Special Chapter ♡4

110 3 0
                                    

Special Chapter ♡4

Eight years ago...

Dear Pepe,

Naisip kong gawin ang sulat na ito para sa 'yo kasi gusto ko, sa pamamagitan nito, hindi mo makalimutan kung gaano ako ka-thankful na nakilala kita at lalong-lalo na na naging kaibigan kita. Kaya ko namang sabihin sa 'yo ng harapan ang bagay na ito pero baka kasi pangunahan na naman ako ng hiya at baka mautal lang ako kapag sasabihin ko na sa 'yo ang lahat ng 'to.

Gusto kong sabihin sa 'yo na salamat dahil kahit kailan, mula nang makilala kita, hindi mo talaga ako iniwan, pinabayaan at isa ka rin sa mga tao na patuloy na nagbibigay sa akin ng kalakasan. Siguro kung malalaman ng iba na kung bakit ganito na lang kita pahalagahan sa buhay ko, hindi nila maiintindihan kasi ako lang mismo ang nakakaintindi ng halaga mo sa buhay ko. At saka isa pa, wala rin naman silang alam sa buhay ko kaya bakit pa nga ba nila ako iintindihin. Pero ang pinaka-ipinagpapasalamat ko sa 'yo ay dahil ikaw lang ang natatanging tao na nagpumilit na pumasok sa buhay ko at umintindi sa mga kahinaan ko.

Bigla ko tuloy naalala noong unang beses tayong nagkita roon sa orphanage. Alam mo ba ang tingin ko sa 'yo noong araw na 'yon? Isang taong mahangin at napakalaki ng tiwala sa sarili. Kasi naman, ikaw lang ang bukod tanging tao na naglakas-loob na lumapit sa akin para kausapin ako ng maayos at para makipagkilala sa akin. Wala kasi talagang ni isa na nangahas na gumawa sa akin noon, kahit sino sa paligid ko. Oo, lalapit sila sa akin, pero para i-bully lang ako. Akala ko nga rin 'yon ang gagawin mo sa akin noong araw na 'yon, eh. Pero mali ako, at hindi ko talaga inaasahan ang paglapit mo na 'yon. Akala ko katulad ka rin ng iba, but you prove me wrong kaya ganoon na rin kita pahalagahan sa buhay ko ngayon dahil iba ka sa kanila.

Sa lahat ng naging bago sa buhay ko, ikaw ang nagdulot. Ang pagkakaroon ng isang kaibigan, pagbibigay sa akin ng importance maliban kina Kuya, Mother Superior, at nina Manang Rosy. Pagbibigay sa akin ng lakas ng loob sa lahat ng bagay na kinatatakutan kong gawin noon. Ang pagpapalabas mo ng mga ugali ko na hindi ko nagagawa sa iba, na sa 'yo ko lang naipapakita. Kasama ko sa pangarap ko, at tandaan mo rin, lagi mo lang din akong kasama sa mga pangarap mo. At ang lahat ng 'yon ay patunay para pasalamatan kita ng sobra, kayo nina Mother Superior. Siguro kung hindi na ako nagpasya na bumalik ulit sa orphanage noong araw na unang beses akong nakapunta roon at unang beses kitang nakilala, siguro hindi ako magkakaroon ng chance na magkaroon ng isang kaibigan na tulad mo.

Naaalala ko rin 'yong araw na nagparinig ako sa 'yo na "dito kaya, sino ang magbibigay sa aking ng nickname?" dahil lahat kayo sa orphanage may kaniya-kaniyang nicknames, na pati nga si Kuya binigyan niyo. Magkasama tayo noon at kaagad mo nga akong binigyan. Nainis naman ako noong una dahil sa dami ng ibibigay mo sa akin, "Ale" pa ang naisip mo. Nakakainis ka pa n'on dahil tinatawanan mo pa talaga ako! Pero tinanggap ko na lang din dahil hindi naman din nalalayo ang bansag na 'yon sa akin, mukha naman talaga akong ale, pero iginiit mo na hindi, dahil ang sabi mo, pinaiksi mo lang ang pangalan kong Alezandra. Pero gumanti pa rin ako sa 'yo, inisipan din kita ng isang pangalan na pang-lolo at malayo sa 'yo, "Pepe" ang ibinigay ko sa 'yong palayaw dahil nang rumehistro pa lang 'yon sa isip ko, natawa na ko. Pero hindi ko akalain na se-seryosohin mo 'yon, napangiti ka pa imbes na matawa. Sinabi mo pa na "Aba, okay, ah! Bagay ang naisip natin. 'Pepe ni Ale'. Ang gandang pakinggan!" wika mo pa. Sinabi mo sa akin na dapat ikaw lang ang tatawag sa akin ng Ale, at ako lang din ang tatawag sa 'yo ng Pepe. Kaya simula noon, 'yon na ang naging tawagan natin.

Masasabi ko na ang laki ng naging dulot mo sa mga naging pagbabago ko. Ikaw na ang naging karamay at lakas ko sa mga takot at pangamba ko. Ikaw ang naging dahilan ng mga ngiti ko noong mga panahon na malungkot ako dahil kina Mama. Nagtatampo na nga rin si Kuya sa akin dahil hindi na raw siya ang laging nagiging dahilan ng ngiti ko. Ang OA niya talaga 'no?

Missing PieceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon