Chapter 6

26.8K 576 15
                                    


Tiningnan ko ang papalayong kotse na naghatid sa akin.

Niyaya ko siyang pumasok muna sa  bahay pero tumanggi siya. May lakad pa raw kasi siya.

Nagtaka ako paanong may lakad siya ng ganitong oras ng gabi?

Pero masaya ako na nakasama ko siya ng ilang oras lalo na at kumain pa kami. Tumunog kasi ang tiyan ko kanina at narinig niya 'yon kaya nagpumilit siya na dumaan kami sa isang kainan. Pumayag na ako dahil nag-insist siya.

Libre niya raw, eh.

"Sino 'yon, apo?"

Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa pagkabigla. Nagulat ako sa biglang pagsulpot ni lola sa tabi ko at nakatingin siya sa papalayong kotse.

"Lola! Nanggugulat naman po kayo, eh," sabi ko saka kinuha ang kamay niya. "Mano po."

"Sino 'yon? Saka bakit ka hinatid?"

"Si Tom po, lola. Hinatid niya ako kasi nakita niya akong nasa daan na naglalakad."

"Ibig sabihin hindi mo kilala ang lalaking 'yon tapos sumakay ka sa kotse niya??"

Umiling ako. Bigla naman akong binatukan ni lola na kina-aray ko.

"Lola naman!" Sabay hawak ng batok ko.

"Kay babae mong tao, sumasama ka lang sa kahit na sinong lalaki na may kotse na pinasakay ka. Ano ka prostitute? Paano kung kung saan-saan ka dinala no'n?"

"La, mabait naman po si Tom. Saka siya 'yong lalaki na sinasabi ko sa inyo na tinulungan ko noon. 'Yong sabi ko na ginamot ko at pinatulog dito sa bahay pero nawala siya pagka-umaga."

"Kahit na. Hindi mo pa rin siya kilala. Malay mo kidnapper pala 'yon o kaya may masamang balak."

"Lola naman, may kidnapper ba na mas mahal pa nga ata ang kotse no'n kesa sa bahay natin at kahit isama mo pa ang ipon nating tatlo ni Lolo ay hindi natin kayang bilhin ang kotse niya. Saka mabait po siya at gwapo, La. Hehe."

Napailing si lola.

"Lola naman, eh. Ayaw maniwala."

"Ewan ko sa 'yo. Mabuti nang nag-iingat," napapailing na sabi ni lola saka pumasok na sa loob pero may mga binubulong pa na, "Iba na talaga ang mga kabataan ngayon. Basta gwapo, bumibigay na."

"Narinig ko yun, la." Natatawang sinabi ko at hindi ako pinansin.

Napailing nalang rin ako sa sinabi ni lola.

Napabaling ako sa kalsada at hindi ko na matanaw ang kotse niya kaya pumasok na rin ako sa bahay.

Teka, hindi man lang niya tinanong ang pangalan ko?

Siguro hindi siya interesado sa akin. Baka nga naawa lang 'yon no'ng makita akong naglalakad kaya pinasakay ako at pinakain para mabayaran niya ang pagtulong na ginawa ko sa kanya.

Pero infairness mukhang mabait naman talaga siya at may respeto sa babae. May hinala rin ako na galing siya sa mayamang pamilya base na rin sa kotse niya, sa kilos, at sa pagsasalita. Kahit na nakasimpleng t-shirt lang siya at pants.

Sayang nga at wala ako masyadong alam tungkol sa kanya. Hindi kasi siya makwento. Hindi rin niya masyadong sinasagot ang mga tanong ko tungkol sa personal niyang buhay. Minsan pakiramdam ko ay may tinatago siya.

Pero lahat naman tayo ay may karapatan na huwag sabihin sa iba ang tungkol sa personal nating buhay. Lalo na at hindi naman niya ako kilala. Siguro nag-iingat lang siya.

~•~

"Magandang umaga, ma'am."

Binati ako ng isang estudyante ko pagkapasok ko sa gate ng school.

"Magandang umaga rin, Lorenz. Kamusta ka? Bakit hindi ka pumasok kahapon?" nakangiti at masiglang bati ko sa kanya.

Ganun ako lagi. Laging masigla basta ang mga bata ang kausap ko.

'Pag nasa public school ka kasi, dapat ipakita mong masaya ka para hindi nila sabihing hindi ka masaya na pinili mo ang paaralan na ito para magtrabaho. Gusto kong ipakita sa kanila na masaya ako rito at masaya akong tulungan ang mga bata.

Nahihiyang ngumiti ito sa akin at napakamot ng ulo. "Wala po kasi akong baon kahapon, ma'am. Kaya naglako muna ako ng kendi at iba pa para may pambaon ako ngayon."

Nawala ang ngiti ko sa labi dahil sa narinig ko mula sa kanya.

Nag-squat ako ng kaunti para mapantayan ko siya.

"Ilan na ang baon mo ngayon?" tanong ko habang pinagmamasdan ng mabuti ang mga mata niya.

Sa totoo lang, nakakaawa ang mga bata rito sa probinsya namin lalo na sa school na 'to. Marami ang naghihirap pero bilib ako dahil gusto pa rin nilang mag-aral. Kaya ganoon na lang ang kagustuhan kong magturo rito para magabayan sila na huwag sumuko at huwag tumigil mangarap.

"Bente po, ma'am."

"Meron ka pa bang baon para bukas?"

Yumuko ito saka umiling.

"Magbebenta na lang po ako ulit mamaya, ma'am, para makapasok ako ulit bukas."

Naawa ako sa kanya.

Si Lorenz ay isa sa mga pinakamasipag na bata na kilala ko. Matataas ang grado niya at laging active sa klase kaya nalulungkot talaga ako kapag may hadlang sa pag-aaral ng batang katulad niya.

Kumuha ako ng 50 pesos sa wallet ko saka binigay sa kanya.

"Para saan po iyan, ma'am?"

"Para sa 'yo ito. Baon mo para makapasok ka hanggang sa biyernes."

"Talaga, ma'am??" gulat at tuwang sabi pa niya.

Tumango ako.

"Salamat po! Sobrang salamat, ma'am. Napakabait niyo po."

Tumayo ako at mahinang tinapik ang ulo niya. "Walang anuman. Natutuwa akong tulungan ka dahil napakasipag mong bata. Sige, pumasok ka na sa klase mo baka ma late ka pa."

"Opo. Salamat po ulit."

Nakangiti ako habang pinagmamasdan siyang tumakbo papunta sa klase niya na para bang ang saya-saya niya.

Masaya ako na makatulong sa mga studiyante ko kahit sa maliliit na mga bagay lang.

Napalingon ako banda sa guard at ngumiti naman siya sa akin kaya nginitian ko rin siya saka naman ito bumati sa akin.

Tatalikod na sana ako no'ng may nahagip ang mata ko na pamilyar na tao. Pero no'ng agad kong binalik ang tingin ko ay wala nang tao roon. Wala na 'yong lalaki roon sa pwesto niya.

Hindi ko maalala kong sino 'yon pero mukhang nakita ko na siya noon.

Nagkibit-balikat na lamang ako saka naglakad na papunta sa susunod kong klase. Ayoko pa namang nali-late baka tularan pa ito ng mga studyante ko.

Miss Kae @KaeJune

The Secret IdentityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon