"Tapos ka na ba, hija?"Tumango ako kay Manang Helen kaya kinuha niya sa akin ang tray ng pagkain.
Dito kasi ako sa kwarto kumain ng breakfast dahil ayaw nila akong pababain kasi masakit pa raw ang katawan ko. Kailangan ko raw magpahinga at huwag mapagod. Pero ilang araw na kaya medyo okay na ako.
Bilin daw kasi ni Tom sa kanila at concern din sila sa akin kaya mahigpit nila akong pinagbabawalan.
Aalis na sana si manang pero may naisip akong itanong sa kanya.
"Manang," sabi ko na kinalingon niya.
"Mali po ba ako?"
Ngumiti siya sa akin bago niya nilapag ang tray sa gilid na mesa saka umupo sa kama paharap sa akin.
"May mali ka man o wala, hindi pa rin kita masisisi, hija. Biktima ka lang ng sitwasyon. Hindi kasi ito ang buhay na kinamulatan mo. May kasalanan din si Timothy. Nilihim niya kasi sa 'yo ang buhay niya kaya hindi kita masisisi kung gano'n na lang ang mga nagawa mo. Hindi rin nakatulong sa sitwasyon na nawalan ka ng anak lalo na at dahil ito sa mga kalaban ng mafia."
Napayuko ako.
Ang bait-bait ni Manang sa akin. Mabait din ang anak niya. Kung masamang tao ang mga mafia, bakit may mga ganito kabubuting mga tao sa lugar na ito?
Hindi ko napigilan ang sarili ko na husgahan sila. Hindi ko muna sila kinilala at binigyan ng chance.
"Natakot po kasi ako, Manang," sabi ko na medyo nahihiya kay manang. "Kung kayo po ba sa sitwasyon ko, sa tingin niyo po ba ay matatakot din kayo kapag nalaman na isa pa lang mafia ang asawa ninyo?"
Napangiti si manang sa tanong ko at parang kuminang ang mga mata niya. Para siyang may naalala na magandang pangyayari noon.
"Hindi ko na kailangang e-imagine ang sarili ko sa posisyon mo, hija, para malaman ko kung ano ang pakiramdam."
Naguhuluhan akong tumitig sa kanya.
"Alam mo ba na ang asawa ko o ang ama ni Pardis ay isa ring mafia?" Nagulat ako sa pag-amin niya. "Tama ang narinig mo, hija. Mafia ang asawa ko. Noong una ay nagalit din ako sa kanya dahil nagawa niyang sumali sa ganyan pero sabi niya ay meron kasi siyang utang na loob sa mafia, lalo na sa ama ni Timothy. Sinabi niya sa akin na kung hindi dahil sa kanila ay malamang wala ngayon ang anak ko."
Nakinig lang ako sa kanya at hinintay na ipagpatuloy niya ang kwento.
"Nagkasakit kasi ako noon at muntik na akong makunan kung hindi ako nagamot agad. Mabuti na lang daw at tinulungan kami ng pamilya Jared. Kinupkop din nila kami dito sa mansion at dito na kami pinatira dahil wala kaming sariling bahay. Bilang pasasalamat sa pamilya nila, pinagsisilbihan namin sila."
Napangiti si manang habang kinikwento ang mga nangyari noon.
"Binigyan nila kami ng magaang buhay. Pinag-aral din ni Timothy ang anak ko pero hindi na kasi pinatuloy ni Pardis eh. Sayang nga. Kaya malaki ang utang na loob ko sa pamilya Jared."
Kinuha nito ang kamay ko at hinawakan ng mabuti sabay haplos nito.
"Masama talaga ang tingin ng mga tao sa mga mafia. Kahit ako rin naman noon. Pero nagbago iyon noong nakilala ko ang pamilya Jared. Wala silang ginawa sa amin na labag sa loob namin. Ang bait pa nga nila. Kinupkop nila kami at tinuring na pamilya. Tinuring din nilang anak si Pardis, lalo na ng ina ni Timothy. Kahit namatay ang asawa ko dahil sa pagligtas niya ng mga magulang ni Timothy, pero hindi sumama ang loob ko kasi kulang pa ang buhay namin bilang kapalit sa lahat ng tulong na binigay nila sa amin. Kung hindi kasi dahil sa kanila, malamang ay wala na kami ng anak ko ngayon."
Nakita kong nagpunas ng luha si manang.
"Maswerte ka dahil ikaw ang minahal ni Timothy. Hindi ko kasi nakitang nagkagusto iyon sa iba. Hindi kasi iyon nagsasayang ng oras sa mga bagay o taong hindi niya talaga gusto. Hindi ko nga nakitang nagka-girlfriend 'yang batang 'yan. Nagulat na lang kami no'ng narinig na kinasal na pala siya. Sobrang saya namin para sa kanya. Kaya alam ko na mahal na mahal ka niya dahil ikaw ang unang babae na dinala niya rito."
Napangiti ako ng malungkot. Dapat nga masaya ako dahil sa narinig ko. Pero hindi ko magawang sumaya dahil alam ko na nagkamali ako ng sobra sa asawa ko.
"Nasaktan ko po siya, Manang."
Hinaplos ni manang ang pisngi ko.
"Alam mo ba na kahit nagtatampo 'yon sa 'yo ngayon ay ikaw pa rin ang iniisip niya? Binilin niya sa amin na alagaan kang mabuti, at pakainin at painumin ng gamot sa tamang oras. Ikaw lagi ang bukangbibig niya. Mahal na mahal niya kayo ng anak niyo. Saka alam mo ba na pinaayos niya talaga at pinuno ng pictures ni Baby Tristan ang nursery room? Kasi sabi niya noon ay iuuwi niya kayo rito. Sayang nga lang dahil hindi na nagamit ni baby ang mga hinanda ng Daddy niya para sa kanya."
Nalulungkot ako kapag naaalala ko ang pagkamatay ng baby ko.
"Subukan mo sanang alisin ang takot mo, hija. Mahal na mahal ka ng asawa mo. Pro-protektahan ka niya at gagawin niya ang lahat para sa 'yo. Magtiwala ka lang sa kanya. Alam ko namang mahal na mahal niyo ang isa't-isa eh. Hindi magbubunga ang pagsasama niyo kung hindi niyo mahal ang isa't-isa."
May punto si Manang. Mahal ako ni Tom at mahal ko rin siya. Iyon ang pinagsimulan ng lahat.
Pero kaya ko bang tanggapin na ganito na ang buhay ko? Isang buhay na hindi ko alam kung ano ang mangyayari kinabukasan dahil delikado ang mundo ng isang mafia.
Pero nandito na 'to, eh. Asawa ko na si Tom. Hindi ko dapat siya kamuhian dahil sa buhay na meron siya.
Kailangan ko siyang patawarin at tanggapin ng buong puso. Pero galit ata sa akin si Tom dahil sa mga nasabi ko.
Hindi niya ako pinapansin simula pa no'ng araw na 'yon. Well, kasalanan ko naman kasi pinagbintangan ko siya.
"Papatawarin pa kaya niya ako, Manang?" naiiyak na tanong ko.
Tumawa ng mahina si manang.
"Oo naman. Hindi ka niya matitiis 'no. Lagi ka ngang kinakamusta sa akin eh."
Natawa ulit si manang at napailing.
"At alam mo ba, siya mismo ang naghanap sa 'yo noong hindi ka namin mahanap. Mas inuna niyang hanapin ka kahit na meron pa dapat siyang kailangan na aasikasuhin noong gabing iyon. Inuna niyang hanapin ka. At noong nahanap ka na niya, nagulat kami noong dumating siya sa bahay na karga-karga ka at punong-puno siya ng mga pasa."
Tuluyan na akong naiyak.
Ano ba itong nagawa ko? Hindi ko man lang sinubukang intindihin ang asawa ko.
"Ang sama kong asawa kay Tom," naiiyak na sabi ko.
Niyakap ako ni Manang. "Ang importante ay itatawid mo ang kung ano mang pagkakamali mo."
Napahiwalay ako ng yakap mula sa kanya saka siya tiningnan ng mabuti. Tumango naman siya sa akin ng may ngiti sa labi.
"Humingi ka na lang ng tawad, hija. Maiintindihan ka naman no'n. Walang relasyon na tumatagal kapag wala ni isa sa inyo ang marunong na magpakumbaba."
"Salamat po, Manang. Dahil po sa inyo kaya medyo naliwanagan ang isipan ko," sabi ko saka siya niyakap ulit.
"Walang anuman, hija. Ang hangad ko lang ay maging mabuti ang pagsasama ninyong dalawa."
Miss Kae @KaeJune 💋

BINABASA MO ANG
The Secret Identity
AksiWould you fall in love with someone even if you don't know his real identity? What if you find out about his true identity when it's already too late? Would you still stay or would you leave? All Rights Reserved. September to November 2016. Revised...