Chapter 58: Giving Up

774 42 2
                                    



"Ky, kaunti na lang 'to," mahinahong sabi ko habang tinututok sa bibig niya ang kutsara ng oatmeal na hindi niya maubos-ubos.

Itinulak niya ang kamay ko palayo saka iniwas ang tingin sa akin.

Tinitigan ko ang buong mukha niya. Walang kabuhay-buhay ang tingin niya. Parang laging nakatulala sa kawalan. Nagbibitak na rin ang labi niya kaya nilalagyan na lang namin ng lip balm. Hindi rin kasi siya madalas uminom ng tubig. Kung hindi siya nagbabasag ng baso, tinutulak niya lahat. Yung gamot niya saka vitamins, kailangan pang ihalo sa pagkain o kaya itago sa gatas para lang inumin niya.

"Hindi na naman inubos?" tanong ni Manang pagbaba ko sa kitchen. Tango lang ang naisagot ko saka sinalinan ng bagong tubig ang tumbler ni Kyline. Ngayon, naka-straw na ang tubig niya para lang mainom niya kahit paano.

"Anak, kung nahihirapan ka, puwede ka naman munang magpahinga. Kaya na namin 'to," paalala ni Manang na halos araw-araw ko nang naririnig. Tinatapik pa niya ang kamay ko habang nakikiusap sa akin.

"Manang, kahit gusto kong magpahinga, hindi kaya ng utak ko," naluluhang pag-amin ko sa kanya. "Makakapagpahinga lang ho siguro ako kapag okay na si Ky." Saglit ko siyang niyakap at tinapik sa likod. "Salamat ho sa pag-aalala. Babalik na ho ako sa itaas."

Pangalawang linggo na ganito kami ni Kyline. Balisa siya, pagod ang buong sistema ko. Hindi ko kayang pagsabayin ang pag-aalaga sa kanila ni Eugene.

Pagbalik ko sa nursery room, nandoon si Gina nakabantay kasi busy si Belinda sa stock room.

Tulog si Kyline pero nagbe-breastfeed. Nakasandal sa pinagpatong-patong na unan.

Inayos ko muna ang paglalapagan kay Eugene sa crib para pagkatapos doon ni Kyline, makakatulog na ulit siya sa folding mattress na nakalatag sa tabi ng crib ng baby.

"Kung nahihirapan ka na, puwede mo nang iwan si Belle," parinig ni Gina habang nagsasalansan ako ng unan.

Tinapos ko ang pag-aayos sa crib saka ko hinarap si Gina na naka-de-kuwatro sa tabi ng pintuan.

"Ganoon lang ba kadaling iwan si Ky? Na kapag napagod ako, aalis lang ako rito tapos okay na?" tanong ko.

"Marami namang gumagawa n'on, walang bilang ang gagawin mo," walang emosyong sagot ni Gina.

"Maraming gumagawa, pero tama ba? Na aalis ka na lang bigla kasi pagod ka na? Na iiwan mo na lang ang mag-ina mo kasi sawa ka nang mag-alaga?"

Hindi niya ako nasagot. Nilapitan ko na si Kyline at inalalayan ang likod niya. Ang bigat ng katawan niya kaya alam kong tulog nga. Inalis ko ang ilang unan doon saka ako ang pumalit para maging sandalan niya. Inalalayan ko ng kaliwang braso ang mga braso niya para hindi bumagsak si Eugene sa pagkakakarga.

Walang ibang suot si Kyline kundi malaking shawl lang panakip sa katawan. Walang shirt, walang shorts. Naka-adult diaper lang din siya kasi kapag hindi, hindi siya nakakaabot sa toilet. Talagang magkakalat siya.

Hindi ganitong buhay ang ine-expect ko kasama siya. Kasi ang inaasahan ko, pagkapanganak niya, okay na ulit. Mag-aaral ako, mag-aalaga siya ng baby, tapos magtatrabaho ako after graduation.

Pero ang layo. Hindi pala umiikot ang buhay sa dahil may pera kayo, okay na. Dahil may bahay at may panggastos kayo, okay na.

Sinasabi ko sa sarili ko, hindi ito ang buhay na ginusto ko. Ni sa hinagap, hindi ko pinangarap pagurin ang sarili ko sa pag-aalaga ng babaeng kulang na lang, isuka ako tuwing inaasikaso ko.

Siguro kung makikita ako ng seventeen-year-old self ko, baka pagtawanan ako n'on kasi ipinagsisiksikan ko ngayon ang sarili ko sa babaeng iniiwasan ko pa nga sa hallway noon.

ABS #3: Leopold ScottTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon