Malakas talaga ang topak n'on ni Belinda. Kung wala lang siya rito, doon talaga ako sa kuwarto ni Kyline matutulog, e.Magkatapat lang kami ng kuwarto ni Ky. Itong room ko, kuwarto raw talaga 'to ng baby brother niyang si Eugene sana kung hindi lang naghiwalay sina Sir Adrian at Belinda.
Ang laking hiwaga talaga sa 'kin kung ano ang natipuhan ni Sir Adrian sa mama ni Kyline. Kung katawan saka itsura saka angas, hindi ko na papalagan. May karapatan naman kahit paano si Belinda. Kaso halimaw kasi. Sa ugali pa rin talaga magkakatalo.
Ito namang si Belinda, malay ko rin kung ano ang natipuhan kay Sir Adrian. Siguro kasi mayaman ang mga Chua, pero duda ako. Kasi kung pera-pera lang, e di sana, hindi sila naghiwalay. Mukha pa namang kagalang-galang si Sir Adrian. Ka-vibe ni Tita Liz. E, parang kahit yata langaw, hindi niya kayang pumatay. Tapos nag-asawa siya ng mahilig sa baril.
Pero gaya nga ng kuwento ni Manang, delikado nga raw kasi ang trabaho ni Belinda kaya naghiwalay na lang. At kung ikokompara kina Daddy at Mama, pareho naman nang hiwalay ang parents namin ni Kyline. Pero kita pa rin namin na naghiwalay nang maayos sina Sir Adrian kasi kaya pa rin nilang magsama sa iisang lugar nang hindi nagpaplastikan.
May nursery na si Eugene sa kabilang kuwarto. Ibig sabihin, dito nga talaga muna ang anak namin ni Kyline. At ibig sabihin din n'on, wala pa akong nakahandang lugar kung sakaling palayasin na ako rito ni Belinda.
Pero inaayos na raw ni Clark ang papeles sa bahay ko, at sana maayos na agad. Ayoko ng manganganak si Ky tapos ang problema ko na e, kung saan kami titirang pamilya maliban dito sa kanila.
Pagbalik ko sa kuwarto, nag-set up na ako ng study table at nagbukas ng video call. Kung hindi lang atribida ang mama ni Kyline, doon ako sa kuwarto ni Ky mag-aaral ngayon hanggang makatulog ako.
Kapag ganito na ang ginagawa ko, hindi na ako masyadong kinukulit ni Kyline. Bukas lang ang video call, walang nagsasalita sa aming dalawa.
Nagbabasa ako ng libro at ilang manual. Siya naman, novel book ang binabasa. Madalas, ganito lang kami, lalo kapag nasa school ako. Siguro nga, boring ang ganoon. Sabi ni Patrick, boring nga raw ang setup namin ni Kyline. Pero hindi naman siguro namin kailangang mag-usap minu-minuto. Ang gusto ko lang, kapag may kailangan siya, kahit nasa malayo ako, at least, may matatawag agad siya.
Tinapos ko lang ang review ko. Huling silip sa phone, tulog na si Kyline, pero nakahiga naman siya kaya ayos lang.
Malapit na siyang manganak. Hanggang ngayon, wala pa rin akong matinong plano. Ayoko sanang maglabas ng malaking halaga ng pera, ang kaso, mukhang mapapasubo ako.
♥♥♥
Tuwing madaling-araw, lumalabas talaga ako para mag-jogging. Nagpaalam naman na raw si Manang kay Belinda kaya nga kampante akong lumabas kasi alas-singko pa lang, nagbukas na ng gate si Manang.
Ang isa sa gusto ko rito sa private subdivision, hindi nakakatakot lumabas kahit madilim pa. Doon kasi noon sa boarding house, basta madilim, dapat alerto ka palagi. Nasa Maynila pa naman ako noon. Kapag naabutan ka ng dilim at tanga-tanga ka pa, bibiktimahin ka talaga ng mga holdaper.
Alas-singko, naka-T-shirt, jogging shorts, at running shoes ako lagi tuwing lumalabas. Mula kina Kyline, iikot ako sa limang block. Twenty-minute jogging papuntang bakery sa may entrance ng subdivision, at twenty minutes pabalik.
Sabi ni Rico, maganda raw ang malunggay sa naggagatas kaya paborito ni Kyline ang malunggay pandesal. Hindi malaki ang bakery na nagtitinda nito. Nasa bahay lang din at may maliit na bintana kung saan kukuha ng order. Bukas sila mula alas-singko hanggang alas-diyes ng umaga. Then sarado na sa natitirang oras ng araw.
BINABASA MO ANG
ABS #3: Leopold Scott
RomanceWARNING: With mature and sensitive content. Read at your own risk. Alabang Boys Series #3 Leopold Scott came from a dysfunctional family, and creating one for himself was never in his future plans. However, meeting Kyline Chua is like confronting hi...