‘Yon na nga ang pinakamasayang bakasyon na nangyari sa buhay ko. Wala na akong mahihiling pa. Makasama ko lang si Jake ay sapat na. Hindi pala sapat, lubos-lubos na kasiyahan.
Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga araw na ‘yon. Masaya kong babaunin sa isipan ko ang mga ito kapag nasa ibang bansa na ako. May bahaging nalulungkot ako dahil muli ko na namang iiwan si Jake. Pero hindi na ito kasing lungkot ng una kong pag-alis. Dahil alam kong may Jake na maghihintay sa akin. May Jake na sasalubungin ako ng matatamis na ngiti at maiinit na yakap kapag umuwi akong muli. May Jake akong babalikan na umaasam ng pagmamahal ko.
Alam kong maganda ang naging resulta ng pagbakasyon namin sa probinsiya. Marami kaming nalaman sa isa’t isa patungkol sa mga nararamdaman namin at alam kong panghahawakan ng bawat-isa sa amin ang pagmamahalan na ‘yon. Kung masaya kami noon, mas triple ang sayang nararamdaman namin ngayon. Hindi lang talaga maiwasan na nagkakailangan minsan, nakakapanibago kasi ang status namin ngayon.
Hindi ko na nararamdamang magbibisyo pa ulit si Jake at ipinangako niya din sa akin na hindi na siya muling gagawa nun. May tiwala ako sa mga sinasabi niya, kahit kalian kasi hindi ako nagawang pagsinungalingan ni Jake. Kung magsisinungaling man siya ay ‘yong mga maliliit na bagay lang o biro lang. Pero sa mga seryosong bagay, kalian ma’y hindi nagsinungaling si Jake. Ikinapanatag ng loob ko ‘yon. Tanging masasayang alaala na lang talaga ang babaunin ko sa pag-alis ko at hindi puro pag-alala.
Minsan ay nagigising pa din siya na parang laging may kaaway. Pero minimal na lang, hindi na kagaya ng dati na parang lagi siyang binabangungot. Nakatulong din siguro ang pagyakap ko sa kanya sa tuwing ginigising ko siya. Ramdam ko kasing napapanatag ang loob niya pag nalalaman niyang nasa tabi niya lang akong nakayakap sa kanya at handang protektahan siya sa kahit kanino man.
‘Yong Joyce na ipinakilala niya noon sa may bar. Wala na din sila nun. Hindi niya naman daw mahal yun. Predicted ko na ‘yon dahil kilala ko nga si Jake sa pagiging babaero. Hindi pala predict, expected pala, para lang kasi itong life cycle na alam ko na ang kahahantungan.
Naalala ko nga noon na sa tuwing may ipapakilala siyang GF niya (kuno) ay sinasabihan ko siya nang paulit-ulit.
“Kung may ipapakilala kang GF mo sa akin, siguraduhin mong yun na ang mapapangasawa mo”.
Nasanay na akong parang nagpapalit lang siya ng damit kung magpalit ng girlfriends. Hindi ko naman siya mapagsabihan na masama ‘yong ginagawa niyang ganun dahil naging ugali ko din yan noon, mas malala nga lang siya. Lol
Ilang araw na lang ay flight ko na. Kaya lahat ng oras, gusto kong makasama si Jake o makakwentuhan. Gumigising nga kami ng madaling araw para lang mag jogging at magkwentuhan. Sinusulit talaga namin ang bawat oras na magkasama kami.
“Malapit na akong umalis…… huwag kang malulungkot.” May kasamang hingal na sambit ko.
Nagja-jogging kasi kami nun sa may park sa lugar namin.
“Malulungkot siyempre.. Pero okay lang sa akin, kailangan mo din kasi yan. ..” hingal din siya. “Basta, hihintayin kita kuya.” Nakangiti niyang sagot sa akin.
Nalulungkot man ay napangiti na din ako dahil sa sinabi niya. Naisip ko tuloy na sana mabilis na lumipas ang panahon habang hindi kami magkasama, para dumating kaagad ang araw ng muli naming pagkikita. Hindi pa man ay namimiss ko na siya kaagad.
“Huwag mo akong ipagpapalit! Yayariin kita.” Banta ko sa kanya.
“Hindi kuya ah! Hindi naman ako nagkakagusto sa ibang lalake… Sa iyo lang kaya ako... Ikaw lang kasi ang laman nito eh.” Sinabayan ng ngiting maiinis ka dahil hindi mo kayang hindi kiligin habang nakalagay ang kamao sa dibdib niya.