Chapter 47

16.6K 282 4
                                        


Nakaayos na ako. Handa na akong umalis.

Bago ako lumabas ng bahay ay pinuntahan ko muna ang anak ko, na ang himbing na ng tulog.

Hinalikan ko siya sa pisngi at hinaplos ang maliliit na mga kamay niya.

May luhang pumatak sa pisngi ko pero agad ko rin namang pinunasan iyon.

Mahina kong sinarado ang pinto ng kwarto niya saka malungkot na bumaba ng hagdan.

Paglabas ko ng bahay ay naghihintay na ang apat na guards na makakasama kong lumabas.

Pinagbuksan nila ako ng pinto ng kotse kaya pumasok ako at umupo sa loob. Sumakay na rin iyong dalawang guards sa harap saka ang dalawa naman ay nakasakay sa kotse sa likod namin.

Sa mall na ako nagpahatid. Malapit lang ito sa bahay namin.

Inaliw ko muna ang sarili ko sa pamamasyal dito sa mall at bumili ng ilang mga gamit para hindi sila magduda.

Makalipas ang dalawang oras na pamimili ko ay naisipan kong yayain silang kumain. Chance ko na sana ito para tumakas pero hindi ko sila napilit na kumain kasama ko.

Nagbabantay daw kasi sila at bawal silang malingat ng konti. Bilib talaga ako sa kakayahan nila. Hindi biro ang mga taong inatasan ni Tom na magbantay sa akin.

Kaya wala akong nagawa kung hindi ang kumain mag-isa. Pagkatapos kong kumain ay mabilis ko silang niyaya papunta sa department store.

Kumuha ako ng ilang mga damit.

"Kuya," tawag ko sa isang bodyguard.

"Bakit po, madame?"

"Pahawak naman po nito saglit. Ihing-ihi na po kasi ako eh."

"Sige po."

Nagmadali akong naglakad palayo.

Napansin kong nakasunod ang dalawang bodyguards sa akin. Kaya no'ng nasa tapat na ako ng restroom ay agad ko silang nilingon at tiningnan ng makahulugan kaya tumigil sila sa labas.

Mabuti naman at naintindihan nila ang gusto kong iparating.

Sakto na pagpasok ko ng banyo ay may isang babae akong nakita na naka-scarf.

Nilapitan ko siya.

"Ate, favor naman oh."

"Ano po 'yon, miss?"

"Pwede bang akin na lang iyang suot mo? Tapos sa 'yo na itong mga binili ko. Kasya ito sa 'yo, promise."

Nagtataka naman siyang napatingin sa bag na hawak ko na inaabot ko sa kanya.

"Bakit mas gusto niyo ang damit ko kaysa sa mga binili niyo?"

"May pinagtataguan kasi ako sa labas. Kanina pa kasi sunod ng sunod sa akin ang ex-boyfriend ko. Ayoko na makita niya ako. Baka kasi saktan niya ulit ako. Kaya sige na, miss? Malaking pabor at tulong ito sa akin kapag pumayag ka."

Parang naawa naman siya sa kwento ko. Mukhang naniwala siya.

"Sigurado ka ba, miss? Mumurahin lang itong damit ko kumpara riyan sa mga binili mo."

Tumango ako.

"Okay lang. Sanay ako sa kahit anong damit, ate. Galing ako sa hirap eh."

Kahit mukhang nagtataka pa rin siya sa hinihingi ko ay pumayag din siya sa wakas. Kaya ang kinalabasan, sinuot ko ang damit niya at sinuot niya ang mga bagong damit na binili ko.

"Salamat talaga, ate ha? Utang na loob ko talaga sa 'yo ito. Kapag nagkita tayo ulit, ililibre kita kahit saan mo gusto."

"Walang anuman. Kahit wala na pong libre basta ligtas kayo. Mag-ingat po kayo, miss. Sana hindi kayo mahuli ng ex-boyfriend niyo."

"Sana nga. Sige, miss, aalis na ako. Salamat ulit."

"Walang anuman," sabi niya.

Nilagay ko ang scarf sa ulo ko at naka-dress ako ng mahaba hanggang sa paa ko. Sana hindi nila ako makilala sa ganitong ayos ko.

Lumabas ako ng restroom na kita lang ang braso at kamay ko dahil sinadya kong takpan ang mukha ko gamit ang scarf at sunglasses na binili ko kanina.

Inayos ko ang paglalakad at medyo iniba ko ito para hindi nila ako mapansin dahil nasa harap lang ang dalawang bodyguards na naghihintay pa rin sa akin.

Napatingin ang isa sa akin pero agad akong yumuko. Kunwari ay may hinahanap ako sa bag na dala ko.

"Muntik na," bulong ko sa isip ko.

Mabilis akong naglakad kahit na medyo malayo na ako. Baka kasi makilala nila ako at sundan pa nila ako. O kaya, baka napansin nila na ang tagal ko at pumasok sila sa banyo para hanapin ako.

Makalipas ang ilang minuto ay nawala na sila sa paningin ko.

Mabuti na lang at hindi nila ako namukhaan. Walang ni isa na sumunod sa akin. Nakahinga ako ng maluwag no'ng nakalabas na ako ng mall.

"Salamat naman at wala na sila," sabi ko sa sarili ko.

Pumara ako ng taxi.

Pagkaupo ko ng taxi ay agad kong tinanggal ang scarf na nakatakip sa ulo at mukha ko. Pagkatapos ay sinabi ko sa taxi driver kung saan ako pupunta.

Tahimik lang akong nakaupo sa likod ng taxi, sa may passenger seat habang tahimik na nagdra-drive ang driver.

Nagdasal ulit ako ng ilang beses.

Sobrang kinakabahan kasi talaga ako sa mangyayari. Hindi ko alam kung makakauwi pa ba ako ng ligtas.

Basta ang importante ay ligtas ang lolo at lola ko. Sila lang naman ang importante eh. Kailangan nilang makaligtas.

Malaki ang utang na loob ko sa kanila. Ito na siguro ang kabayaran sa lahat ng pag-aaruga at pagmamahal nila sa akin.

Ilang minuto ang lumipas bago kami nakarating sa lugar na sinabi sa akin no'ng tumawag.

Nasa harap ko ay ang lumang building na hindi masyadong kalakihan.

Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko.

Ito na. Ito na siya.

Hindi naman ako isang bayani pero feeling ko ay 'yon ang papel ko ngayon.

Alang-alang kina lolo at lola, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mailigtas sila kahit kapalit pa nito ay ang buhay ko.

Miss Kae @KaeJune 💋

The Secret IdentityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon