Chapter 52: Command

840 42 6
                                    


Mula pa naman noon, ang dami nang nagkakagusto kay Kyline. Sabi nga ni Will, wala nang espesyal kung magustuhan ko pa siya. Pero iba lang din kasi siguro ang kaso ko kompara sa ibang lalaki kasi bago kami mapunta ni Kyline sa sitwasyong 'to, magkakilala na kami noon pa man.

Marami raw siyang ibinigay sa aking regalo noong ini-stalk pa niya ako. Ang kaso, wala akong naitabi ni isa sa mga 'yon.

Una, iniiwan ko lahat sa office noong high school pa lang kami. Ayokong nag-uuwi ng kung ano-ano kasi kalat lang 'yon sa kuwarto.

Pangalawa, wala akong permanenteng bahay noong nag-college na ako. Ayoko rin na ang daming kalat sa boarding house kasi hindi malaki ang tinitirhan ko, plus! Yung barkada kong mga pakialamerong likas, hindi rin makapagtimpi ang kamay.

Kaya nga ang unang regalong tinanggap ko galing kay Kyline, hindi ko talaga hinuhubad maliban kung maliligo at kailangan kong maghilod ng katawan.

Sabi kasi niya, hindi ko raw pinapansin ang regalo ko sa kanya. Ayokong magtampo 'to kasi baka sa susunod, hindi na "I can live without you" ang sabihin sa 'kin.

May swimming ulit kami at bihira na lang siyang magreklamong may masakit sa kanya. Sabi niya, meron pa rin naman daw contractions pero nasanay na rin yata siya sa sakit, kaya na niyang tiisin.

Maagang lumayas sina Belinda at nagpapasalamat ako na hindi sila kasabay sa exercise namin.

Napapaisip pa rin naman ako sa balita ni Clark tungkol kay Elton, pero sa isang banda, kinakabahan pa rin ako para sa amin—o para kay Kyline. Kasi kilala ni Ky ang mga naglaglag kay Elton at kami, hindi.

Ayoko nang mag-alala kung ano na ang kahihinatnan namin kina Elton kasi karma na ang umayos ng lahat para sa amin. Hindi ko na rin kailangang matakot para sa baby namin ni Kyline kasi sure nang hindi na kami babalikan ng barkada ng mga tarantadong 'yon.

Nasa gitna ulit kami ng pool, nakatingin lang ako kay Kyline. Malapit nang lumabas ang baby namin, kaunting panahon na lang.

Ang ganda ng araw at ang lamig na rin ng daan ng hangin sa amin. Wala nga masyadong ulap, at ganitong mga araw ang gustong-gusto ko kasi ang sarap magkape habang nakatanaw sa malayo.

Nakatingala si Kyline sa langit at saka ko nakitang may dumaraang eroplano sa itaas namin.

"Flight attendant na sana ako ngayon . . ." mahinang sabi niya habang nakasunod ang mata sa eroplano. "Tatlo ang offer sa akin last December . . . na-decline lahat after February . . . wala nang nakabalik na response sa akin after graduation . . ."

Kitang-kita ko sa mga mata niya ang panghihinayang.

Ayokong sisihin ang sarili ko kaya ganito ang nangyari. Ayoko ring sisihin siya kaya siya napunta sa ganitong sitwasyon. Mahirap na ring manisi kasi may mali rin kaming lahat maliban pa kina Elton na wala na ring sense sisihin kung nakabaon na ang mga 'yon sa ilalim ng lupa.

"Kapag malaki-laki na si Eugene, magtatrabaho ako nang mabuti. Baka pumasok ako sa business ni Daddy kahit office clerk lang muna. Saka ako mag-iipon para kahit hindi ako natuloy as FA, madadala ko si Eugene sa lahat ng favorite place ko abroad."

Madadala niya si Eugene . . . abroad. Habang ako, ilag na ilag sa airport kasi takot maharang sa immigration.

Ibig sabihin . . . may balak talaga siyang umalis kasama ang anak namin?

"Bumibiyahe ka ba abroad?" tanong niya.

"Hindi," sagot ko habang nakatitig sa kanya nang mabuti, maramdaman man lang niya na hindi ako komportable sa usapan.

ABS #3: Leopold ScottTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon