang pustahan."
"Paghandaan ko 'yan," determinadong sabi ko.
"Likewise," aniya saka umalis na at lumapit kina Rylan.
Palaging hindi nahuhuli ang team natin sa racing. Sa tuwing may laban, nandoon din kami nina Brent at Rylan. Wala kaming pinapalampas na laban. Kahit nga mga pipitsugin at baguhan, pinapatulan namin. Ang problema lang ay hindi kami nananalo kapah isabak na sa magagaling.
Nang dumating ang teacher, nagsitahimik na ang mga kaklase ko pero ang utak ko ay nasa karera habang nagle-lecture ang guro.
Nang matapos ang klase, lumabas na kami. Biglang tumunog ang bell kaya nagsigawan ang mga estudyante. Napatingin ako sa makakasalubong namin-si Epok. Sumisigaw rin ito pero agad na itinikom ang bibig nang magsalubong ang mga mata namin kaya napangiti ako. Para itong batang nahuli sa masamang gawain.
"Babe!" tawag ni Sheena na papalapit sa amin. Kasama nito si Lily na todo ngiti kay Brent. Kung hindi lang ito umamin, malamang na iisipin kong patay na patay ito kay Brent.
"Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko kagabi?" nagtatampong tanong ni Sheena saka hinalikan ako sa kanang pisngi.
"Tulog na ako," depensa ko.
"Eh, bakit hindi ka nag-reply kaninang umaga?"
"Wala akong load," sagot ko. Lame excuse. Sino ba ang tangang maniwala na wala akong load?
"Nagtatampo ka pa rin ba sa akin?" paglalambing niya saka ipinulupot ang mga kamay sa kanang braso ko.
"May iba na 'yan," biro ni Brent na inakbayan si Lily.
"Hindi 'yan totoo!" pagmamaldita ni Sheena.
"Frieend!" tili ni Epok na palapit sa amin kaya napalingon sina Sheena at Lily sa likuran namin. Himala, naka-hanging blouse pala siya kaya nakikita ang maputing balat nito sa ibabaw ng pusod kapag iangat nito ang mga kamay niya. As usual, nakalugay na naman ang mahabang buhok nito.
"Salamat pala sa breakfast at flowers kanina," pasalamat nito nang tumigil sa tapat ko. Binitiwan ni Sheena ang braso ko saka tumingala sa akin.
"Flowers? Breakfast?" bulalas niya saka nagtatanong ang mga mata.
"Friendly flowers and friendly breakfast. Huwag mo nang seryosohin, we're friends na," sabat ni Epok at matamis na ngumiti sa amin kaya napalunok ako ng laway. Para akong nasa pagitan ng sasabog na bulkan at papaguhong lupa.
"Is it true?" umuusok ang ilong na tanong ni Sheena habang nakataas ang kilay sa akin.
"Yes," sagot ko at iniwas ang mga mata.
"Ipagpalit mo ako sa isang dukha?" singhal ni Sheena. Napaatras ako sa lakas ng pagkakatulak niya sa akin. Ano ba ang dapat kong sabihin? Bawiin ko sa harap nila na friends na kami nitong letseng Impokrita na 'to?
"Grabe ka naman. Ipagpalit kaagad? Friends lang kami. Isa pa, alam kong may mahal na 'yan kaya bawal na," makahulugang sabat ni Epokrita kaya sinaway ko siya gamit ang mga mata ko. Alam ko na kung sino o ano ang tinutukoy nito. Isa na lang talaga at hindi ko na itutuloy ang balak ko sa kaniya.
"Sige, friend. See you later sa home," masiglang paalam ni Epok at hinila na ang kaibigan nito saka nilagpasan kami.
"Ano ang ibig sabihin nu'n, Preenz?" galit na tanong ni Sheena.
"Wala akong panahon para ipaliwanag sa 'yo ang lahat. Kakaibiganin ko ang lahat ng gusto kong kaibiganin," malamig na tugon ko at nilagpasan sila. Kanina, sira lang ang umaga ko pero ngayon, wasak na ang araw ko nang dahil sa kanilang dalawa.

Playing Love With A School HeartthrobTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon