Chapter 45: Bravado

801 43 8
                                    



Bihira ang kompletong tulog ko kada araw. Tinanggap ko na 'yon noong magbuntis si Kyline at tumira ako sa kanila.

Alas-dose hanggang alas-dos ng madaling-araw, nakabantay ako kasi umiiyak si Kyline nang ganitong oras. Alas-singko ng umaga, babangon na agad ako para mag-jogging kasi ganitong time, mahimbing na ang tulog ni Ky. Nakakahiga na siya nang lapat sa kama basta maraming unan na nakasangkal sa katawan niya. Kada umaga, nagja-jogging ako kahit madilim pa. Iikutin ko ang buong subdivision at saka ako bibili ng pandesal sa maliit na bakery malapit sa highway. Favorite ito ni Kyline, lalo kapag may butter saka isinasabay niya sa oatmeal at gatas.

Dinaraanan ko rin minsan ang bahay ni Mama roon para sumilip, pero madalas na sarado pa nang ganoong oras ang gate kasi tanghali naman ang pasok ni Mama. Wala siyang idea na nandito ako malapit sa kanya. Ayoko ring sabihin kasi baka magpanagpo sila nitong mama ni Kyline.

Ang kaso, ngayong umaga, hindi ako makakapag-jogging kasi ayokong mapag-initan na naman umagang-umaga. Magbubukas kasi ng gate, baka isipin, may akyat-bahay. May baril pa naman ang may-ari nito, baka mula sa second floor, barilin ako bigla.

At dahil hindi ako makakalabas, maaga pa lang, inihanda ko na ang mga gagamitin ni Kyline. Madalas, nauuna muna kaming kumain bago ko siya paliguan lalo kung mag-e-exercise muna kami.

Natutulog pa siya nang matapos ako. Wala pang alas-sais ng umaga. Kaya nga nakapagbihis pa ako ng gray hoodie, running shorts, at running shoes pagbalik ko sa kuwarto niya.

Eksakto, kababangon lang niya at sinusunod na ang stretching na suggestion sa kanya ni Will.

"Good morning, Leo!" bati niya sa 'kin, ang lapad ng ngiti.

Hindi ako nagsalita. Isinampay ko lang ang hawak kong face towel sa balikat at pumuwesto sa likuran niya. "Hindi sumakit ang tiyan mo?" tanong ko at marahan siyang hinalikan sa sentido.

"Hindi po," sagot niya saka ako tiningala nang nakangiti. "Kakain na tayo?"

"Hindi ako nakabili ng pandesal mo. Ayokong lumabas nang madaling-araw, baka hulihin ako ng mommy mo sa gate."

"Ay . . ." Napanguso siya at dismayadong yumuko.

"Kakausapin ko muna para bukas mabibilhan na ulit kita."

"Sige . . ."

Mukhang dismayado nga, ang baba ng boses. Kinuha ko na lang ang bihisan niya para mag-exercise muna kami bago kumain.

Tumapat na ako sa kanya at kinuha ang laylayan ng evening dress niya para mahubad.

"Leo . . ."

"Ano?"

Pag-alis ko ng dress niya, ang lapad ng ngiti niya sa 'kin.

"Ano nga?" ulit ko pa.

"Kiss mo 'ko."

Tinaasan ko lang siya ng kilay kahit na gusto kong matawa. "At bakit?"

"Kiss lang," pagpilit niya, nagtatampo pa.

"Saka na. Kapag kasal na tayo."

"Matagal pa 'yon, e."

"E, di pumayag ka na para hindi matagal."

"Kiss lang? Kahit para kay Eugene?"

Napatitig ako sa kanya. Nakikiusap nga, nangungulit na naman.

"Fine," sabi ko at yumuko. Hinalikan ko ang umbok sa tiyan niya saka ako tumayo nang deretso. "Ayan, may kiss ka na saka si Eugene."

Napasimangot agad siya habang naiiritang nakatingin sa akin.

Yung mukha ni Kyline kapag naiirita, parang cute na tutang naliligaw ng bahay. Hindi nagma-match ang reaction sa situation.

ABS #3: Leopold ScottTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon