Chapter 4.3

3.1K 64 1
                                    

HINDI na nagawang bilangin ni Sophia ang baso ng alak na nainom niya sa loob ng G Club sa Quezon City. Nang maisipan niyang lumabas ng gabing iyon ay doon siya pumunta para magpaka-lasing at makalimutan ang lahat ng problema.
Napatingin siya sa katabing bar stool nang maramdaman ang pagtabi ng isang lalaki. Nakangisi ito at pinasadahan ng tingin ang kabuuan niya. Nasa ayos nito ang pagiging basagulero dahil sa dami ng piercings at tattoos na nasa katawan nito. Malaki din ang katawan nito.
“Mukhang may problema ka, Miss, ah? Baka gusto mo ng kausap? Available ako,” sabi nito sa baritono at nakalolokong tinig.
Umismid siya. “Men,” she uttered the word like it was a curse. “Mga walang kuwenta.”
“Anong sabi mo?” aktong sasampalin siya nito nang mapigilan ito ng isang babaeng nakalapit na sa kanila.
“Drake, ano ba? Kung manggugulo ka lang dito, umalis ka na,” ani ng babae.
Inilipat niya ang tingin dito. Ito ang babaeng nag-perform kanina sa bar na ito. The woman was pretty and mysterious-looking in that short haircut she had. May pulang highlights din ang mag-kabilang gilid ng buhok nito, iyon ang dahilan kung bakit agad itong napapansin. Nakasuot ito ng itim na pantalon at itim na shirt na napapatungan ng isang military jacket.
“Huwag kang makialam dito, Rachel,” sabi ng lalaki dito at muli siyang hinarap. “Hoy, babae. Anong sinasabi mong wala kaming kuwenta? Baka gusto mong ipakita ko sa’yo ang kaya kong gawin?”
Matalim niya itong tiningnan. “Bakit? Totoo naman, ah? Wala kayong kuwenta at walang puso,” pumiyok na siya dahil sa pinipigil na pag-iyak. “Mga walang puso…” itinaklob niya ang mga kamay sa mukha at doon humagulhol. “Pagbabayaran ng Vincent Fabella na iyon ang lahat ng ginawa niya. That bastard!” Wala na siyang pakialam sa mga lumalabas sa bibig niya, hindi niya na magawang kontrolin ang sariling emosyon.
Iniangat niya ang ulo at nakita ang mga itong nakatitig lang sa kanya. Pinunasan niya ang mga luha at humingi ng paumanhin sa mga ito. Nakita niya pa ang pag-ngiti ng lalaki.
“Tingnan mo nga naman ang pagkakataon, Rachel,” humarap ito sa babaeng tinawag nitong Rachel. “Nakakilala pa tayo ng taong may galit sa Vincent Fabella na iyon.”
Bumuntong-hininga ang Rachel na iyon pero hindi sumagot.
“K-Kilala niyo si Vincent?” tanong niya sa mga ito.
“Siyempre,” sagot ng lalaki. “Isa siya sa mga kinamumuhian naming ‘breakers’ at business partner ng tanyag na Christopher Samaniego na iyon.”
Kumunot ang noo niya. Breakers? Christopher? Kilala niya si Christopher Samaniego Jr. – isang tanyag na businessman at may-ari ng MicroGet. Pero hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng ‘breakers’ na sinabi nito.
“Bakit galit ka sa Vincent Fabella na iyon?” tanong ulit ng lalaki. “Isa ka ba sa mga babaeng iniwanan niya?” tumawa pa ito.
“Hindi, at hinding-hindi ako magpapaloko sa hayop na iyon,” puno ng galit na sagot niya.
“Kung ganoon bakit galit ka sa kanya?” pangungulit pa rin nito.
Iniyuko niya ang ulo, nag-aalangan siyang sabihin dito ang totoo.
“Huwag kang mag-alala, mapagkaka-tiwalaan mo naman kami,” inilahad nito ang isang kamay. “Ako nga pala si Drake Jimenez at ang kasama kong ito ay si Rachel Leigh Villanueva.”
Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “Sophia Delacion.”
“Ooohhh,” pinisil pa nito ang kamay niya. “Delacion International Corporation,” ngumiti ito. “Huwag mo ng itanong kung paano ko nalaman. Matagal na akong mahilig mag-research ng tungkol sa mga kumpanyang nasa corporate world.”
Tumango siya at binawi ang kamay na hawak nito. Muli na naman siyang tumungga ng isang baso ng alak.
“Bakit ka nga galit sa kanya?” tanong na naman ng Drake na iyon.
Bumuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung magtitiwala siya sa mga ito pero dahil na rin siguro sa alak na nainom niya kaya nai-kuwento niya sa mga ito ang lahat. Patuloy lang din siya sa pag-inom at pag-iyak habang nagsasalita.
Isang mahabang katahimikan ang dumaan matapos niyang mag-kuwento, humihikbi na lang siya.
“Puwede ka naming tulungan, alam mo ba ‘yon?” narinig niyang wika ni Drake.
Tumingin siya dito, nasa mga mata ang pagtataka. “Tulungan?”
“Oo, sa plano mong paghihiganti sa Vincent Fabella na iyon,” ngumisi ito. “Kung sasama ka sa grupo namin.”
“Grupo?” ulit niyang muli sa sinabi nito.
Tumango ito. “Mayroon kaming grupo nitong si Rachel,” inakbayan pa nito ang babae. Naiinis namang lumayo si Rachel dito at tiningnan ito ng masama. Tumawa lang si Drake at nagpatuloy. “Grupo iyon na ang nag-iisang misyon ay sirain si Christopher Samaniego at ang society na itinatag nito.”
“Society?” hindi niya magawang intindihin ang mga sinasabi nito.
“Saka na namin ipapaliwanag sa’yo ang lahat. Ang importante ay kasama sa society na iyon ang kinasusuklaman mong si Vincent Fabella. Kapag sumapi ka sa amin, maaari tayong mag-tulungan para pabagsakin at sirain siya. You can ruin his heart and we can help you ruin his business,” tinitigan siya nito. “Mas mapapadali ang lahat kung magtutulungan tayo, hindi ba?”
Matagal niyang pinag-isipan ang sinabi nito. Totoong mapapadali ang lahat kung may makakatulong siya sa paghihiganti niya dahil siguradong hindi niya kayang pabagsakin ito ng mag-isa. Hindi sapat na masaktan niya lang ito, nais niyang sirain maging ang negosyong pinakamamahal nito at ang lahat-lahat dito.
Pinagtibay niya ang kalooban at direktang tumingin dito. Nakapag-desisyon na siya. Gagawin niya ang kahit ano para mapagbayad ito sa kasalanan nito sa kapatid niya. “Basta sisiguraduhin mong babagsak siya at hindi na muling makakabangon,” puno ng katatagang wika niya.
Tumawa si Drake. “Siguradong-sigurado ako. At pagkatapos niyang maghirap, maaari na natin siyang tapusin.”
Tapusin? Meaning, to kill him? Hindi niya alam kung gusto niya nga bang umabot pa doon ang paghihiganti niya pero bahala na. Ang mahalaga ay makapag-higanti siya. Iyon lang ang bagay na tumatakbo sa isipan niya.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent FabellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon