Chapter 27: Arrested

645 29 4
                                    



Hindi ko alam kung saan kami eksaktong dinala ng mga pulis. Basta may opisina, ang daming naka-uniform, ginawan kami ng strip search, nag-conduct ng medical exam sa malapit na ospital habang guwardiyado kami, kinunan kami ng personal info ng arresting officer, tenprints, at mug shots saka kami pinaghiwa-hiwalay para makausap isa-isa.

Pagod na pagod na ang utak ko, pati katawan ko, hindi man lang kami ipinahinga.

"Ano'ng motibo ng pag-kidnap ninyo kay Kyline Chua?" tanong ng lalaking naka-polo na asul at may kaharap na laptop. Sabi nila, siya raw ang desk officer na kakausap sa amin. Pero hindi naman siya abala sa laptop dahil kausap lang ako. Simpleng opisina lang ang pinasukan namin, hindi gaya sa mga pelikula na may malaking salamin at nag-iisang mesa sa gitna.

Marami ngang file cabinet sa gilid at puro papel kahit saan ako lumingon. Parang hindi interrogation room.

"Uulitin ko ang tanong: ano ang motibo n'yo ng barkada mo at bakit n'yo kinidnap si Kyline Chua?" mariin nang tanong ng kumakausap sa akin.

"Wala kaming kini-kidnap," sagot ko, matalim ang tingin sa kanya.

"Nakita sa security footage ng night club na pinanggalingan n'yo ang pagkuha sa kanya. May ebidensiya kami."

"Ang ebidensiya n'yo, hindi malinaw," depensa ko. "Para lang ho maliwanag tayo, nasa night club kami dahil may sinisingil kami roon. Si Kyline, matagal na naming kakilala na pinag-trip-an ng gagong Elton na 'yon."

Wala siyang isinagot. Nag-type lang siya sa laptop saka ako binalikan.

"Ikaw ang rumerenta sa apartment kung saan ninyo itinago ang biktima. Pero nakapangalan 'yon kay Robert Lauchengco. Kaano-ano mo ang mga Lauchengco?"

Ang bigat ng buntonghininga ko saka tinatamad na sumagot. "Barkada ko si Patrick Lauchengco. Dati akong nagtatrabaho para kay Robert Lauchengco."

"Sino ang nag-utos sa inyo para itago si Kyline Chua?"

"Wala ngang nag-utos itago si Kyline! Nandoon siya sa apartment kasi tumakas nga kami sa grupo nina Elton!"

"Bakit kayo tumakas?"

Lalong pinaiinit ng taong 'to ang ulo ko kada tanong. Ibinagsak ko ang kamao ko sa desk at matalim siyang tiningnan. "Ang usapan namin, sa gym ng Purok Siyete kami magkikita para bayaran niya ang utang niya sa 'kin. Otsenta mil 'yon, pamalit sa scholarship stipend ko na naubos dahil sa kanya. Pero pinapunta niya kami sa Parañaque kahit na nasa Tayuman pa kami dumayo. Pagdating doon sa night club na sinasabi n'yo, hinarang kami ng mga bouncer kahit na gusto na naming lumabas. Dinala nila kami sa stag party ni Duke Gallego. Tinutukan nila kami ng baril, kami ng barkada ko. Kung hindi namin kilala si Kyline, hindi namin siya ilalabas sa club na 'yon. Kahit tanungin n'yo pa siya, wala kaming kini-kidnap!"

Ang dami nilang tanong. Paulit-ulit sila, naririndi ako. Pinagpipilitan nilang kidnap victim si Kyline.

Ayoko sa opisinang 'yon. Bumabalik ang lahat ng anxiety ko noong unang beses akong tinanong kung bakit iba ang apelyido ng nanay ko.

Ang tagal ko sa loob. Kahit gusto kong matulog, hindi ako makatulog. Kada ingay sa labas, nagigising ako.

Ilang oras din bago ako ilabas sa opisinang 'yon, pero sa isang iglap, mas ginusto ko pang manatili na lang sa loob kaysa makita ang lahat ng mga naroon sa labas.

"Leo!" Nagmamadaling lumapit sa akin si Mama na umiiyak. Pagyakap niya sa akin, kusa nang umapaw ang luha ko at nayakap ko na lang siya gawa ng takot.

"Ma . . ."

"What happened, anak?" tanong niya habang sapo-sapo ang mukha ko mula sa pagkakatingala. Basang-basa ang mukha niya ng luha at mugtong-mugto ang mga mata niya. "Ano 'yong sinasabi nilang may kinidnap kayo?"

ABS #3: Leopold ScottTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon