Nasa first year high school pa lamang ako nang malaman ko na hindi ako isang ganap na lalaki. May mga pagkakataon kasi na nagkakaroon ako ng ibang pagtingin sa mga kapwa ko lalaki at ganun din naman sa mga babae. Noong una ay hindi ko alam na bisexual pala ang tawag sa ganitong sitwasyon. Mahirap unawain sa una ngunit sa pagdaan ng mga panahon ay lubos kong naintindihan ang aking kalagayan. Sa tulong na rin ng mga napapanood at nababasa ko, lalu kong naintindihan ang mga bagay tungkol sa pagiging bi.Sa kabila ng pagkakaunawa ko sa pagiging bisexual ko, hindi pa rin ako nagkaroon ng pagkakataon na makipagrelasyon sa kapwa ko lalaki. Sa madaling salita, hanggang tingin lang ang aking ginagawa kaya't batid ko ang hirap ng ganitong sitwasyon. Maraming pagkakataon na ring tinangka kong magpakita ng motibo sa isang lalaki ngunit nauunahan ako ng kaba. Takot kasi akong malaman ng lahat, lalu na ng aking pamilya, na ako ay isang bi. Darating siguro ang pagkakataon na masasabi ko rin sa kanila ngunit sa panahong ito ay hindi pa ako handa.
Ngayong nasa third year college na ako ay tago pa rin ang aking tunay na pagkatao ngunit ipinangako ko sa aking sarili na bago ko matapos ang aking kursong BSIT ay sasabihin ko sa kanila ang totoo. Alam ko naman kasi na hindi sila mahihirapang tanggapin ito dahil alam kong maunawain sa mga ganitong bagay ang aking pamilya. Sa mga pagkakataon kasing nakikipag-inuman ang aking tatay sa mga kumpare at kaibigan nya ay napupunta ang kanilang usapan sa mga anak na bakla. Mayroon kasing kaibigan ang tatay ko na may anak na bakla, yung lantaran kung tawagin. Hindi ito ikinahihiya ng kaibigan nya at kapag nagtutuksuhan na sila na baka daw isa sa mga anak nila ay bakla, naririnig kong sinasabi ng tatay ko na wala namang kaso sa kanya yun. Sabi pa nya, kung saan daw magiging masaya ang anak nya ay hindi nya ito hahadlangan.Apat kasi kaming magkakapatid, dalawang lalake at dalawang babae. Ang kuya ko ay nagtatrabaho sa isang ospital dahil isa syang medical technologist at ang dalawa kong nakababatang kapatid na babae ay kapwa nasa high school pa lamang. Ang aking mga magulang naman ay may maliit na karinderya sa may kanto malapit sa amin na pareho nilang pinagtutulungang asikasuhin. Doon kasi madalas kumain ang mga taxi at tricycle drivers kaya medyo maganda naman ang kinikita nila.
Ako naman, si Albert, sa edad na 19 ay tumatanggap ng mga typing jobs upang makatulong din sa aking pag-aaral. Mayroon kasi akong sarili kong PC na nasa kwarto na aking inuupahan malapit sa aking pinapasukang unibersidad. Kaya pagkatapos ng aking pasok ay ginagawa ko ang aking mga natanggap na typing jobs para kahit paano ay may pandagdag ako sa aking allowance. Minsan naman ay inuuwi ko ang mga trabaho ko at hinihiram ko na lang ang computer na ibinigay naman ng kuya ko para sa dalawa kong kapatid na babae. Lingguhan kasi ako kung umuwi dahil malayo ang aming bahay sa aking pinapasukan at isa pa ay ma-trapik papunta doon. Ito ang dahilan kung bakit napagdesisyunan kong mangupahan ng isang maliit na kwarto.
Isang umaga nang papasok na ako ng paaralan ay nakita ko na namang naglalaro ng basketball ang mga kalalakihan sa lugar kung saan ako nangungupahan. Napansin ko kaagad ang isang bagong mukha sa kanila dahil sa tatlong taon ko na doon ay halos kilala ko na ang mga tao. Hindi ko maiwasang mapatitig sa bago nilang kalaro dahil ang tangkad nya at ang ganda ng katawan. Kung tutuusin ay kamukha nga nya si James Yap. Ewan ko ba pero kapag tipong tindig at katawang pam-basketbolista ay napapahanga agad ako. Ganung tipo kasi ng lalaki ang pinagpapantasyahan ko.
Natapos ang araw na iyon at umuwi ako ng bahay upang makapagpahinga. PE kasi ang last period namin kapag Biyernes kung kaya't pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Naligo ako at humiga saglit upang ma-relax ng kaunti. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako at gabi na nang ako'y magising. Nakaligtaan ko tuloy na wala pala akong kakainin para sa hapunan. Alam kong sa mga ganoong oras ay sarado na ang mga karinderya sa lugar na iyon kaya sinubukan kong magpunta sa tindahan at bumili na lamang ng kahit anong makakain.