Noong nakita ko si Kyline sa may Roxas Boulevard, hinanap ko ang galit na naramdaman ko noong nakita ko siyang may kahalikang iba.
Pero hindi ko na iyon naramdaman. Wala nang kahit na ano.
Ang mismong pakiramdam ding iyon ang nagtulak sa aking dalawin si Mama sa bahay namin dati—kahit pa halos isumpa ko na ang bahay na iyon dahil parang namantsahan na ng kung anong dumi na kahit kailan, hindi na maaalis kahit anong linis pa ng mga housekeeper.
Hapon isang Sabado noong December, pinaka-Christmas gift ko na siguro ang pag-uwi sa bahay kahit pa second week pa lang ng buwan.
Mahigit tatlong taon din akong hindi umuwi. Walang ipinagbago ang bahay. Pintura lang siguro sa labas ang pinatungan ng bagong pintura na kulay cream kaya mukhang bago. Pero ang loob, walang ipinagbago. Tahimik pa rin, pero dama kong may bahagi ng bahay na mabigat nang tapakan.
Three years at nagbabalik na ang prodigal son ng mga Scott.
"Leo!" nagulat na sigaw ni Ate Jovy nang masalubong ko sa hallway papuntang dining area. May dala pa ngang walis tambo na nakaipit sa kilikili niya.
Tatlong taon. Siya pa rin pala ang nandito tuwing weekend. Kuwarenta siya noong huling kita ko sa kanya pero mukhang mas tumanda pa siya sa itsura nang higit sa tatlong taon ngayon.
"Bukas ba ang gate?" tanong niya at sinundan na ako.
Umiling ako. "Susi," sabi ko na lang.
Nakasara kasi ang parehong gate, 'yong single at double door, at dating susi ang ginamit ko para makapasok sa single gate.
"Diyos ko, Leo, saan ka ba galing?" mahina nang tanong ni Ate Jovy na nakasunod pa rin. "Alalang-alala si mama mo sa 'yo."
"Nandito ba si Mama?"
"Sakto, lunch niya. Nasa dining."
Mabuti naman. Isinakto ko talaga sa tanghalian kasi malamang na wala siya sa umaga, at ayokong may makita na namang hindi ko gusto sa gabi.
"May kasama ba siya?" tanong ko.
"Wala. Mag-isa lang. Hindi na umuuwi ang daddy mo rito. Huwag mo na ring hanapin."
"Hiwalay na ba sila?"
"Nilalakad na ng daddy mo ang annulment. Himala ngang napapayag si ma'am."
"May boyfriend na bang bago si Mama?"
"Ay . . . iyan ang hindi ko na sigurado. May tumatawag at nagpapadala ng bulaklak dito sa kanya, pero nahinto na rin noong nakaraang taon."
Saglit akong tumigil sa entrance ng dining area nang makita si Mama, nakatalikod sa direksiyon ko, kumakaing mag-isa sa ten-seater table kung nasaan siya.
"Ma'am—"
Nagtaas ako ng kaliwang kamay para pigilan si Ate Jovy sa pagtawag kay Mama.
Lumapit na ako sa mesa at naupo sa dati kong puwesto.
Mabilis na humabol si Ate Jovy at pumuwesto sa likod ni Mama, mag-aabang yata ng pautos.
Nanlaki ang mga mata ni Mama pagkakita sa akin at naibagsak pa ang hawak na kutsara.
"Leo . . . anak."
Saglit siyang tumingin sa pagkain, sunod sa likod, kay Ate Jovy, at ibinalik sa akin ang tingin. Gulong-gulo sa uunahin. Parang maiiyak pa.
Aminado akong madalas magpa-botox si Mama kaya walang ipinagbago ang mukha niya. Pero siguradong may nagbago sa katawan dahil pumayat siya. Kitang-kita na ang collarbone niya at buto sa kamay.
BINABASA MO ANG
ABS #3: Leopold Scott
RomanceWARNING: With mature and sensitive content. Read at your own risk. Alabang Boys Series #3 Leopold Scott came from a dysfunctional family, and creating one for himself was never in his future plans. However, meeting Kyline Chua is like confronting hi...