BINUKSAN ni Sophia ang pinto ng study room ni Vincent at nakita itong nakaupo sa harap ng desktop computer na naroroon at abala pa rin sa trabaho. Lumingon ito sa kanya at ngumiti.
Nang gabing iyon at napag-pasyahan niyang matulog sa condominium unit nito dahil may nais siyang gawin. Lumakad siya palapit dito.
“Gabing-gabi na, ah,” sabi niya. “Tama na ‘yan, matulog na tayo,” ungot niya.
Hinila niya ito patayo. Nagpadala naman ito sa kanya at lumabas na sila ng study room. “Hindi ka ba makatulog?” tanong nito.
Tumango siya. “Nagpunta ako dito para makasama ka sa pagtulog, puro trabaho naman ang iniintindi mo,” nagtatampong wika niya. Nakapasok na sila sa kuwarto nito.
Tumawa ito. “I’m sorry, sweetheart,” humiga ito sa kama at sumunod siya dito.
Umunan siya sa braso nito at niyakap ito sa baywang. “Naiintindihan ko naman na marami kang kailangang asikasuhin ngayon. Pero dapat magpahinga ka rin, pinipilit mo pa ang sarili mong magtrabaho kahit pagod ka na.”
“Mmm,” niyakap siya nito ng mahigpit. Hindi na ito nagsalita at napag-alaman niyang nakatulog na pala agad ito.
Tiningnan niya ito na mahimbing na natutulog. Itinaas niya ang isang kamay at marahang hinaplos ang pisngi nito. Mukhang pagod na pagod na talaga ito.
Bumuntong-hininga siya at ilang minuto ang pinadaan bago siya kumalas sa pagkakayakap nito at bumaba sa kama. Muli niya itong tiningnan para masigurong tulog pa rin ito pagkatapos ay dahan-dahan siyang lumakad palabas ng kuwarto.
Dumiretso siya sa loob ng study room at sinimulang tingnan ang lahat ng folders na naroroon. Umupo siya sa harap ng desktop computer at pinakialaman ang mga files na nakabukas doon. Ilang sandali lang ay nakita niya na ang hinahanap – ang files tungkol sa produktong ila-launch ng kumpanya nito sa susunod na taon.
Mabilis niyang kinuha ang hard drive na nasa bulsa at sinimulan na ang pag-copy ng mga files na naroroon. Muli niyang ibinalik sa ayos ang lahat at lumabas na. Pinadalhan niya muna ng mensahe si Drake na makikipagkita siya dito bukas para ibigay ang nakuhang impormasyon bago siya bumalik sa kuwarto ni Vince.
Himbing na himbing pa rin ito sa pagtulog. Ilang sandali niya itong pinagmasdan. You will hate me after this, Vince. You will hate me for ruining your life and your heart. Malapit ng matapos ang lahat ng ito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 8: Vincent Fabella
RomanceSophia needed to enter Vincent Fabella's life, a heartless bastard na may malaking pagkaka-utang sa kanya. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang itaya ang sarili niya para lamang makalapit dito. Hindi siya titigil hangga't hindi nahuhulog ang l...